11,515 total views
Easter Sunday Cycle C
Acts 10:34.37-43 Col 3:1-4 Jn 20: 1-9
Happy Easter! Maligayang Linggo ng Muling Pagkabuhay! Ito na po ang matagal nating pinaghandaan ng apatnapung araw ng Kuwaresma. Ito po ang pagdiriwang ng tagumpay. Ang ating pananampalataya ay hindi nagtatapos ng Biernes Santo. Oo, namatay si Jesus dahil sa mahal niya tayo. Nagwagi ba ang kanyang pagmamahal? Napagtagumpayan ba niya ang kasalanan at ang kamatayan? Hindi natin ito malalaman kung magtatapos lang tayo sa Biernes Santo. Sa araw ng Linggo ng Muling Pagkabuhay pinapahayag natin na mas makapangyarihan ang pag-ibig kaysa kasamaan, mas makapangyarihan ang buhay kaysa kamatayan. Nagwagi si Jesus! Siya ay muling nabuhay!
Pati na sa mga alagad ni Jesus hindi kapanipaniwala ang muling pagkabuhay kahit na sinabi na ni Jesus na mabubuhay siyang muli. Hindi sila naniwala dito. Kaya noong makita nila na walang laman ang libingan, ang unang hinanala nila ay ninakaw ang bangkay ni Jesus. Si Maria Magdalena at ang mga kasamahan niyang mga babae ay pumunta sa pinaglibingan kay Jesus noong umaga ng Linggo upang dalawin ang patay. Tandaan natin na dali-daling inilibing si Jesus noong Biernes ng hapon. Walang panahon na tumangis para sa patay. Hindi sila makakilos noong sabado kasi para sa mga Hudyo, ito ay araw ng pamamahinga.
Hindi sila makalabas ng bahay. Kaya noong madaling araw ng Linggo nagmamadali silang pumunta sa libingan. Malaki ang pagmamahal nila kay Jesus. Kailangan silang magluksa sa libingan. Pero bukas ang libingan at wala doon ang bangkay. Dali-daling pinuntahan ni Maria Magdalena si Pedro at si Juan at ito ay ibinalita sa kanila. Ang nasa isip nila ay kinuha sa libingan ang Panginoon. Patakbong pumunta sa libingan ang dalawang apostol at ganoon nga ang nakita nila – walang laman ang libingan. Pero kung kinuha ang bangkay, bakit naiwan ang kayong lino, ang damit na ibinalot sa kanyang bangkay ? Tandaan natin na pagkamatay ni Jesus si Jose na taga-Aramateo at si Nicodemo ay nagpaalam kay Pontio Pilato na kunin at ilibing ang bangkay ni Jesus. Pinahiran nila ito ng pabango at binalot sa isang mamahaling tela ayon sa kaugalian ng mga Hudyo.
Nilagay ang bangkay sa isang bagong libingan at tinakpan ito ng malaking bato. Nandoon naiwan sa libingan ang telang ibinalot sa bangkay pero wala ang bangkay. Nandoon din sa isang tabi nakatiklop ang panyo na ibinalot sa kanyang ulo. Umalis silang nagtataka sa kalagayang ito.
Pero nagpaiwan si Maria Magdalena na patuloy na tumatangis at patuloy na naniniwala na ninakaw ang bangkay, hanggang nagpakita si Jesus sa kanya. Binigyan siya ng misyon na sabihin sa kanyang mga alagad na siya’y buhay. Ang pinagkatiwalaan ng pinakamagandang balitang ito ay isang babae, isang babae na nagmamahal sa kanya. Ang pahayag ni Maria Magdalena ay “nakita ko ang Panginoon.”
Sa simula, hindi makapaniwala ang mga alagad sa balitang ito. Pero sa mga susunod na pangyayari nagpakita rin si Jesus na muling nabuhay sa mga alagad, hindi lang minsan kundi maraming beses. Sinabi ni Pedro kay Cornelio sa ating unang pagbasa: “Napakita siya, hindi sa lahat ng mga tao kundi sa amin lamang na noon pang una’y pinili na ng Diyos bilang mga saksi. Kami ang nakasama niyang kumain at uminom pagkatapos na siya’y muling nabuhay.” Ang muling pagkabuhay ay hindi lang isang guniguni ng mga alagad. Ito ay talagang nangyari at ang mga apostol ang saksi sa pangyayaring ito. Ganoon katotoo ang pangyayaring ito na sila ay pumunta sa iba’t-ibang parte ng mundo upang ito ay ibalita. At hindi lang sila nagsalita tungkol dito. Itinaya nila ang kanilang buhay sa pangyayaring ito. Naging martir sila sa kanilang paniniwala na si Jesus ay ang Kristo na pinadala ng Diyos, at totoo ito kasi siya ay muling nabuhay.
Ang paniniwala sa muling pagkabuhay ay siya rin ang basehan ng ating pagiging kristiyano. Kristiyano tayo kasi nakikiisa tayo sa pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesus. Ito ay nangyari noong tayo ay bininyagan. Oo, binuhay tayong muli kasama ni Jesus. Namatay na tayo sa kasalanan, sa makalumang buhay na ayon sa laman, at ang buhay natin ngayon ay buhay na ayon sa bagong buhay ni Jesus. Iyan ang hamon sa atin ng muling pagkabuhay. Isabuhay natin kung ano tayo, at isabuhay natin ang bagong buhay na ito.
Ang muling pagkabuhay ni Jesus ay hindi lang ang pagbabalik sa dating buhay. Ito ay pagkakaroon ng bagong buhay, buhay na hindi na saklaw ng kasamaan, buhay na ginagabayan ng Espiritu Santo at hindi ng hilig ng laman, buhay na hindi na mamamatay. Iyan ang buhay na tinanggap natin sa binyag. Ito ang buhay na magdadala sa atin sa langit. Kaya nga sinabi ni San Pablo: “Isaisip ninyo ang mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panlupa, sapagkat namatay na kayo at ang tunay na buhay ninyo’y nakatago sa Diyos, kasama ni Kristo.”
Ang muling pagkabuhay ni Jesus ay hindi lang para kay Jesus. Ito ay para din sa atin at nakikiisa na tayo ngayon sa bagong buhay na ito. Sa ating misa ngayon sasariwain natin ang ating binyag. Kasama tayo sa pagkamatay ni Jesus at sa kanyang muling pagkabuhay. Namatay na tayo sa kasalanan, kaya itinatakwil na natin si Satanas at ang kasalanan. Isanasabuhay na natin ang buhay na puno ng pananampalataya, pananampalataya sa Diyos Ama, sa Diyos Anak, sa Espiritu Santo, sa simbahang katolika, sa kapatawaran ng mga kasalanan at sa buhay na walang hanggan. Kaya nga habang naglalakad tayo sa lupa nakatuon ang ating pag-asa sa langit. Doon tayo papunta. Dumadaan lang tayo sa lupa kasi makalangit tayo. Iyan ang pinapaalaala sa atin ng ating paksa ng taon ng Jubileo – we are pilgrims of hope. We are pilgrims – manlalakbay lang tayo sa lupa pero may pag-asa tayong makarating sa langit kasi si Jesus na ating Panginoon ay namatay at muling nabuhay para sa atin.