Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

FIRST THINGS FIRST & SUNDAY HOMILIES

Homily July 6, 2025

 4,025 total views

14th Sunday in Ordinary Time Cycle C

Is 66:10-14 Gal 6:14-18 Lk 10:1-12.17-20

“Sangkalupaang nilalang, galak sa Poo’y isigaw.” Galak at tuwa ang mensahe sa atin ng Diyos ngayong Linggo. Pero kakaiba ito sa mga nararanasan ng marami ngayon sa mundo. Ang damdamin ng marami ay pangamba. At ang direktang naaapektohan ay nakararanas ng sakit, takot at kamatayan. Ano ba ang mangyayari sa mundo na dumadami ang mga digmaan? Malalaki ang mga bomba na pinapalipad ngayon sa mga kaaway. Gumagamit ng drones ang Russia at Ukraine laban sa isa’t-isa. Marami ang tinatamaan ng mga drones na ito ay mga civilians. Patuloy na binobomba at pinupulbos ng Israel ang Gaza at ang Lebanon. Pinapatay nila ang mga walang kalaban-labang mga tao. Nagpapadala ng bomba ang Israel at ang Iran laban sa isa’t-isa at ganoon din ang ginagawa ng America laban sa Iran. Saan ba papunta ang mundo natin? Paano tayo magagalak sa ganitong sitwasyon?

Pero narinig natin sa sinulat ni propeta Isaias: “Magalak ang lahat, magalak kayo dahil sa Jerusalem.” Paano tayo magagalak dahil sa Jerusalem na siya nga ng bumobomba sa Gaza, sa Lebanon at sa Iran? Hindi ang Jerusalem ngayon at ang namumuno doon ang dahilan ng ating kagalakan, kasi kahit na mga Hudyo sila, hindi sila sumusunod sa Bibliya ng mga Hudyo. Mapaghiganti sila at pumapatay ng mga bata, ng mga kababaihan at ng mga matatanda at may kapansanan. Ayon sa plano ng Diyos ang mga Hudyo, ang mga anak ni Abraham, ay dapat maging pagpapala para sa mga bansa. Hindi nila ito ginagawa. Sila ang nagdadala ng kamatayan at pagkasira sa maraming mga Palestinians na wala namang kalaban-laban.

Narinig natin kay propeta Isaias sa ating pagbasa: “Akong Panginoon ang kumakalinga sa mga tumatalima sa akin.” Iyan dapat ang maging dahilan ng ating kagalakan, ang pagsunod natin sa kalooban ng Diyos. Ang tunay na Israel, ang tunay na Hudyo, ay ang sumusunod sa batas ng Diyos.

Iyan nga ang naging dahilan ng kagalakan ng mga apostol sa ating ebanghelyo. Pinadala sila ni Jesus sa hindi madaling misyon. Malaki ang misyon nila. Marami ang aanihin. Mapanganib pa. Para silang mga tupa sa gitna ng mga asong gubat. At sinabi pa ng Diyos na huwag silang magdala ng anuman – walang supot, walang lukbutan, walang panyapak. Huwag silang maging mapili kung saan sila tutuloy at hindi maging mapili sa kanilang kakainin. Tatanggapin nila ang anumang ihahain sa kanila. Huwag din sila magalit sa hindi pagtanggap sa kanila. Hayaan na lang nila sila at patuloy sila sa kanilang pagmimisyon. Hindi dapat sila mapigilan ng mga komokontra sa kanila.

Hindi madali ang pinagagawa sa kanila ni Jesus. Pero sinunod nila at hindi sila binigo ni Jesus. Talagang pinangangalagaan ng Diyos ang sumusunod sa kanya. Walang nakapinsala sa kanila ng mga mabangis at makamandag na mga hayop. Naging matagumpay sila. Pati ang mga demonyo ay sumusuko sa kanila. Napapakita nila sa mga tao na dumarating na nga ang paghahari ng Diyos. Naipaghanda din nila ang daraanan ng Panginoon.

Pero hindi lang ito ang ikagalak nila. Mas lalo dapat nilang ikagalak na nakatala ang kanilang pangalan sa langit. Ang ibig sabihin nito, na may gatimpala sila sa langit, hindi lang dito sa lupa. Mas higit pang kaligayahan ang nag-aantay sa kanila doon sa kabilang buhay.

Minsan sinabi ni Jesus na maging handa tayo na iwanan ang lahat upang sumunod sa kanya. Sinabi ni San Pedro: “Panginoon, iniwan namin ang lahat – ang aming pamilya, ang aming ariarian, ang aming lupain at ang aming trabaho, upang sumunod sa iyo. Ano naman ang mapapala namin?” Sinagot siya ni Jesus na ang sinumang tumalikod sa pamilya, sa bahay, sa ari-arian at sa kanyang sarili alang-alang sa kanya ay magkakaroon ng isang daang ibayo ng mga ito sa buhay na ito at ng buhay na walang hanggan sa kabilang buhay. Hindi natin matatalo ang Diyos sa kabutihan at sa pagiging mapagbigay. Ito ay ang dahilan ng ating kagalakan. Kaya magalak tayo kung tayo ay naglilingkod sa Diyos, kung tayo ay nagbibigay ng panahon sa kanya, kung tayo ay nagbabahagi ng ating kayamanan sa ating balik-handog para sa Diyos at sa ating kapwa. Magalak tayo at magsaya. Malaki ang ating gantimpala sa Diyos. Hindi siya pabaya. Hindi lang niya alam ang ating mga kasalanan, binibilang din niya ang lahat ng kabutihan natin. Sumunod lang tayo sa kanya.

Sa ating ikalawang pagbasa, hindi natatakot si Pablo sa mga krus at kahirapan sa buhay. Naniniwala siya na mabisa ang krus at nagtatagumpay ang krus. Nabubuhay siya dahil sa krus ni Jesus. Binago siya ng krus. Noong si Jesus ay namatay sa krus, nagkaroon siya ng bagong buhay. Gayon din binago tayo ng krus ni Jesus. Naging bagong nilalang tayo. Hindi na tayo naging makalaman; naging maka-espiritu na tayo. Sumaatin na ang kapayapaan at pagpapala ng Diyos. Ito ang dahilan ng ating kasiyahan.

Tayo ay masaya hindi dahil sa maayos ang lahat, hindi dahil sa walang problema, at ni hindi dahil sa lahat ng ginugusto natin ay napapasaatin. Nagagalak tayo dahil sa sinusunod natin ang kalooban ng Diyos. Nagagalak tayo na binago tayo ng krus ni Jesus. Nagagalak tayo na may gantimpalang nag-aantay sa atin dito sa lupa at sa langit. Gusto ng Diyos na ibahagi ang kanyang kaligayahan sa atin. Ito ang dahilan ng ating kasiyahan, isang kasiyahan na hindi maibibigay ng mundong ito. Magalak tayo!

Homily June 29, 2025

 9,684 total views

Solemnity of St. Peter and Paul St. Peter’s Pence Sunday

Acts 12:1-11 2 Tim 4:6-8.17-18 Mt 16:13-19

Noong taong 64 nagkaroon ng matinding pag-uusig na nangyari sa Roma laban sa mga Kristiyano. Gusto ng Emperador na si Nero na pagandahin ang lunsod ng Roma. Magtatayo siya ng mga magagandang buildings. Pero kailangan muna niyang paalisin ang mga tirahan ng mga tao na basta na lang nagsulputan sa lunsod na walang kaayusan. Upang magawa ang plano siya, nagkaroon ng matinding sunog sa lunsod. Ilang araw na nasusunog ang mga bahay ng mga tao. Maraming nakakita na sinadya ang sunog na ito. Ang laki ng galit ng mga tao. Ang ginawa ni Nero ay binintang niya ito sa mga kristiyano. Kaya nagkaroon ng matinding pag-uusig sa mga Kristiyano sa lunsod ng Roma. Pinahuli at pinapatay ang matagpuang kristiyano. Ang obispo noon ng Roma ay si Pedro. Pinahuli niya si Pedro at ipinako sa krus doon sa burol ng Vaticano. Ang isa pang leader ng mga Kristiyano na natagpuan sa Roma ay si Pablo. Dahil sa siya ay isang mamamayang Romano, hindi siya ipinako sa krus. Siya ay pinugutan ng ulo. Ang dalawang leaders na ito, si Pedro at si Pablo ay kapwa pinatay sa Roma. Ngayong araw ang kapistahan nila, ang dalawang haligi ng simbahan ng Roma.

Naging haligi si Pedro kasi siya ang pinagkatiwalaan ni Jesus ng kapangyarihan sa simbahan. Si Jesus noon ay nagkaroon ng survey sa mga alagad niya. Maraming mga tao ang lumalapit kay Jesus. Bakit kaya? Ano ba ang akala nila sa kanya? Kaya tinanong ni Jesus ang mga alagad, sino ba ako ayon sa mga tao? Ano ba tingin nila sa kanya? Ipinahayag ng mga alagad ang mga bali-balita tungkol kay Jesus ayon sa sabi-sabi ng mga tao. Kakaiba siya sa pangkaraniwang mga leaders nila. Siya ba kaya si Juan Bautista na pinapugutan ng ulo ni Herodes pero muling nabuhay? Isa kaya siya sa mga propeta noong nakaraang panahon na inaasahan nilang darating sa wakas ng panahon – si Elias, si Jeremias o ang propeta na tulad ni Moises? Maraming opinion ang mga tao tungkol kay Jesus.

Pero tinanong ni Jesus ang mga apostol na pinili siya at kasa-kasama niya ng mga tatlong taon na. Kayo naman, sino ba ako ayon sa ninyo? Napigilan ang mga apostol. Hindi nila inaasahan ang tanong na ito. Ang nagsalita ay si Simon: “Kayo ay ang Kristo, ang anak ng Diyos na buhay.” Ang Kristo ay ang matagal nang ipinangako ng Diyos na isang itinalaga na ipadadala niya sa kanyang bayan. Sinabi na niya ito mga isang libong taon nang nakaraan, noon pang panahon ni David at ni Moises pa nga. Hindi lang Kristo ang pagkakilala sa kanya ni Simon. Kinilala pa siyang anak ng Diyos na buhay. Tumpak ang kanyang sagot, pero sinabi ni Jesus na tama ang pagkakilala sa kanya ni Simon, hindi dahil sa siya ay mas magaling kaysa mga kasama niya. Ang pagkilalang ito ay galing sa Diyos Ama. Pinili ng Diyos Ama si Simon na magkaroon ng ganitong malalim na pagkakilala kay Jesus. Dahil dito, si Jesus naman ay pinili din niya si Simon na maging matatag na haligi ng simbahan. Pinalitan ang kanyang pangalan. Hindi na siya Simon kundi Pedro na – ang ibig sabihin ng pangalang Pedro ay Bato. Sa Pedrong ito, sa Batong ito, itatayo ni Jesus ang kanyang simbahan. Magiging matatag ang simbahang ito na hindi ito madadaig ng anumang kasamaan sa lupa. Binibigyan pa siya ng kapangyarian ng susi. Ang papahintulutan niya sa lupa (ang papapasukin niya) ay papayagan din sa langit. Ang ipagbabawal niya (sasarhan) sa lupa ay ipagbabawal din sa langit.

Dahil dito kinilala si Simon Pedro na leader ng mga apostol at leader ng simbahan. Dahil sa siya ang kilalang leader binabantaan siya ng mga komokontra sa simbahan. Sa ating unang pagbasa, noong nakita ni Herodes, ang anak ng Herodes na gustong ipapatay ang sanggol na si Jesus, na natuwa ang mga tao na pinapatay niya si Santiago, gusto din niyang ipapatay si Simon Pedro. Hinuli siya at ipinabilanggo upang maiharap sa mga leaders ng mga Hudyo. Mahigpit ang pagkabihag kay Pedro. May apat na guardia sa paligid niya at may kadena pa sa kamay at paa niya. Pero sa gabay ng anghel, nakalaya siya. Hindi pa panahon ni Pedro na mamatay. Pinapatnubayan din siya ng Diyos. Leader yata siya ng simbahan.

Sa ating ikalawang pagbasa naman, isinalaysay ni Pablo kay Timoteo na malapit nang magtatapos ang kanyang buhay. Pero mapayapa ang kanyang loob. Tapat siya sa kanyang misyon. Naipahayag niya ang Magandang Balita kung saan siya pinadala ng Panginoon. Iniligtas siya ng Diyos sa maraming kahirapan at kapahamakan upang magampanan niya ang kanyang gawain. Siya nga ay nasa Roma bilang isang bilanggo pero patuloy pa rin siyang nagpapahayag. Doon din niya napatotohanan ang kanyang katapatan kay Jesus. Doon siya pinugutan ng ulo sa Roma.

Si Pedro at si Pablo ay hindi lang haligi ng simbahan sa Roma. Sila din ay ang haligi ng ating pananampalataya. Hindi nagsawa si Pedro at si Pablo na magpahayag tungkol kay Jesus. Hindi lang sila naglakbay sa malalayong lugar. Hindi lang sila nagsalita at namuno. Ganoon ka-totoo ang kanilang mensahe na ang dugo nila ang naging testigo ng katotohanan ng kanilang ipinahayag. Pinakita nila ang kanilang pag-ibig kay Jesus hanggang kamatayan.

Ipinagdiriwang natin ang araw ng dalawang dakilang santong ito upang palakasin ang ating katapan sa pananampalatayang katoliko. Maging tapat tayo sa Santo Papa, ang kahalili ni Pedro. Si Papa Leon ay ika 267 na kahalili ni Pedro. Patuloy tayong pinangungunahan ni Pedro sa pamamagitan ng ating Santo Papa ngayon. Patuloy din ang pangangalinga ng Santo Papa sa mga Kristiyano, lalo na iyong nangangailangan. Kaya mayroon tayong second collection ngayon sa buong simbahang katoliko sa buong mundo para po makatulong sa Santo Papa sa pagtugon sa iba’t-ibang pangangailangan ng mga mahihirap sa iba’t-ibang bahagi ng mundo. Kasama tayo sa pagkawang gawa ng Santo Papa.

Homily June 22, 2025

 11,690 total views

Corpus Christi Sunday
Gen 14:18-20 1 Cor 11:23-26 Lk 9:11-17

Ang taong nagmamahal ay malikhain. Naghahanap siya ng mga pamamaraan upang makapiling niya ang kanyang minamahal. Kaya ang magkasintahan ay naghahanap ng paraan upang magkita o mag-usap man lamang. Ayaw natin mahiwalay sa iniibig natin. Mahal na mahal tayo ni Jesus. Sabi niya na walang hihigit pa sa isang nagmamahal na ialay niya ang kanyang buhay sa kanyang iniibig. At iyan nga ang ginawa niya. Ganoon ang pag-ibig niya sa atin na ibinigay niya ang kanyang buhay para sa atin. Siya ay ang tunay na mabuting pastol na naparito upang magbigay ng buhay sa kanyang kawan.
Dahil sa mahal na mahal tayo ni Jesus ayaw niyang mahiwalay sa atin. Ano ang ginawa niya? Nagpaiwan siya sa atin sa isang katangi-tanging paraan. Talagang malikhain siya. Nagpaiwan siya sa atin sa anyo ng pagkain, sa anyo ng tinapay at alak. Panlabas na anyo lang ito. Pero sa totoo hindi na ito tinapay kundi ang katawan ni Kristo. Hindi na ito alak, kundi dugo ni Kristo. Ito ang ipinagdiriwang natin ngayon: Ang kamahal-mahalang Katawan at Dugo ni Kristo sa panlabas na anyo ng tinapay at alak.

Ang pag-aalay ng tinapay at alak ay may matagal nang kasaysayan. Noong panahon ni Abram, pagbalik niyang matagumpay laban sa kanyang mga kaaway na bumihag kay Lot at ng kanyang pamilya, sinalubong si Abram ni Melquisedec, isang hari at pari ng lunsod ng Salem. Siya ay naghandog ng tinapay at alak. Pinagpala ang saserdoteng ito ni Abram at kinilala naman siya ni Abram na galing sa Panginoon kaya nag-alay siya sa kanya ng ikapu ng lahat ng nasamsam niya sa digmaan.

Si Jesus ay isang pari din na nag-aalay. Ang kanyang pagpapari ay nanggaling kay Melquisedec. Ang kanyang pag-aalay ay ang kanyang sarili sa anyo ng tinapay at alak. Ito ay matagal nang kinilala ng simbahan, panahon pa ni Pablo. Ginagawa ng simbahan ang ginawa ni Jesus sa Huling Hapunan. Doon dumampot si Jesus ng tinapay at sinab: “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo.” Ganoon din ang ginawa niya sa kalis na puno ng alak: “Ang kalis na ito ang bagong tipan na pinagtitibay ng aking dugo.” Tinapay ang ating nakikita at nakakain, pero iyan sa totoo ay katawan ni Kristo. Alak ang ating naaamoy at naiinom, pero iyan sa totoo ay Dugo ni Jesus. At ang utos niya sa atin ay gawin niyo ito ng palagi. Iyan nga ang ginagawa natin sa Banal na Misa. Pinapasangayon natin ang pag-aalay ni Jesus ng kanyang katawan at dugo upang makapakinabang tayo sa kanya. Siya ang ating pinagsasaluhan. Dahil dito nabubuhay tayo dahil sa kanya.

Tuwang tuwa ang mga higit na limang libong tao na pinakain ni Jesus sa may dalampasigan ng Lawa ng Galilea. Nabusog sila. Pero ang pagpakain sa kanila ay tanda lang ng mas mahalagang pagkain na bibigay niya sa atin – ang kanyang sarili. Hindi lang ang buhay sa mundong ito ang pinagkakaabalahan ni Jesus. Nababahala din siya sa ating paglalakbay sa buhay na ito tungo sa buhay na walang kamatayan. Kaya nasabi niya: ang kumakain ng aking Laman at umiinom ng aking Dugo ay magkakaroon ng buhay na magpakailanman. Ito po ang tinatanggap natin sa Banal na Misa.

Madalas nating awitin: “Sa piging ng ating Panginoon, tayo ay nagtitipon.” Ang piging ay isang handaan, isang salu-salo. Pumupunta tayo sa piging upang pagsaluhan ang pagkaing inihanda sa atin. Sa Banal na Misa pinapakain tayo sa dalawang lamesa, ang lamesa ng Salita ng Diyos at ang lamesa ng altar. Una po binubusog ang ating isip at diwa ng Salita ng Diyos. Pinapahayag ito sa atin mula sa mga pagbasa sa Bibliya at ito ay pinapaliwanag sa atin. Dahil sa Salita ng Diyos lumiliwanag ang ating isip at sumisigla ang ating damdamin. Tumatalab sa ating puso ang mensahe ng mabuting balita na mahal tayo ng Diyos, na hindi niya tayo iiwan. Paglipat natin sa lamesa ng altar, ang salita ng Diyos ay nakaroon ng laman. Naging katawan ni Kristo ang tinapay dahil sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos. At ito ay natatanggap natin sa ating katawan. Talagang nakikiisa ang Diyos sa atin. Pumapasok ang kanyang katawan sa katawan natin. Napakalaking grasya ito. Namnamin natin ang kanyang presensiya sa atin.

Dahil dito tayong lahat ay hinihikayat na tumanggap ng kumunyon sa bawat misa. Ayaw mo bang pumasok si Jesus sa iyong katawan? Sabi nga natin na malikhain ang taong nagmamahal. Malikhain ang pag-ibig ni Jesus sa atin. Nakahanap siya ng paraan na makiisa sa atin. Naging pagkain siya upang pumasok siya sa atin. Tayo naman, tanggapin natin siya ng may pagmamahal. Manabik tayo sa kanya. Papasukin natin siya sa ating buhay. Tanggapin natin siya sa ating labi ng may buong pagmamahal.

Dahil sa natanggap na natin siya nagbabago na ang ating pananaw. Minamahal na rin natin ang lahat ng minamahal ng Diyos. Kaya mahal na natin ang ating kapwa – hindi dahil sa mabait sila sa atin at maganda sila – kundi dahil sa mahal din sila ni Jesus. Kaya minamahal na rin natin ang minamahal ni Jesus. Kaya ang pagtanggap ng komunyon ay hindi lang pagtanggap kay Jesus. Ito ay pagtanggap din sa lahat na tinatanggap ni Jesus, kasama na diyan ang mga nakagawa ng masama at ang mga hindi kaibig-ibig.

Sinabi ni Jesus: “Makikilala kayo na mga alagad ko sa inyong pagmamahal sa isa’t-isa.” Pag-ibig ang tatak Kristiyano. Maaari tayong umibig kasi tayo una ang inibig. Sana po makita natin sa Banal na Komunyon ang pag-ibig ni Jesus sa atin. Nakikiisa siya sa atin. Tanggapin natin siya, at dahil sa kanya tanggapin natin ang ating kapwa. Kaya ang Banal na Komunyon ay hindi lang nagpapalapit sa atin kay Jesus. Pinag-iisa din nito tayo sa ating kapwa.

AVT LIHAM PASTORAL

 22,703 total views

Magdasal para sa Kapayapaan

“Mapalad ang gumagawa ng paraan para sa kapayapaan sapagkat sila’y tatawagin na mga anak ng Diyos.” (Mateo 5:9)

Mga minamahal kong bayan ng Diyos sa Bikaryato ng Taytay,

Ang kapayapaan ay sumainyo!

Kapayapaan ang malaking hangarin ng mundo ngayon. Nababalitaan natin ang lumalalang kaguluhan sa Middle East. Hindi pa natatapos ang digmaan sa Gaza at sa Lebanon, nagsimula na naman ang pagpapalitan ng mga bomba ng Iran at ng Israel. Nanganganib na sumiklab ito sa mas malawakang digmaan na mahihigop ang ibang pang mga bansa.

Huwag po nating balewalain ang mga pangyayari doon sa kadahilanang malayo naman tayo. Sa kalagayan ng mundo ngayon, anuman at saanmang digmaan ay nakakaapekto sa lahat. Nakakaapekto ito sa ekonomiya ng mga bansa. Nakakaapekto ito sa presyo ng langis sa buong mundo. Nakakaapekto ito sa mga OFW natin. Kung sumiklab ang digmaan sa Middle East, libo-libo ang mga OFW natin doon. Mabahala po tayo. Huwag tayo magwalang kibo.

Ano naman ang magagawa natin? Una po, huwag tayong maniwala na may kabutihan na magagawa ang digmaan. Sa anumang digmaan, lahat ay talo. Walang kabutihan ang madadala nito. Ang mas lalong naapektohan ng anumang digmaan ay ang mga ordinaryong tao, ang mga tao na hindi humahawak ng baril, lalo na ang mga bata, ang mga kababaihan, ang mga matatanda, at ang mga may kapansanan.
Ang isang pinapatay ng anumang digmaan ay ang katotohanan. Kasama ng kamatayan, lumalaganap ang kasinungalingan kasi gusto ng mga may kapangyarihan na kampihan sila. Kaya hindi lang bomba ang pinapasabog; ganoon din ang kasinungalingan. Kaya huwag po tayong magpadala sa mga nagbabalita kung sino ang tama at kung sino ang mali. Lahat ng gumagamit ng baril at bomba ay mali. Hindi kalooban ng Diyos na pumatay tayo ng kapwa tao.

Kaya huwag tayong magsawa na manawagan ng kapayapaan. Itigil na ang bombahan. Sana ang pamahalaan natin ay magpahayag na tutol tayo sa anumang digmaan. Huwag gumamit ng sandata upang pasakitan ang mga mamamayan ng itinuturing na kaaway. Mga inosenteng mga tao ang nagdurusa sa pagsabog ng anumang bomba.

Isang malaking magagawa natin kahit malayo tayo sa labanan ay magdasal. Ipaabot natin sa Diyos ang ating hangarin at pagsusumamo na magkaroon na ng kapayapaan. Maniwala tayo sa bisa ng panalangin. Ito rin ang hiniling ng Mahal na Ina sa Fatima noong panahon ng World War I. Magdasal ang lahat ng Rosaryo para sa kapayapaan ng mundo. Kaya hinihikayat ko ang lahat na magdasal ng Santo Rosaryo sa ating mga tahanan, sa ating mga Kriska, sa ating mga chapels at mga simbahan. Sa ganitong paraan gumagawa na tayo ng daan para sa kapayapaan at ituturing tayo ng Diyos na mga anak niya. Pakikinggan ng Diyos ang dasal ng mga ordinaryong tao para sa kapayapaan. Ito rin ang hinihingi ni Papa Leon sa lahat na mga kristiyano. Paliparin nating lahat ang ating panalangin at punuin ng dasal ang langit. “Panginoon, ipadala mo sa amin ang biyaya ng kapayapaan sa mundo.”

Ipagdasal natin na palambutin ang puso ng mga leaders ng mundo at liwanagan ang kanilang isip na walang nananalo sa digmaan. Sana makita nila na hindi nagdadala ng kapayapaan at ng katarungan ang anumang away. Kung bibigyan ng pagkakaton ang pag-uusap at ang negosasyon, maaayos naman ang lahat ng problema. Ang kapayapaan ay makakamtan lamang sa pamamamagitan ng mga mapayapang pamamaraan.

Mga kapatid, nanganganib po tayong lahat dahil sa mga digmaan. Huwag tayong magwalang bahala. Huwag din tayo mawalan ng pag-asa. Kakampi ng Diyos ang lahat na kumikilos para sa kapayapaan. Kumilos tayo para sa kapayapaan. Magdasal tayong lahat para sa kapayapaan. Magrosaryo ang ating mga pamilya araw-araw. Mag-ayuno tayo at magsakripisyo. Magsimba tayo upang mapigil na ang mga walang saysay na digmaan at patayan.

Kasama ninyong nababahala,

Bp. Broderick Pabillo
Obispo ng Bikaryato ng Taytay
June 22, 2025

Homily June 15, 2025

 16,771 total views

Solemnity of the Most Holy Trinity Cycle C
Basic Ecclesial Community Sunday
Prv 8:22-31 Rom 5:1-5 Jn 16:12-15

Kapag tayo ang nanonood ng TV o anumang palabas sa YouTube o sa Tiktok, kapag may nakita tayo na isang manlalaro, o isang politiko, o isang tao na nag-aantanda ng krus, sinasabi natin na siya ay Katoliko. Ang mag-aantada ng krus ay isang pahiwatig ng ating pananampalataya sa iisang Diyos na Ama, Anak at Espiritu Santo. Ito ay pangkaraniwang gawain ng mga Katoliko. Ginagawa natin ito kasi ito ay isang maiksing dasal. Ang tinatanda ng ating kamay ay krus. Inaala-ala natin na tayo ay iniligtas ng pagkamatay ni Jesus sa Krus. Kinukrusan natin ang ating katawan. Ang sinasabi ng ating bibig ay “Sa ngalan ng Ama, at ng Anak at ng Espiritu Santo.” Kinikilala natin kung sino ang Diyos na nagliligtas sa atin. Ang krus ay tanda ng pagmamahal ng Diyos sa atin na siya ay namatay sa krus para sa atin. Ang Diyos na ito ay Isa’tlong Diyos – Isa at Tatlo, ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo. Huwag po natin itago o ikahiya ang pag-aantanda ng Krus. Malalim po ang katotohanan na pinapahiwatig nito.

Ngayong Linggo po ay ipinagdiriwang natin ang ating Isang Tatlong Diyos. Iisa nga ang Diyos pero ang isang Diyos na ito ay Ama, Anak at Espiritu Santo. Paano natin ito nalaman? Dahil sa pagpapahayag ni Jesukristo, ang Diyos Anak na naging tao. Hindi naman natin ito malalaman kung hindi sinabi sa atin ni Jesus. Narinig natin sa ating ebanghelyo ang sinabi ni Jesus: “Pagdating ng Espiritu ng katotohanan, tutulungan niya kayo na maunawaan ang buong katotohanan…. Sa akin magmumula ang ipapahayag niya sa inyo…Ang lahat ng sa Ama ay akin.” Dito narinig natin ang tatlo, ang Espiritu Santo na magpapaunawa, si Jesus na nagsasalita ng katotohanan at ang Ama na pinanggalingan ng lahat ng katotohanan. Tatlo sila pero iisa lang ang kanilang pagkilos. Iyan din ang ating narinig sa sinulat ni Pablo sa ating ikalawang pagbasa. Ang nagpawalang sala sa atin ay ang ating pananalig kay Jesukristo. Sa pamamagitan ni Jesus tinatamasa natin ang kagandahang loob ng Diyos Ama. Ang kagandahang loob na ito ay ibinubuhos sa ating puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Nandiyan uli ang Isa’tlo.

May kaugnayan tayo sa bawat isang persona ng Diyos. Ang Ama ni Jesus ay Ama din natin. Bilang Ama, pangangalagaan niya tayo. Hindi siya magpapabaya sa atin. Siya ang pinanggalingan ng lahat ng kabutihan. Ang Diyos Anak ay ating kapatid. Naging tao siya. Naging tulad siya sa atin. Masusundan natin si Jesukristo kasi tao siya tulad natin. Ang Espiritu Santo ay nagbibigay sa atin ng kakayahan na mahalin ang Diyos sa pagsunod natin sa kanyang mga utos. Hindi natin masasabi na hindi natin kayang matularan si Jesus. Ang kanyang Espiritu ay kumikilos sa atin.

Ang Diyos ay iisa at magkaiba. Iisa sila sa pagiging Diyos. Pero iba ang Diyos Ama, kaysa Diyos Anak, kaysa Diyos Espiritu. Ang kanilang pagiging isa ay hindi bumura sa kanilang pagkakaiba. Ganoon din, ang kanilang pagkakaiba ay hindi naging hadlang sa kanilang pagiging isa. Kahit magkaiba pa sila nagiging isa sila sa kanilang sama-samang pagmamahalan at pagkilos.

Ito po ay isang hiwaga. Ito ay misterio. Ang ibig sabihin nito ay hindi natin itong lubos na maunawaan, pero inaanyayahan tayo ng misterio na makiisa. Pagsikapan nating isabuhay ang misterio at hindi gaano unawain lamang. Paano natin ito maisasabuhay? Sa ating pakikiisa sa Diyos. Mahalin at paglingkuran natin ang ating Diyos Ama, sundin natin si Jesus na Diyos Anak na naging tao, at hayaan nating magpadala tayo sa udyok ng Espiritu Santo. Palagi siyang kumikilos sa ating buhay.

Maisasabuhay din natin ang misterio ng Isa’tlo sa ating pakikiisa sa simbahan. Ang pinakamaliit na unit ng simbahan ay ang BEC – Basic Ecclesial Community – o ang Kriska, ang Kristiyanong Kapitbahayan. Ito ay binubuo ng mga sampu o dalawampung pamilya na magkapitbahay. Dahil sa sila ay magkapitbahay, madaling magsama. Kaya nagkakaisa sila sa pagdarasal, nagkakaisa sa pagtutulungan, at nagkakaisa sa pagbabahaginan ng kanilang karanasang Kristiyano. Tulad ng Isa’tlong Diyos, ang bawat miyembro ng Kriska ay magkaiba. Ang iba ay bata, ang iba ay lolo na, ang iba ay nag-aaral, ang iba ay nagtratrabaho sa opisina at ang iba naman ay nasa bahay lang. Kahit na magkaiba, sila ay nagkakaisa. Sila ay nagtutulungan sa kanilang buhay at sa kanilang pananampalataya. Kaya nga taon-taon tuwing kapistahan ng Isa’tlong Diyos, iyan din ang BEC Sunday. Ang ating Isang-Tatlong Diyos ay ang inspirasyon at huwaran ng ating mga Kriska o BEC – magkaiba ngunit nagkakaisa.

Homily June 8 2025

 23,723 total views

Pentecost Sunday Cycle C

Acts 2:1-11 1 Cor 12:3-7.12-13 Jn 20:19-23

Si Jesus ay umakyat na sa langit. Iniwan na ba niya tayo? Hindi! Sinabi niya mismo na hindi niya tayo iiwang ulila. Magpapadala siya ng isa pang katulong. Maliban sa kanya na mananatili siyang kapiling natin hanggang sa wakas ng panahon, magpapadala siya ng isang katulong. Aaliwin niya tayo. Pasisiglahin niya tayo. Gagabayan niya tayo sa katotohanan. Iyan ay walang iba kundi ang kanyang Espiritu. Ito ay ang kapangyarihan ng Diyos na magbibigay sa atin ng kakayahan na ipapahayag siya. Narinig natin ang sinulat ni Pablo sa ating ikalawang pagbasa: “Hindi masasabi ninuman. ‘Panginoon si Jesus,’ kung hindi siya pinapatnubayan ng Espiritu Santo.’ Anumang kakayahan nating magpahayag ay dahil sa Espiritu Santo.

Noong si Jesus ay umakyat sa langit, bumalik ang mga alagad niya sa Jerusalem. Nagkatipon silang lahat sa isang kwarto. Sila ay nagdarasal at marahil sila ay takot din. Wala na si Jesus. Baka matunton sila ng mga Hudyong kumakaaway kay Jesus, at tulad ni Jesus, sila ay pagbintangan, dakpin at pasakitan. Tandaan natin ang pinakalat ng mga pinuno ng mga Hudyo sa mga guardia sa libingan tungkol sa pagkabuhay ni Jesus. Habang sila daw ay natutulog ninakaw ng mga alagad ni Jesus ang kanyang bangkay sa libingan kaya walang laman ang libingan. Kaya public enemy ang mga itinuturing na alagad ni Jesus.

Pero sa araw ng Pentekostes, na isang malaking kapistahan ng mga Hudyo, na pag-alaala nila ng pagbigay ng Batas ni Moises sa kanila sa bundok ng Sinai, habang nagsasaya ang mga tao na galing pa sa iba’t-ibang bansa, bumaba ang Espiritu Santo sa mga alagad sa pamamagitan ng malakas na hangin at ng mga dilang apoy na pumatong sa ulo ng bawat isa sa kanila. Nagkaroon ng pagbabago sa mga alagad. Nagkaroon na sila ng tapang at ng kakayahan na magpahayag tungkol kay Jesus na muling nabuhay. Siya ang Kristo na matagal nang ipinangako ng Diyos na ipadadala sa mga tao. Dahil sa Espiritu Santo nagbago ang mga alagad. Nagtaka din ang mga tao na naiintindihan nila ang mensahe sa kani-kanilang wika kahit sa sila ay galing sa iba’t-ibang dako ng empero ng mga Romano at iba’t-iba ang wika nila. Tapang at pagkakaunawaan – iyan ay mga biyaya ng Banal na Espiritu. Kumilos na ang kapangyarihan ng Diyos sa mga alagad at sa mga tao!

Mayroon din tayo ng iba pang version ng pagbibigay ng Espiritu na napakinggan natin sa ating ebanghelyo. Mas private ang pangyayaring ito. Mga alagad lang ang involved dito at ito ay nangyari sa gabi mismo ng Linggo ng Pagkabuhay ni Jesus. Nagpakita si Jesus sa kanila sa unang pagkakataon. Kahit na sila ay hindi pa gaanong makapaniwala sa kanya kahit na pinakita na niya ang kanyang kamay at tagiliran na may butas ng pako at ng sibat, pinagkatiwalaan niya sila. Sila ay hiningahan niya at binigyan ng kapangyarihan. Ibinigay sa kanila ang Espiritu Santo upang sila ay makapagpatawad ng kasalanan. Makapagpatawad na sila kasi napagtagumpayan na ni Jesus ang kasamaan. Dinanas ni Jesus ang buong lakas ng kasamaan na walang iba kundi ang kamatayan, at nalampasan na niya ito. Muli na siyang nabuhay. Hindi na siya mahahawakan ng kamatayan. Binasag na niya ang kapangyarihan nito. Natatalo ang kapangyarihan ng kasalanan hindi sa pagpatay ng masasama kundi sa pagpatawad ng kasanalan. Hindi na tayo mahahawakan ng kasalanan. Ibinahagi ni Jesus ang kapangyarihang ito sa kanyang mga alagad.

Mga kapatid, natanggap natin ang kapangyarihan ng Espiritu Santo noong tayo ay bininyagan at kinumpilan. Kaya na natin maisabuhay ang mga aral ni Jesus. Kaya na nating matularan siya. Kaya na nating matalunton ang daan patungo sa langit. Nasa atin na ang kapangyarihan ni Jesus. Pinalalakas at ginagabayan tayo ng kanyang Espiritu.

Inihambing ni San Pablo ang simbahan sa katawan ni Kristo. Ang simbahan ay hindi building. Ang simbahan ay hindi isang organisasyon ng mga tao. Ito ay katawan ni Kristo. Tulad na ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi na iba’t-iba ang porma at iba’t-ibang nagagawa – iba ang hugis ng mata kaysa paa at iba ang nagagawa ng mata kaysa paa; iba ang hugis at nagagawa ng puso kaysa utak – ganoon din ang simbahan. Iba’t-iba tayo. Iba ang obispo kaysa katekista. Iba ang chapel leader kaysa madre. Pero iisang simbahan lamang tayo. Iisang buhay ang nananalatay sa buong katawan na kumikilos sa bawat bahagi nito. Ganoon din, iisang Espiritu ay nagpapasigla sa buong simbahan ni Kristo. Sinulat ni San Pablo: “Tayong lahat, maging Hudyo o Griego, alipin o malaya, lalaki o babae, ay bininyagan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom at hiningahan sa isang Espiritu.” Ang source ng unity natin ay ang isang Espiritu na sumasaatin.

Ang araw ng Pentekostes na para sa ating mga Kristiyano ay ang kapistahan ng pagbaba ng Espiritu Santo, ay itinuturing na birthday ng simbahan. Sa araw na ito lumantad na ang simbahan sa mundo. Hayagan na siyang nagpapahayag at nagpapakilala ng kanyang mensahe tungkol kay Jesus. Mula noong unang pentekostes hanggang ngayon ipinagpatuloy ng simbahan ang gawain ng pagliligtas na ginawa ni Jesus. Ang katawan ni Jesus na gumagawa nito ay hindi na ang kanyang physical body kundi ang kanyang mystical body, ang simbahan. Napakaganda pong isipin na hindi lang tayo tagatanggap ng kaligtasan. Dahil sa bahagi tayo ng simbahan kabahagi tayo sa pagdadala ng kaligtasan ni Jesus sa mundo. Nasa atin ang kanyang Banal na Espiritu. Huwag na tayong maduwag na manindigan para sa buhay at karapatang pantao. Huwag na tayong mapipi na magsalita ng katotohanan. Huwag na tayo manghina na tumahak sa katarungan. Pakilusin natin ang kapangyarihan ng Espiritu Santo na nasa atin.

Homily May 25, 2025

 28,370 total views

6th Sunday of Easter Cycle C

Acts 15:1-2.22-29 Rev 21:10-14. 22-23 Jn 14:23-29

“Huwag kayong mabalisa; huwag kayong matakot.” Napakasarap pakinggan ang pananalitang ito na galing kay Jesus. Kailangan natin ang assurance na ito kasi napakaraming mga pangyayari na nakababahala at maraming mga bali-balita na nakakagulo. Tuloy pa ang digmaan sa Ukraine at patuloy na pinapatay sa gutom ang higit na isang milyong mga Palestinians sa Gaza. Patuloy na kinukuha ng mga barkong intsik ang mga isla natin sa West Philippine Sea. Katatapos lang ng eleksyon natin, pero patuloy pa ang awayan ng mga politiko at nagbibintangan pa sila. Nakakagulo ang ating panahon at nakakatakot.

Sinabi ni Jesus na huwag tayong mabalisa at huwag tayong matakot kasi kapayapaan ang iiwan niya sa atin. Sinabi niya ito sa Huling Hapunan noong umalis na si Judas upang ipagkanulo siya. Kapayapaan rin ang unang bati niya sa kanyang mga alagad noong siya ay muling nabuhay. Ang kapayapaan na binibigay ni Jesus ay kakaiba sa kapayapaan na binibigay ng salibutan. Kung tatanungin natin ang mga Russians bakit nila dinidigma ang mga Ukrainians, ang sagot nila ay kasi gusto namin ng kapayapaan. Iyan din ang isasagot ng mga Israelis bakit nila ginugutom at patuloy na binobomba ang mga civilians sa Gaza. Naniniwala ang mundo na ang kapayapaan ay matatamo sa pamamagitan ng pagbobomba at pagpatay. Patuloy na gumagawa ng mga baril at mga bomba ang mayayamang bansa para daw sa kapayapaan. Kung mag-iisip lang tayo – paano ba magdadala ng kapayapaan ang gulo at ang digmaan? Ano bang kapayapaan ang gusto nila – kapayapaan ng sementeryo? Iyan ang kapayapaan ng mundo.

Nagdala si Jesus ng kapayapaan noong inalay niya ang kanyang buhay para sa atin. Ang pag-aalay niya ay tanda ng kanyang pagmamahal. Pag-ibig ang magdadala ng kapayapaan. Ang pag-ibig ay napapakita sa pakikipag-usap. Kung may gulo, kung may di pagkakasundo, maaabot ang kapayapaan kung mayroong pag-uusap. Kaya nga ang panawagan sa Ukraine at sa Russia – mag-usap kayo. Ang panawagan sa Israelis at Palestinians, mag-usap kayo. Ganyan din ang panawagan natin sa pamahalaan natin, mag-usap tayo ng China at huwag lang magtawag ng US o ng UK o ng Australia na kampihan tayo.

Ang pag-uusap ay ginawa din ng unang simbahan na narinig natin sa ating unang pagbasa. Nagkaroon ng gulo sa simbahan sa Antioquia ng Siria. Dumami ang mga Kristiyano doon dahil sa pagsisikap ni Bernabe at ni Pablo. Dumating ang ilang mga Kristiyano na galing sa Jerusalem. Nangaral sila na kung hindi daw sila magpatuli ayon sa kautusan ni Moises, hindi sila maliligtas. Ang nakararami na mga Kristiyano sa Antioquia ay hindi mga Hudyo. Sila ay mga Hentil; hindi sila mga tuli. Naniwala sila kay Hesukristo at sila ay bininyagan na. Sabi ng mga galing sa Jerusalem, hindi daw ito sapat. Kailangan muna sila magpatuli para maging Hudyo sila bago sila maging Kristiyano. Sabi ni Pablo at ni Bernabe na hindi ito tama. Tayo ay niligtas ni Jesukristo at hindi ng kautusan ni Moises. Hindi sila nagkasundo sa usaping ito kaya dinala nila ito sa mga leaders doon sa Jerusalem kung nasaan si Pedro at ang iba pang mga apostol. Doon pinag-usapan ito at pagkatapos ng matagal na talakayan, nagbigay ng pasya si Pedro ang leader ng lahat ng Kristiyano at si Santiago, ang leader ng simbahan sa Jerusalem. Ang pasya ay inilagay nila sa isang sulat at pinadala din si Barsabas at si Silas upang magpatotoo sa pasyang ito at magpaliwanag doon.

Sinabi nila na hindi naman opisyal na pinadala ang mga taong galing sa Jerusalem na nanggulo sa Antioquia. Ito na ngayon ang pasya ng mga leaders sa udyok ng Espiritu Santo. Hindi na kailangan na bigyan pa ng ibang pabigat ang mga mananampalataya. Wala ng iba pang requirements para maging Kristiyano maliban sa mahahalagang bagay na noon ay kailangan sa ikapapayapa ng lahat: ang huwag pagkain sa mga inalay sa mga diyos-diyosan, ang huwag pagkain ng dugo at ng karne ng mga hayop na binigti, at huwag makiapid.

Paano nila nilutas ang problema? Pinagmitingan nila. Pinag-usapan. Nagdesisyon pagkatapos ng pagpupulong. Pinaabot ang desisyon ng maliwanag – may nakasulat at may nagpaliwanag pa. Hindi pinag-awayan ang usapin. Hindi nahati ang grupo. Tinanggap nila ang desisyon ng mga leaders. Nanatili ang kapayapaan sa simbahan. Patuloy na ginagabayan ng Espiritu Santo ang simbahan. Makinig lang tayo sa kanya.

Ito po ang sinasabi sa synodality. Ang simbahan ay isang grupo na sama-samang naglalakbay. Sa kanyang paglalakbay nagkakaroon ng mga problema. Ito ay malalampasan kung ang lahat ay handang mag-usap. Magiging mabunga ang pag-uusap kung ang lahat ay nakikinig. Ginagabayan ng Espiritu Santo ang Simbahan kaya kailangan tayong makinig sa pahiwatig ng Espiritu na nagsasalita sa pamamagitan ng maraming paraan. Kaya sa synodality ay dapat tayong makinig hindi lang sa mga leaders kundi pati rin sa mga members, pati rin sa mga kabataan, pati rin nga sa hindi natin kasapi at sa mahihirap. Magkaroon tayo ng kabukasan sa lahat.

Oo, nandiyan na tayo. Kailangan makinig. Pero wala tayong mapapakinggan kung wala namang nagsasalita. Kaya bahagi rin synodality ay magkaroon tayo ng concern at ng tapang na magsalita para sa ikabubuti ng lahat. Sa maraming pagpupulong, pati na sa simbahan, ang marami – at ang lahat pa nga minsan – ay dumadalo sa meeting para lang makita. Kaya nandiyan iyong paanyaya: “Pumunta kayo sa meeting para makinig.” Hindi tayo pumupunta sa pagpupulong para lang makinig. Nandoon tayo para magparticipate, para makiisa. Magsalita kung kailangang magsalita, at makinig kung kailangang makinig.

Sa ating ikalawang pagbasa narinig natin ang pangitain ni Juan. Nakita niya ang bagong lungsod ng Jerusalem na mula sa langit. Ito ay nagniningning ng kaningningan ng Diyos. Ito ay may labing dalawang pintuan kung saan nakasulat ang labing dalawang lipi ng Israel. Ang bagong lungsod na ito ay nakatayo sa labing dalawang pundasyon ng mga apostol. Walang templo sa lungsod na ito kasi nandoon na ang Diyos sa kanila. Ang presensiya ng Diyos ang pinaka-templo nila. Nandoon na ang Diyos sa piling ng kanyang bayan. Hindi ba ito rin ang sinabi ni Jesus? Siya ay mananahan sa atin. Hindi lang siya nasa tabi natin. Siya ay nasa atin. Nananahan siya sa atin. Tumitira siya sa atin.

Talagang ang Diyos ay nananahan sa atin. Tinatanggap natin siya sa Banal na Komunyon. Ang katawan ni Jesus ay pumapasok sa katawan natin. Nananahan din ang Diyos sa atin kung ginagawa natin ang kanyang utos. Dahil sa ang Diyos ay nasa atin, hindi tayo natatakot. Mapaya tayo. Nasa atin yata ang Diyos!

Homily May 18, 2025

 31,255 total views

5th Sunday of Easter Cycle C
Acts 14:21-27 Rev 21:1-5 Jn 13:31-35

Tapos na ang eleksyon. Masaya ba kayo sa resulta? Siyempre hindi lahat. Ganyan naman talaga ang nangyayari sa eleksyon. It divides the house. May mananalo, may matatalo. Pero mga kapatid, tapos na ang eleksyon! Tapusin na rin natin ang pangangampaya. Magtulungan na tayo sa pagpapaunlad ng ating bayan. Huwag na lang natin iasa ito sa mga politiko. Maaaring kinakalimutan na rin nila tayo. Tayo naman talaga ang magsasaayos ng ating kalagayan.

Tapos na nga ang eleksyon. Ngayon na ang panahon sa pagsubaybay sa mga nanalo. Binigyan natin sila ng pagkakataon na maglingkod sa atin. Gagawin ba nila ito? Tandaan natin sinisuweldohan natin sila at ang mga projects nila ay pera natin. Sana hindi nila pagtrayduran ang tiwala natin. Pananagutin natin sila sa susunod na eleksyon, at dahil sa tiwala ng bayan sa kanila, mananagot sila sa Diyos. Hindi nila matatakasan ang mapagpanuring mata ng Diyos.

Ang eleksyon ay isang puwang lang sa buhay natin. Ngayon bumalik na tayo sa pang-araw-araw na buhay natin. Ano ba ang layunin ng pang-araw-araw na buhay natin? Ang bagong langit at ang bagong lupa! Iyan ang pangako sa atin ng Salita ng Diyos sa ating ikalawang pagbasa. Babaguhin ng Diyos ang lahat. Darating ang bagong lungsod ng Jerusalem mula sa langit, gayak na gayak tulad ng babaeng ikakasal. Ito ay ang pananahan ng Diyos sa ating piling. Wala nang kamatayan, dalamhati, pag-iyak at sakit sapagkat lumipas na ang dating bagay. Papahirin ng Diyos ang luha sa ating mga mata. Ito ang ating inaasahan. Dito tayo patutungo. Huwag sana ito mawala sa ating paningin sa ating mga pang-araw-araw na pinagkakaabalahan.

Maaabot ba natin ito? Oo, iyan ang pangako ng Diyos. Hindi lang pangako; iyan ay sinimulan na ng Diyos sa muling pagkabuhay ng kanyang anak. Marami na tayong kapwa at marahil mga kamag-anak at mga kakilala na nandoon na. Nandoon na sila sa Jerusalem na maluwalhati habang tayo ay naglalakbay pa lang patungo doon.

Ano ang daan patungo doon? Sino ang daan patungo doon? Si Jesus mismo. Narinig natin ang maliwanag na salita ni Jesus sa atin noong Huling Hapunan ni Jesus pagkatapos na umalis ni Judas upang ipagkanulo siya: “Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: mag-ibigan kayo.” Paano naging bagong utos ito? Hindi ba mula pa noong panahon ni Moises sinabi na ng Diyos na magmahalan kayo? Ang lahat naman ng religion ay nagsasabi na magmahal tayo? Kaya paano naging bago ang utos na ito? Narito ang bago. Ipinagpatuloy pang sinabi ni Jesus: “kung paanong iniibig ko kayo, gayun din naman, mag-ibigan kayo.” Ang bago ay hindi na magmahalan tayo. Ang bago ay sa anong paraan at sa anong dahilan.

Sa anong dahilan? Dahil sa iniibig niya tayo! Mga kapatid, iniibig tayo ni Jesus! Naniniwala ba kayo dito? Totoo, iniibig niya tayo. Mga kapatid, hindi lang po sapat na maniwala tayo na may Diyos. Pati ang demonyo ay naniniwala na may Diyos, at nanginginig pa nga siya sa harap ng Diyos! Demonyo siya kasi hindi siya naniniwala na mahal siya ng Diyos. Kristiyano tayo kasi naniniwala tayo na mahal tayo ng Diyos at pinatotohanan ng Diyos ang pagmamahal niya sa atin sa pagbigay sa atin kay Jesukristo, ang kanyang bugtong na anak. Pinatotohanan din ni Jesus ang pagmamahal niya sa ating sa pag-aalay niya sa kanyang sarili sa krus para sa atin. Kaya tayo nagsisimba tuwing Linggo upang alalahanin at ipagdiwang, at ipagpasalamat, ang pag-ibig na ito. At pinagpapatuloy niya ang pagmamahal na ito sa pagbigay niya ng kanyang katawan para sa atin sa Banal na Komunyon. Pagdududahan pa ba natin ang pag-ibig ni Jesus sa atin?

Ang dahilan na magmahalan tayo ay dahil sa mahal tayo ni Jesus, ang bawat isa sa atin. Hindi tayo ang nagmamagandang loob sa pagmamahal natin sa kapwa. Hindi tayo ang unang umibig; tayo ang unang inibig ng Diyos. Dahil sa nag-uumapaw na pag-ibig ni Jesus kaya tayo nag-iibigan. Sino ba naman ako na hindi umibig sa kapwa ko na siya mismo ay iniibig ni Jesus?

Kaya papaano ako umibig? Tulad ng pag-ibig ni Jesus! Sa Huling Hapunan hinugasan ni Jesus ang paa ng mga alagad. Ito ay gawain ng pinakamababang alipin. Nagpakumbaba si Jesus sa paghugas ng paa ng mga alagad niya at sinabi niya na gawin natin ang kanyang halimbawa. Nagmamahalan tayo kung tayo ay nagpapakumbaba na naglilingkod sa iba. Sa Huling Hapunan ibinigay ni Jesus ang kanyang katawan at kanyang dugo para sa atin. Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-aalay ng isang tao ng kanyang sarili para sa kanyang minamahal. Tinutularan natin ang pag-ibig ni Jesus kung nagsasakripisyo tayo para sa iba. Ang pag-iibigan na ito ang inaalok sa atin ni Jesus na tularan – mapagkumbabang paglilingkod at pagsasakripisyo para sa iba. Sa ganitong pagmamahalan makikilala tayong mga alagad ni Jesus.

Marami ay nakikilala na sila ay kasama sa grupo dahil sa kanilang uniform, o ID, o password, o kulay ng damit, o senyas na pinagkasunduan. Tayong mga Kristiayono ay makikilala na kasama tayo ni Jesus sa ating pagmamahalan tulad ng pagmamahal niya.

Sana ito ay mapakita din natin na ngayon tapos na ang eleksyon. Hindi ito panahon ng sisihan. Hindi ito panahon ng paghihiganti sa mga nabigyan pero hindi bumoto sa atin. Ito ay panahon na ng pagmamahalan. Magpakumbaba ang mga nanalo – magpakumbaba na maglingkod sa lahat at hindi lang sa mga bumoto kanila. Maging handang magsakripisyo ang lahat alang-alang sa bayan at hindi lang sa ating partido. Sana ang mga isusulong na mga batas at resolusyon ay hindi ayon sa party line o sa kagustuhan ng partido kundi ayon sa ikabubuti ng karamihan. Tapos na ang eleksyon. Magmahalan na tayo.

Homily May 11, 2025

 32,176 total views

4th Sunday of Easter Cycle C

Good Shepherd Sunday

World Day of Prayer for Vocations

Acts 13:14.43-52 rev 7:9.14-17 Jn 10:27-30

Ang pagpapastol ay isang pangkaraniwang gawain ng mga Israelita. Ang mga ninuno nila, sina Abraham, Isaac, Jacob, David, ay mga pastol. Dahil dito alam ng mga Israelita ang gawain ng mga pastol. Ang pag-aalaga ng mga kawan nila ay ang pangangalaga ng kanilang hanap buhay. Nabubuhay ang mga pastol dahil sa kanilang mga tupa. Ito ang nagbibigay sa kanila ng kanilang pagkain, ng kanilang mga tolda para sa kanilang tahanan, at ng kanilang mga damit. Kung ngayon ang kayamanan ng mga tao ay nakikita sa kanyang ari-ariang mga lupa, o kaya sa kanyang pera sa bangko, o sa taas ng kanyang suweldo o sa dami ng kanyang bangka, o business o bahay, noon ang mayamang tao ay nakikilala sa dami ng kanyang mga tupa.

Ang gawain ng pastol ay pangalagaan ang kanyang mga tupa, na hindi sila magkasakit, na hindi sila mawawala, na hindi sila kakainin ng mababangis na mga hayop. Kailangan din sila dalhin sa mga lugar na may mga damo at may tubig. Hindi madali ang gawaing ito. Kailangan sila palaging makikilakbay kasama ng kanilang mga tupa. Dahil sa gawaing pangangalaga, ang pastol ang nagiging larawan ng isang leader. Iyan din ang gawain ng leader – tugunan ang pangangailangan ng mga nasa ilalim niya, ipagtanggol sila sa mga kaaway, at dalhin sila sa masaganang buhay. Ang mga hari ng Israel ay kinikilala na mga pastol ng bayan, ganoon din ang kanilang mga religious leaders.

Ngayong Linggo, ang ika-apat na Linggo ng panahon ng Muling Pagkabuhay ni Jesus, ay tinatawag na Linggo ng Mabuting Pastol o Good Shepherd Sunday. Dito piniprisinta si Jesus na isang Mabuting Pastol na inalay ang kanyang sarili upang tayo, ang kanyang tupa, ay mabuhay. Dinadala niya tayo sa mainam na pastulan kung saan wala ng pagdurusa. Papahiran niya ang ating mga luha at mananagana tayo magpasawalang haggan sa kanyang kaharian. Sinabi sa atin sa ating ikalawang pagbasa na pinangungunahan niya ang napakaraming mga tao mula sa bawat bansa, lahi, bayan at wika. Nakadamit sila ng puti sapagkat nilinis na ang anumang karumihan nila ng dugo ng Kordero at nakahawak sila ng mga palaspas na sumasagisag sa kanilang tagumpay sa buhay na ito. Walang kaaway o kasamaan ang makakaagaw ng tupa sa kanyang kamay. Ganyan ang gagawin sa atin ng ating Mabuting Pastol na si Jesus.

Ang pagiging mabuting pastol ni Jesus ay pinagpapatuloy ng kanyang mga alagad. Narinig natin ang pagsisikap ni Pablo at ni Bernabe sa Antiquia ng Pisidia. Doon nagpahayag sila sa sinagoga. Marami ang dumating upang makinig sa kanila. Kinainggitan sila ng mga leaders ng mga Judio doon at inintriga sila sa mga may influensiyang mga tao doon. Isinumbong sila na nagdadala daw sila ng gulo, kaya pinalalayas sila sa lunsod. Pero matapang na nanindigan sina Pablo at Bernabe. Oo, aalis nga sila para makaiwas ng gulo, pero patuloy silang magpapahayag kahit na sa mga hindi Judio, sapagkat ang kaligtasan ay para sa lahat. Ayaw man silang tanggapin ng mga Judio, pupunta sila sa mga Hentil. Hindi iniiwan ng mabubuting pastol ang kanilang pagpapastol.

Hanggang ngayon pinagpapatuloy ng simbahan ang pagiging mabuting pastol ni Jesus. Iyan ang gawain ng ating Santo Papa, ng ating mga obispo, ng ating mga pari at ng ating mga leader laiko. Naglalaan sila ng kanilang buhay at panahon sa ikabubuti ng bayan ng Diyos. Sabi ni Jesus sa mga tao, magdasal kayo sa Panginoon ng ubasan upang magpadala ng maraming manggagawa sa kanyang bukirin. Kaya nagdarasal tayo na bigyan tayo ng Santo Papa sa siyang magpapatuloy sa gawain ng paggagabay sa buong simbahan. Pumanaw na si Papa Francisco, may isa naman na itatalaga ng Diyos na ipagpatuloy ang gawain ng Mabuting Pastol na si Jesus sa ating piling.

Kung si Jesus ang Mabuting Pastol, sana magiging mabubuting tupa naman tayo. Hindi namimilit ang Mabuting Pastol. Hindi sila namamalo ng mga tupa. Ang kanyang baston ay panlaban sa mababangis na hayop at panggabay sa mga tupa na naliligaw o nawawala, hindi panghampas sa kanyang mga tupa. Magiging mabubuting tupa tayo kung ginagawa natin ang sinabi ni Jesus. “Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila at sumusunod sila sa akin.”

Nakikinig ang tupa sa tinig ng kanilang pastol. Kilala nila ang tinig ng kanilang pastol. Kilala ba natin ang tinig ni Jesus? Oo, kung nakikinig tayo sa ating konsensya. Ang konsensya ay ang munting tinig ng Diyos sa budhi natin. Dito nalalaman natin ang dapat nating iwasan at kung ano ang dapat nating gawin. Ang bawat tao ay may konsensya, pero tayong mga kristiyano ay mas pinaigting ang ating konsensya ng ating pananampalataya at ng Banal na Espiritu na tinanggap sa binyag at sa kumpil. Sumunod tayo sa ating konsensya sa lahat ng bagay, pati na sa ating pagboboto. Kaya nanawagan tayo na bumoto ayon sa konsensya. Makinig tayo sa ating Mabuting Pastol.

Nakinig tayo kay Jesus kasi kilala niya tayo. Alam niya ang ating kalagayan, ang ating pinagdadaanan sa buhay, ang ating nararamdaman. Kaya ang sinasabi niya ay para sa ating kabutihan. Ang tinig ng ating pastol ay hindi tinig ng walang pakialam sa atin o tinig ng walang kibo sa atin. Ito ay tinig ng isang nagmamahal sa atin at nakakakilala sa atin.

Pero hindi lang sapat na makinig. Dapat natin gawin ang ating napakinggan. Kaya sumunod tayo sa ating mabuting pastol. Hindi tayo malilihis sa landas ng buhay kung sumusunod tayo kay Jesus. Dadalhin niya tayo sa mainam na pastulan, sa buhay na walang hanggan. Ang mga pangako ng mga politiko ay masyadong makitid – bigas na dalawampung piso daw ang halaga ng isang kilo, trabaho daw, sementadong daan o kuryente. Ito ay mga pangako na pansamantala lamang at hindi pa nga nagagawa. Ang pangako ni Jesus ay buhay na walang hanggan, walang hanggang kaligayahan, at tinaya niya ang kanyang buhay para dito. Maniwala tayo sa ating mabuting pastol, sumunod tayo sa kanya.

Ngayong Linggo ay pandaigdigan araw ng pagdarasal para sa bokasyon. Manalangin tayo ng magpadala ang Diyos ng mga manggagawa sa kanyang pastolan. Habang pinagdarasal natin na magpadala ang Diyos ng mabubuting pari at madre, ngayong araw, bago tayo bumoto bukas, magdasal din tayo sa Diyos na bigyan tayo ng mabubuting leaders sa ating gobyerno, tunay na mga leaders na may malasakit sa atin, at hindi mga leaders na ang sarili lang nila at ng kanilang pamilya ang interes. Ipagdasal natin ang mga Pilipino na sumunod sa tinig ng kanilang konsensya sa kanilang pagboto bukas, at hindi sila malinlang at matakot sa mga galamay ng mga politiko. Huwag sana nilang hayaan na maging tau-tauhan lang sila ng mga politiko. Panindigan natin ang ating kasarinlan, ang ating sariling pasya, ang ating sariling konsyensia.

Homily May 4, 2024

 28,870 total views

3rd Sunday of Easter Cycle C

Acts 5:27-32.40-41 Rev 5:11-14 Jn 21:1-19

Mula noong si Jesus ay muling nabuhay, mayroon ng pagkakaiba ang kaugnayan ni Jesus sa kanyang mga alagad. Noon, palaging kasama ng grupo ng mga alagad si Jesus. Ngayon hindi na. Medyo nawalan na ng direksyon ang mga alagad. Pero dahil sa matagal nilang pagsasama sa isa’t-isa mahigpit na ang bonding nila. Kinikilala din nila si Pedro bilang kanilang leader. Natagpuan natin ang pitong alagad ngayon sa tabi ng Lawa ng Tiberias. Bumalik na si Pedro sa dating gawain niya na mangisda at sumama sa kaniya ang grupo. Wala silang nahuli sa magdamag nilang pagpapagal. Siguro na wala na ang gana nila o kaya ang galing nila sa pangingisda.

Pabalik na sila sa dalampasigan noong may tumawag sa kanila at nagtanong kung may nahuli ba sila. Hindi nakilala ang tumawag sa kanila. Maaaring madilim-dilim pa noon. Maaari naman ito ay dahil sa pagkatapos ng muling mabuhay si Jesus, hindi na nila siyang madaling makilala. Kahit na hindi siya kilala, sumunod sila sa kanyang panawagan na ihulog ang lambat sa gawing kanan. Himala! Marami silang nahuling isda, at napakarami nga, na hindi na nila maiahon ang lambat! Doon nakapagsabi si Juan kay Pedro: “Ang Panginoon iyon!” Mabilis ang pagkaaninag ni Juan kasi siya ang minamahal ni Jesus. Mabilis kumilala ang nagmamahal. Mabilis naman ang pagkilos ni Pedro. Agad siyang lumundag sa tubig. Malaki ang kanyang pananabik sa Panginoon. At ang Panginoong Jesus nga iyon! Hindi nagbago ang kanyang pagkalinga sa kanyang mga alagad. Alam niya na sila ay pagod at discouraged. Kaya may nakahanda ng isda na inihaw at mga tinapay para sa kanilang almusal! Noong sinabi ni Jesus na magdala ng ilang isda na nahuli nila, agad-agad bumalik si Pedro sa bangka at hinila ang lambat na puno ng malalaking isda. Maaaring binilang pa niya ang mga nahuling isda – sandaan at limampu’t tatlong lahat! Mabilis kumilos si Pedro!

Dito sa tabi ng dalampasigan nagkaroon ng personal na tawag si Jesus kay Pedro. Dito binigay ni Jesus ang kanyang misyon na pangalagaan ang kanyang tupa. Ang pangangalagaan niya ay ang tupa, ang kawan ng Panginoong Jesus, kaya tinanong siya kung mahal na niya siya. Maaaring ito ay ang job interview kay Pedro. Hindi siya tinanong ni Jesus kung ano ang alam niya, kung ano ang experience niya, kung ano ang skills niya. Iba ang hinahanap ni Jesus sa maglilingkod sa kanya. Ang hinanap niya ay ang pagmamahal sa kanya. Mahal mo ba ko? Iyan ang tanong kay Pedro, hindi lang minsan pero tatlong beses! Medyo nalungkot si Pedro sa ikatlong paulit-ulit na tanong. Hindi ba naniniwala si Jesus na sya ay mahal niya? Nagdududa ba si Jesus sa kanya? O ito ba kaya ay paalaala sa kanyang tatlong bese na pagtatatwa sa kanya? Kaya napasagot na lang siya: “Panginoon, nalalaman ninyo ang lahat ng bagay, nalalaman ninyo na iniibig ko kayo.” Hindi lang niya ipinahayag ang kanyang pag-ibig kay Jesus kundi pati ang kanyang tiwala na alam niya ang lahat, na walang maitatago sa kanya.

Hindi lang si Pedro ang may pag-ibig at may tiwala kay Jesus. Ang lahat ng mga alagad ay gayon din. Kaya narinig natin sa ating unang pagbasa na noong pinatawag sila sa harap ng pinakamataas na kapulungan ng mga Hudyo, na maitutumbas natin sa ating Supreme Court o sa Senate, matapang na nanindigan ang mga alagad. Pinatatahimik sila at pinagbabawalan na magsalita uli sa mga tao tungkol kay Jesus na muling nabuhay. Matapang ang sagot nila: “Ang Diyos ang dapat naming sundin at hindi ang tao,” kahit na ang matataas na tao. Sino ba naman sila na makasasalita ng ganito na sila ay mga probinsiyanong mangingisda lamang? Pero hindi na sila makapananahimik tungkol sa kanilang naranasan na si Jesus na pinapatay ng mga leaders nila sa krus ay muling nabuhay. Umakyat na siya sa langit at nakaupo sa kanan ng kanyang Ama. Sila at ang Espiritu Santo ang mga saksi nito.

Talagang nagbago na ang mga alagad. Ang muling pagkabuhay ni Jesus ay hindi lang nagbago kay Jesus. Binago din ang mga alagad ng bagong buhay ni Jesus. Nagkaroon ng bagong sigla at tapang ang mga alagad, at bagong pag-ibig kay Jesus. Kaya pag-alis nila sa Sanhedrin pagkatapos na sila ay pahiyain, masaya silang umuwi na nakapagsaksi kay Jesus, at itinuring sila ng Diyos na malagay sa kahihiyan sa pangalan ni Jesus. Ito ay karangalan na, at hindi kahihiyan.

Sa takbo ng kasaysayan sa loob ng dalawang libong taon ng panahon ng mga Kristiyano nararanasan natin ang tapang na ito na dala ng pag-ibig kay Jesus. Ang simbahan at ang mga Kristiyano ay palaging inuusig. Sa simula pa inuusig na ang mga kristiyano. Ang lahat ng mga apostol, maliban kay Juan, ay namatay bilang mga martir. Ang mga unang santo ng simbahan ay mga martir. Sa maraming mga bansa nagkaugat ang pananampalataya dahil sa pag-uusig. Hanggang ngayon sa ating panahon maraming mga pari at seminarista ang kinikidnap at pinapatay sa Nigeria, ang pagdiriwang ng Mahal na Araw ay pinagbabawal sa Nicaragua at Venezuela. Mga Kristiyano na nagdarasal sa harap ng abortion clinics ay kinukulong sa United Kingdom at sa USA. Inuusig ang mga simbahan sa Tsina. Pati na nga ang ating yumaong Santo Papa Fransisco ay sinisiraan. Kahit na ganito ang nangyayari, bakit patuloy pa ang paglago ng pananampalataya? Dahil sa mahal natin si Kristo at naniniwala tayo na alam niya ang lahat! Ang kapangyarihan ng muling pagkabuhay ay kumikilos sa atin. Ang bagong buhay ni Jesus ay sumasaatin. Hindi tayo pababayaan ni Jesus na muling nabuhay!

Homily April 27, 2025

 20,447 total views

2nd Sunday of Easter Cycle C
Divine Mercy Sunday

Acts 5:12-16 Rev:9-11.12-13 Jn 20:19-31

Sa Muling Pagkabuhay, nararanasan natin ang kadakilaan ni Jesus. Walang laban sa kanya ang kamatayan at ang kasamaan. Napagtagumpayan niya ang kasamaang ginawa sa kanya. Nalampasan niya ang kamatayan. Hindi na kamatayan ang huling salita. Talagang dakila si Jesus! Purihin natin siya!

Hindi ginamit ni Jesus ang kanyang kadakilaan at kapangyarihan upang hiyain ang kanyang mga kaaway. Hindi siya nagpakita sa kanila at sinabi sa kanila “Beh! Mali kayo!”
Sa halip ginamit niya ang kanyang kapangyarihan upang patatagin ang kanyang mga nanghihina at mahihina na mga alagad. Noong gabi mismo ng araw ng muling pagkabuhay nagpakita siya sa kanyang mga alagad. Pinatunayan niya na siyang namatay ay ngayon buhay na sa harap nila. Pinakita niya ang butas ng pako sa kanyang mga kamay at ang butas ng sibat sa kanyang tagiliran.
Kahit na iniwan siya ng kanyang mga alagad at itinatwa pa nga siya ng leader nila, hindi nawala ang kanyang tiwala sa kanila. Binigyan pa sila ng misyon. Mahina na nga pero may tiwala pa rin siya sa kanila. Tulad ng hiningahan ng Diyos ang unang tao at nagkaroon ito ng buhay noong nilikha siya, ganoon din hiningahan ni Jesus ang mga alagad at ibinigay sa kanila ang Espiritu Santo na magbibigay sa kanila ng kapangyarihan na magpatawad ng kasalanan. Ibinahagi sa kanila ang kanyang tagumpay sa kasalanan. Ngayon mapapalaya na nila ang mga tao sa kanilang kasalanan kasi napagtagumpayan na ni Jesus ang kasamaan.

Hindi naman perfect ang mga taong pinagkakatiwalaan ni Jesus. Kahit na nandiyan na ang kanyang muling pagkabuhay matigas pa rin ang kanilang puso. Pinakita ito ni Tomas. Hindi siya makapaniwala kahit na nagpatotoo na ang mga kasama niya na nakita siya. Hindi siya makapaniwala kasi absent siya sa grupo noong unang nagpakita si Jesus. Iyan madalas ang nangyayari. Ang mga absent ay sila pa ang nagmamatigas at mahirap mapasunod. Absent sa meeting, absent sa misa.

Pero hindi si Jesus nabubugnot sa kahinaan o katigasan ng kanyang alagad. Nagpakita uli siya sa grupo at nandoon na si Tomas. Alam niya ang hamon ni Tomas kaya sinadya niya si Tomas at sinabi sa kanya na isuot ang daliri niya sa butas ng kanyang kamay at ipasok ang kanyang kamay sa butas ng kanyang tagiliran. Napaluhod na lang si Tomas at sinamba siya: “Panginoon ko at Diyos ko.” Hindi lang si Tomas naniwala na siya ay buhay. Naniwala si Tomas na siya ay tunay na Panginoon at Diyos.

Magpasalamat tayo kay Tomas na dahil sa katigasan ng kanyang ulo nagkaroon tayo ng isa pang prueba na talagang buhay ni Jesus. Mas lalong napatatag ang ating pananalig kay Jesus at na-confirm ang ating pananampalataya kasi kahit hindi natin nakikita si Jesus na muling nabuhay, nananalig tayo. Mas mapalad tayo kaysa kay Tomas. Dahil sa muling pagkabuhay naniniwala tayo ngayon na si Jesus nga ay ang Kristong Panginoon natin.

Ano ang ibig sabihin ng pananalig na ito? Maniwala tayo sa pahayag niya kay Juan, ang manunulat ng huling aklat ng Bibliya, ang Aklat ng Pahayag na binasa sa atin sa ating ikalawang pagbasa: “Ako ang Simula at ang Wakas, at ang Nabubuhay! Namatay ako ngunit masdan mo, ako’y buhay ngayon at mananatiling buhay magpakailanman. Nasa ilalim ng kapangyarihan ko ang kamatayan at ang daigdig ng mga patay.” Huwag na tayong matakot sa kamatayan at sa kasamaan. Mapagtatagumpayan din natin ito.

Kailangan natin ang assurance na ito na ngayon ay ginagapang tayo upang takutin. Malapit na ang eleksyon. Dalawang linggo na lang boboto na tayo. Sana po bomoto tayo. Huwag nating balewalain ang pagboto. Ito ang pagkakataon na maipahayag natin ang ating saloobin tungkol sa ating gobyerno. Anong klaseng gobyerno ba ang gusto natin? Kaya mahalaga na maisulat natin sa ating balota ang ating paniniwala. Huwag natin sayangin ang ating boto. Bumoto tayo. Huwag nating sayangin ang ating boto. Isulat natin ang ating paniniwala sa mga taong magtataguyod ng uri ng pamumuno na gusto natin. Huwag natin isulat ang pangalan ng mga taong ipinipilit sa atin kasi tayo ay nabigyan. Magpasalamat tayo sa mga ibinigay sa atin pero hindi dapat iyon suhol sa atin. Hindi mabibili ang kalayaan natin. Huwag din tayong matakot na malalaman nila kung sino ang binoto natin. Hindi nila ito malalaman kung hindi natin sasabihin at walang tao na makapipilit sa atin na sabihin kung sino ang binoto natin. At kahit man malaman o mahulaan nila ang boto natin, ano ngayon? Iyan ang totoo nating paniniwala. Huwag tayong matakot sa ating paninindigan natin, at manindigan tayo na hindi nabibili ang boto natin. Nandiyan si Jesus na muling nabuhay sa nagsasabi sa atin: Huwag kang matakot!

Ang Linggong ito ay Divine Mercy Sunday. Ito ay Linggo ng Dakilang Habag ng Diyos. Talagang naranasan natin ang dakilang habag ng Diyos. Hindi ginamit ang kapangyarihan ng kanyang Muling Pagkabuhay na ipahiya ang mga kaaway, na sumbatan ang mga mahihina niyang mga apostol. Ginamit niya ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay upang mas lalong ipalaganap ang kanyang kapatawaran. Mahal niya tayo na kanyang bayan. Huwag tayong matakot. Tanggapin natin ang kanyang awa at manindigan tayo para sa katotohanan.

Homily April 20, 2025

 16,389 total views

Easter Sunday Cycle C
Acts 10:34.37-43 Col 3:1-4 Jn 20: 1-9

Happy Easter! Maligayang Linggo ng Muling Pagkabuhay! Ito na po ang matagal nating pinaghandaan ng apatnapung araw ng Kuwaresma. Ito po ang pagdiriwang ng tagumpay. Ang ating pananampalataya ay hindi nagtatapos ng Biernes Santo. Oo, namatay si Jesus dahil sa mahal niya tayo. Nagwagi ba ang kanyang pagmamahal? Napagtagumpayan ba niya ang kasalanan at ang kamatayan? Hindi natin ito malalaman kung magtatapos lang tayo sa Biernes Santo. Sa araw ng Linggo ng Muling Pagkabuhay pinapahayag natin na mas makapangyarihan ang pag-ibig kaysa kasamaan, mas makapangyarihan ang buhay kaysa kamatayan. Nagwagi si Jesus! Siya ay muling nabuhay!

Pati na sa mga alagad ni Jesus hindi kapanipaniwala ang muling pagkabuhay kahit na sinabi na ni Jesus na mabubuhay siyang muli. Hindi sila naniwala dito. Kaya noong makita nila na walang laman ang libingan, ang unang hinanala nila ay ninakaw ang bangkay ni Jesus. Si Maria Magdalena at ang mga kasamahan niyang mga babae ay pumunta sa pinaglibingan kay Jesus noong umaga ng Linggo upang dalawin ang patay. Tandaan natin na dali-daling inilibing si Jesus noong Biernes ng hapon. Walang panahon na tumangis para sa patay. Hindi sila makakilos noong sabado kasi para sa mga Hudyo, ito ay araw ng pamamahinga.

Hindi sila makalabas ng bahay. Kaya noong madaling araw ng Linggo nagmamadali silang pumunta sa libingan. Malaki ang pagmamahal nila kay Jesus. Kailangan silang magluksa sa libingan. Pero bukas ang libingan at wala doon ang bangkay. Dali-daling pinuntahan ni Maria Magdalena si Pedro at si Juan at ito ay ibinalita sa kanila. Ang nasa isip nila ay kinuha sa libingan ang Panginoon. Patakbong pumunta sa libingan ang dalawang apostol at ganoon nga ang nakita nila – walang laman ang libingan. Pero kung kinuha ang bangkay, bakit naiwan ang kayong lino, ang damit na ibinalot sa kanyang bangkay ? Tandaan natin na pagkamatay ni Jesus si Jose na taga-Aramateo at si Nicodemo ay nagpaalam kay Pontio Pilato na kunin at ilibing ang bangkay ni Jesus. Pinahiran nila ito ng pabango at binalot sa isang mamahaling tela ayon sa kaugalian ng mga Hudyo.

Nilagay ang bangkay sa isang bagong libingan at tinakpan ito ng malaking bato. Nandoon naiwan sa libingan ang telang ibinalot sa bangkay pero wala ang bangkay. Nandoon din sa isang tabi nakatiklop ang panyo na ibinalot sa kanyang ulo. Umalis silang nagtataka sa kalagayang ito.

Pero nagpaiwan si Maria Magdalena na patuloy na tumatangis at patuloy na naniniwala na ninakaw ang bangkay, hanggang nagpakita si Jesus sa kanya. Binigyan siya ng misyon na sabihin sa kanyang mga alagad na siya’y buhay. Ang pinagkatiwalaan ng pinakamagandang balitang ito ay isang babae, isang babae na nagmamahal sa kanya. Ang pahayag ni Maria Magdalena ay “nakita ko ang Panginoon.”
Sa simula, hindi makapaniwala ang mga alagad sa balitang ito. Pero sa mga susunod na pangyayari nagpakita rin si Jesus na muling nabuhay sa mga alagad, hindi lang minsan kundi maraming beses. Sinabi ni Pedro kay Cornelio sa ating unang pagbasa: “Napakita siya, hindi sa lahat ng mga tao kundi sa amin lamang na noon pang una’y pinili na ng Diyos bilang mga saksi. Kami ang nakasama niyang kumain at uminom pagkatapos na siya’y muling nabuhay.” Ang muling pagkabuhay ay hindi lang isang guniguni ng mga alagad. Ito ay talagang nangyari at ang mga apostol ang saksi sa pangyayaring ito. Ganoon katotoo ang pangyayaring ito na sila ay pumunta sa iba’t-ibang parte ng mundo upang ito ay ibalita. At hindi lang sila nagsalita tungkol dito. Itinaya nila ang kanilang buhay sa pangyayaring ito. Naging martir sila sa kanilang paniniwala na si Jesus ay ang Kristo na pinadala ng Diyos, at totoo ito kasi siya ay muling nabuhay.

Ang paniniwala sa muling pagkabuhay ay siya rin ang basehan ng ating pagiging kristiyano. Kristiyano tayo kasi nakikiisa tayo sa pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesus. Ito ay nangyari noong tayo ay bininyagan. Oo, binuhay tayong muli kasama ni Jesus. Namatay na tayo sa kasalanan, sa makalumang buhay na ayon sa laman, at ang buhay natin ngayon ay buhay na ayon sa bagong buhay ni Jesus. Iyan ang hamon sa atin ng muling pagkabuhay. Isabuhay natin kung ano tayo, at isabuhay natin ang bagong buhay na ito.

Ang muling pagkabuhay ni Jesus ay hindi lang ang pagbabalik sa dating buhay. Ito ay pagkakaroon ng bagong buhay, buhay na hindi na saklaw ng kasamaan, buhay na ginagabayan ng Espiritu Santo at hindi ng hilig ng laman, buhay na hindi na mamamatay. Iyan ang buhay na tinanggap natin sa binyag. Ito ang buhay na magdadala sa atin sa langit. Kaya nga sinabi ni San Pablo: “Isaisip ninyo ang mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panlupa, sapagkat namatay na kayo at ang tunay na buhay ninyo’y nakatago sa Diyos, kasama ni Kristo.”

Ang muling pagkabuhay ni Jesus ay hindi lang para kay Jesus. Ito ay para din sa atin at nakikiisa na tayo ngayon sa bagong buhay na ito. Sa ating misa ngayon sasariwain natin ang ating binyag. Kasama tayo sa pagkamatay ni Jesus at sa kanyang muling pagkabuhay. Namatay na tayo sa kasalanan, kaya itinatakwil na natin si Satanas at ang kasalanan. Isanasabuhay na natin ang buhay na puno ng pananampalataya, pananampalataya sa Diyos Ama, sa Diyos Anak, sa Espiritu Santo, sa simbahang katolika, sa kapatawaran ng mga kasalanan at sa buhay na walang hanggan. Kaya nga habang naglalakad tayo sa lupa nakatuon ang ating pag-asa sa langit. Doon tayo papunta. Dumadaan lang tayo sa lupa kasi makalangit tayo. Iyan ang pinapaalaala sa atin ng ating paksa ng taon ng Jubileo – we are pilgrims of hope. We are pilgrims – manlalakbay lang tayo sa lupa pero may pag-asa tayong makarating sa langit kasi si Jesus na ating Panginoon ay namatay at muling nabuhay para sa atin.

Homily April 13, 2025

 16,431 total views

Palm Sunday of the Lord’s Passion Cycle C
Alay Kapwa Sunday
Is 50:4-7 Phil 2:6-11 Lk 12:14-23:56

Ngayon araw nagsisimula na ang Semana Santa, ang pinakabanal na linggo sa buong taon. Ito ang pinakabanal na linggo kasi mangyayari ngayong linggo ang misterio pascal, ang pinakasentro ng ating kaligtasan: ang pagpapakasakit, pagkamatay at pagkabuhay ni Jesus. Sa pangyayaring ito itatawid tayo ng Diyos mula sa pagkaalipin sa kasalanan patungo sa kalayaan ng pagiging mga anak ng Diyos, mula sa kamatayan patungo sa bagong buhay, mula sa kadiliman ng kasamaan patungo sa liwanag ng kabutihan, mula sa kasinungalingan ng mundo tungo sa katotohanan ng kaligtasan.
Pinapakita din sa atin sa linggong ito kung sino tayo bilang mga tao at kung sino si Jesus. Bilang mga tao, madali tayo magbago. Hindi tayo stable. Isang araw sumisigaw tayo ng masaya: “Hosanna sa kaitaasan! Purihin ang dumadating sa ngalan ng Panginoon.” Nagwawagayway pa tayo ng palaspas upang i-welcome siya. Pero pagkaraan ng ilang araw, sisigaw tayo: “Ipako siya sa krus! Wala kaming hari kundi ang Cesar. Ipako siya sa krus!” Bilang mga tao madali magbago ang ating isip at ang ating ugali. Pero si Jesus ay nanatiling tapat. Naging masunurin siya hanggang sa kamatayan sa krus. Narinig natin ang kanyang sinabi sa ating unang pagbasa: “Hindi ako tumutol ng bugbugin nila ako; hindi ako kumibo nang ako’y kanilang insultuhin. Pinabayaan ko sila na bunutin ang buhok ko’t balbas, gayon din ng lurhan nila ako sa mukha.”

Tayong mga tao, ang hamon natin kay Jesus at ang concern natin ay ang sariling kapakanan. Iyan ang sabi ng mga leaders ng mga Hudyo: “Tingnan natin kung ililigtas niya ang kanyang sarili kung siya nga ay ang Kristo ng Diyos.” Iyan din ang sigaw ng mga kawal: “Kung ikaw ang hari ng mga Hudyo, iligtas mo ang sarili mo.” Pati na ang salarin na nakapako din sa krus ay nagsalita: “Hind ba ikaw ang Kristo? Iligtas mo ang iyong sarili!” Iyan ang hinahanap nating mga tao: ang ating sarili, na maging maayos tayo, na maligtas tayo. Nakasentro tayo sa ating sarili. Ayaw natin ng sakripisyo. Iba ang concern ni Jesus sa krus: hindi ang sarili kundi ang iba. Kaya ang dasal niya sa pumapatay sa kanila: “Ama, patawarin mo sila sa kanilang mga kasalanan. Hindi nila alam ang kanilang ginagawa.” Siya pa ang nagbigay ng dahilan bakit sila patawarin. Malapit na siyang malagutan ng hininga pero nakapagsalita pa siya sa salarin na nasa kanan niya: “Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa paraiso.” Ang concern niya ay ang isang makasalanan na humihingi ng awa. Buong tiwala niyang ipinaubaya ang sarili niya sa Ama. Hindi siya nagalit na pinabayaan sila. Sabi niya: “Ama, sa iyong kamay ipinagkatiwala ko ang aking kaluluwa.” Namatay si Jesus na hindi galit, na hindi takot, na hindi ang sarili ang iniisip kundi ang iba. Namatay siya na may tiwala sa Diyos na kanyang Ama. Dahil dito napapabanal tayo ng linggong ito. Si Jesus at ang kanyang pag-aalay ang nagpapabanal sa atin.

Napakahalaga ng linggong ito. Holy Week ngayon. Semana Santa. Huwag po nating sayangin ito sa anu-ano mang lakad. Ituon natin ang ating attention kay Jesus, ang ating manliligtas. Hindi ito panahon ng pagbabakasyon o pag go-good time o pagpunta sa beach. Upang mabigyang halaga ang linggong ito, makiisa tayo sa mga gawain ng simbahan. Ang mga ito ay tumutulong sa atin na magnilay, magdasal at magpenitensiya. Makiisa tayo sa mga recollections na inaalok sa atin. Kahit na sa on-line o sa Radio Veritas o sa TV Maria o sa EWTN ay may mga recollections. Magbigay tayo ng panahon na mangumpisal. Sumali tayo sa mga pagbasa ng Banal na Pasyon. Magsimba tayo na Huwebes Santo sa Misa ng Huling Kapunan at manatili tayo sa simbahan ng magtanod hanggang hating gabi. Sumabay tayo sa paggawa ng Daan ng Krus. Sumali tayo sa pagsamba sa Krus ni Jesus sa pagdiriwang ng kamatayan ng Panginoon sa Biernes Santo. Mag-ayuno tayo sa Biernes Santo. Sumabay tayo sa prosisyon ng Banal na Labi ni Jesus. Higit sa lahat, makiisa tayo sa pagdiriwang ng pagkabuhay ni Jesus sa gabi ng Sabado. Ito ang pinakamalahaga at ang pinakamagandang pagdiriwang sa buong taon. Mayroon ding Salubong o Encuentro na maaari nating daluhan. Magsimba tayo sa araw mismo ng Linggo ng Pagkabuhay. Nakita ninyo, marami ang maaaring gawin sa Banal na Linggo na ito. Huwag natin sayangin ang linggong ito. Sana sa mga pagdiriwang na ito mas lalo nating ma-appreciate ang pag-ibig ni Jesus para sa atin. Mabigat ang kanyang itinaya para tayo maligtas. Pahalagahan natin ang kaligtasang ito na napapasaatin dahil sa tayo ay binyagan. Ang ating binyag ang ating pakikiisa sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus.

Ano ang magiging bunga ng ating pakikiisa sa mga gawaing ito? Mas maging mapagmahal at matulungin sa ating kapwa. Ang pag-ibig ng Diyos ay nagdadala ng pag-ibig sa kapwa.

Ngayong Linggo ay Alay Kapwa Sunday. Ang lahat ng nalikom natin dahil sa ating pagpepenitensiya ay ilalagay natin sa second collection natin para sa Alay Kapwa. Ang pondong ito ay para sa mga kapatid natin na nangangailangan, lalo na pagdating ng mga kalamidad na madalas dumating sa atin. Maglikom tayo ng pondo para makatulong sa mga nangangailangan.

Homily April 6, 2025

 14,098 total views

5th Sunday of Lent Cycle C
Is 43:16-21 Phil 3:8-14 Jn 8:1-11

“Gawa ng Diyos ay dakila kaya tayo’y natutuwa.” Ito ang tugon natin sa salmong tugunan. Natutuwa tayo dahil sa gawa ng Diyos, at ang gawa ng Diyos ay dakila at hindi natin ito ini-expect. Iyan iyong sinabi ni propeta Isaias sa ating unang pagbasa. Sumusulat siya sa mga Israelita na napatapon sa iba’t ibang bansa. Sinabi ng propeta na noon naranasan nila ang dakilang pagliligtas ng Diyos. Mula sa Egipto sila ay nakatakas sa pagkaalipin. Gumawa ang Diyos ng landas sa gitna ng dagat. Tumawid sila sa dagat na hindi nababasa. Bumuka ang tubig at tumakas sila sa tuyong lupa sa gitna ng dagat. Hinabol sila ng mga Egipciano na nakasakay sa mga karwaheng pangdigma. Bumalik ang tubig ng dagat at nalunod ang mga Egipciano. Ito ang karanasan nila ng kaligtasan. Naging malaya na sila sa pagkaalipin.

Ngayon abangan nila. Ililigtas uli sila ng Diyos. Ibabalik sila sa kanilang lupain mula sa mga bansang pinagtapunan sa kanila. Pero kakaiba ito. Hindi na ang dagat ang magliligtas sa kanila kundi ang disyerto. Tatawirin nila ang disyerto. Magkakaroon ng landas doon at patutubigan ang disyerto upang hindi sila mamatay sa uhaw. Hindi sila aanuhin ng mga mababangis at maiilap na mga hayop ng ilang. Makakabalik uli sila sa kanilang bayan. Talagang dakila ang gawa ng Diyos na manliligtas. Asahan at abangan natin ang kaligtasang ito.

Ito rin ang naranasan ni Pablo. Bilang isang mabuting Hudyo umaasa siya na magiging mabuti siya sa harap ng Diyos sa kanyang pagtupad sa mga kautusan ni Moises. Kaya masigasig siya rito. Ang kaniyang pagsisikap na maging masunurin ay ang kanyang ipinagmamalaki. At galit na galit siya sa mga hindi sumusunod sa Kautusan ni Moises. Kaya pinag-uusig niya ang mga Kristiyano na binabalewala ang mga kautusan. Pero ngayon nabuksan ang kanyang isip. Ang pinagmamalaki niya ay kanya na ngayong ikinahihiya. Hindi pala siya maliligtas ng pagsunod sa mga kautusan. Maliligtas siya dahil namatay na si Jesus para sa kanyang mga kasalanan.

Tanggapin natin ang grasya na binigay ni Jesus. Siya ang magliligtas sa atin, at hindi ang ating sariling pagsisikap. Kaya itinuturing na niyang basura ang pinagmamalaki niya noon na kautusan. Natutuwa na siya sa kanyang pananampalataya kay Kristo at sa ginawa ni Kristo sa kanya.

Iba talaga ang paaraan ng Diyos. Ang pagkakaibang ito ay pinakita din ni Jesus sa ating ebanghelyo. Habang siya ay nagtuturo sa templo may dinala kay Jesus na isang babaeng nahuli na nangangalunya. Malaking kasalanan ito. Upang matanggal ang kasamaang ito sa bayan ng Diyos, kailangan batuhin hanggang mamatay ang nagkakasala ng ganito. Kung ang babae ay nahuling nangangalunya, bakit siya lang ang dinala ng mga Hudyo. Nasaan ang kapartner niya sa pagkakasalang ito? Kawawa naman ang babae. Inilapit ang babae kay Jesus upang subukin si Jesus kung sasang-ayon siya sa batas ni Moises. Gusto nilang tingnan kung hanggan saan ang pagpapahalaga ni Jesus sa mga makasalanan.

Hindi sila pinansin ni Jesus. Pero noong nagpumilit sila, naupo si Jesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. Dito lang natin nalaman na si Jesus ay marunong palang sumulat. Hindi natin alam kung ano ang kanyang sinulat ngunit noong sinabi ni Jesus: “Sinuman sa inyo ang walang kasalanan ay siyang unang bumato sa kanya,” isa-isa nang umalis ang nag-aakusa sa babae. Maaari ba kaya na sinulat ni Jesus sa lupa ang mga kasalanan nila? Sino ba naman tayo na humusga at magparusa sa kasalanan ng ibang tao. Lahat ay may kasalanan ding pananagutan. May karapatan ba tayong magparusa sa iba at pumatay sa kanila dahil sila ay makasalanan? Dito natin makikita ang kasamaan ng EJK o extra judicial killing. Sino ba ang pulis o ang military na makasasabi na kailangin nang patayin ang drug addicts o ang mga rebels?

Isipin natin ang babae. Talagang makasalanan siya. Masama ang kanyang ginawa. Maliwanag ang batas. Kailangang batuhin ang mga gaya niya. Baka nag-aantay na lang siya ng unang bato na tumama sa kanyang ulo. Pero hindi! Walang bato na dumating. At ang lalong nakakagulat ay si Jesus na walang kasalanan ay nasabi sa kanya: “Hindi rin kita parurusahan.” Si Jesus lang ang may karapatang humagis ng bato sa kanya. Hindi lang na hindi siya pinarusahan. May tiwala pa si Jesus kanya. Sabi niya: “Humayo ka, at huwag nang magkasala.” Naniwala si Jesus na magbabago siya!

Ito iyong bagong paraan ng Diyos upang sugpuin ang kasalanan – hindi ang pagparusa kundi ang pagpatawad. At lahat po tayo ay nakikinabang sa bagong paraang ito. Kinalaban, tinanggal ni Jesus ang kasamaan natin hindi sa paghihiganti sa atin, hindi sa pagpaparusa sa atin kundi sa pagpapatawad sa atin. Dakila ang habag ng Diyos! Ito ay binibigyan ng diin ngayong taon ng Jubileo, taon ng pagtanggal ng parusa at pagpapatawad. Ang habag ng Diyos ay hindi tanda ng kanyang kahinaan. Ito ay tanda ng kanyang kadakilaan. Nalalampasan ng kanyang pagmamahal ang anumang kasamaan natin.

Dahil dito ay may pag-asa tayo. Kaya we are pilgrims of hope. Ang pag-asa natin ay hindi dahil sa wala tayong kasalanan – sino ba sa atin ang makasasabi na wala siyang kasalanan. Wala sa atin ang malinis. Hindi rin natin matatanggal ang dagta ng ating pagkakasala sa anumang mabubuting gawa natin. Hindi natin kayang linisin ang ating kasamaan. Ang pag-asa natin ay nakabase sa dakilang pag-ibig ng Diyos sa atin at sa kanyang maraming pamamaraan na iligtas tayo. Malikhain ang Diyos sa mga pamamaraan ng pagliligtas. Talagang ang gawa ng Diyos ay dakila, kaya tayo’y natutuwa!

Homily March 30, 2025

 15,688 total views

4th Sunday of Lent Cycle C
Laetare Sunday
Jos 5:9-12 2 Cor 5:5.17-21 Lk 15:1-3.11-32

“Ang tao’y ibinilang ng Diyos na kanyang kaibigan sa pamamagitan ni Kristo, at nilimot na niya ang kanilang mga kasalanan.” Ito ang magandang balita at dahil dito, tayo ay natutuwa. Anumang kasamaan natin, dini-delete na ng Diyos ang lahat – delete forever – dahil sa anumang hakbang, kahit maliit na hakbang na ating ginagawa para lumapit sa kanya.

Napakasama ang ginawa ng bunsong anak sa talinhaga ni Jesus na ating narinig sa ating pagbasa. Buhay pa ang ama humingi na siya ng pamana. Ang pamana ay matatanggap lamang kapag patay na ang magpapamana. Sa paghingi ng kanyang mana parang sinasabi ng anak, parang patay ka na para sa akin. Kinuha ang kanyang mana at nilustay sa di-wastong pamumuhay. Sinayang ang pinagsikapan ng ama. Napakahirap ng kanyang kalagayan noong naubos na ang lahat ng kayaman niya at nagkaroon pa ng matinding taggutom. Nag-alaga na lang siya ng baboy. Ang baboy para sa mga Hudyo ay isang maruming hayop. Ibig sabihin na pumunta na ang anak sa dayuhang lugar at doon nanirahan.

Ang kasalanan ng anak ay nagdala ng kasamaan sa kanya. Ganyan naman talaga ang dinadala ng kasalanan – kahirapan. Sa tindi ng kanyang hirap, naisip niya paano siya mabubuhay. Magpapakumbaba na lang siya at bumalik sa kanila at maging alila para lang may makain. Ang kanyang iniisip ay hindi naman na iniinsulto niya ang kanyang ama at naging iresponsableng anak siya. Bumalik siya hindi dahil sa ama kundi para lang may makain. Makasarili pa rin ang kanyang balak, pero ito ay sapat na sa ama. Dahil sa siya ay bumalik, sapat na sa ama na siya ay salubungin, yakap-yakapin, at hinagkan. Hindi nga pinansin ng ama ang kanyang pahayag, ang kanyang prepared speech. Agad binalik siya sa kanyang kalagayan bilang anak na minamahal – binigyan siya ng bagong damit, ng sapatos sa kanyang paa at singsing sa kanyang daliri. Nagpa-fiesta pa ang ama. May malaking handaan at masayang tugtugan. Bumalik na ang kanyang anak!

Minsan sinabi ni Jesus na may malaking kasiyahan sa langit sa isang makasalanang nagbalik loob sa Diyos. Ito na nga ang larawan ng kasiyahang ito. Nagpipiesta sa langit kapag may taong nagsisisi.

Pero lahat ba ay nagsaya? Hindi! Ayaw makiisa at makisaya ang panganay na anak. Siya ang mabuting anak. Hindi siya umalis ng bahay. Tapat siya sa kanyang gawain at sumusunod siya sa kanyang ama. Galing pa nga siya sa bukid sa kanyang trabaho. Mabuting bata siya, pero hindi anak ang turing niya sa kanyang sarili ngunit isang manggagawa. Hindi niya nakita na bilang anak ang lahat ng nasa bahay ng kanyang ay sa kanya. Maluwag naman ang ama sa kanya. Pero hind!. Hindi niya matanggap ang kanyang bunso na kanyang kapatid. Siguro noong umalis ang bunso, itinakwil na niya ang kanyang kapatid sa kanyang puso. Sumama marahil ang kanyang loob na ang ari-arian ng pamilya ay nilustay ng batang ito. Sinayang ang pinagpaguran ng pamilya. At ngayon babalik siya muli, ang nagpapiesta pa! Inamu-amo siya ng Tatay. Lumabas pa ito para lapitan siya at kausapin na makisalo sa kasayahan. Pumasok ba siya? Hindi natin alam. Bitin ang kwento ni Jesus.

Ang talinhagang ito ay sinabi ni Jesus para sa mga pariseo at mga eskriba, ang matutuwid na mga Hudyo. Sila iyong nagsisikap na pag-aralan ang Banal na Kasulatan. Sila iyong mga nagsisikap na tuparin ang mga kautusan ni Moises. Gusto nilang maging tapat sa kanilang relihiyon. Wala namang masama rito. Ang masama lang ay mababa at masama ang tingin nila sa mga kapwa Hudyo nila na hindi nagsisikap tulad nila. Makasalanan ang tingin nila sa kanila. Iniiwasan nila ang mga ito at wala silang pakialam sa kanila. Kaya hindi maganda ang tingin nila kay Jesus na nakikisalamuha sa mga itinuturing nilang makasalan. Sila iyong panganay na anak. Magsasaya ba sila na ang mga makasalanan ay tinatanggap na ng Diyos at maaari na muling makisalo sa hapag ng Panginoon? Sila ang magbibigay ng ending sa talinhaga ni Jesus.

Sinulat ni San Pablo na siya ay sugo ng Diyos na namamanhik sa mga tao: makipagkasundo na kayo sa Diyos, maaari nating idugtong, at sa inyong kapwa. Minsan madaling makipagkasundo sa Diyos. Ang mas mahirap ay makipagkasundo sa kapwa, lalo na sa kapwa na iniiwas-iwasan natin. Dahil sa hindi sila kasing bait natin, kasing galing natin; dahil iba ang paniniwala natin sa kanila, inaayawan na natin sila.

Nangyayari ito sa ating panahon, lalo na ngayong panahon ng eleksyon. Dahil iba ang kandidato natin, kinokontra na natin ang iba. Huwag po nating hayaang pagsabungin tayo ng mga politiko. Hindi sana masira ang ating pamilya, ang ating pagkakaibigan, ang ating mga grupo sa simbahan na magkaiba ang kandidatong isinusulong natin. Magkaibigan pa rin tayo, magkapatid pa rin at magka-brod magka-sis pa rin tayo kahit na iba ang kandidato natin. Huwag natin ituring ang iba na masama kasi iba ang binoto natin, basta lahat tayo hindi ipagbibili ang boto natin.

Ito rin ang nangyayari ngayon sa kaso ni Duterte. Bakit mag-away-away tayo dahil kay Duterte? Nasa korte na siya, hayaan na natin ang korte ang magpasya sa kanya. Huwag tayong magniwala sa gawa-gawang mga kwento at pahayag. Maging bukas lang tayo sa katotohanan at antayin ang paghuhusga sa kanya.

Pakikipagkasundo ang misyon ni Jesus, pakikipagkasundo sa Diyos at pakikipagsundo sa ating kapwa. Tanggapin natin ang Diyos at tanggapin natin ang ating kapwa. Ayawan natin ang anumang bagay o anumang pagyayari na maghiwalay sa atin.

Scroll to Top