
Kalayaan ng mga Pilipino sa paniniil ng kapwa, panalangin ni Bishop Pabillo
551 total views
Isinusulong ni Vicariate of Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ang ikakabuti ng mga Pilipino, higit na ang kapakanan ng pinakamahihirap na sektor sa bansa.
Sa kanyang mensahe sa pagdiriwang ng ika-127 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, pinuno ng Obispo na bukod sa mga banyagang umaangkin sa teritoryo ng Pilipinas, nararansan din ng mga Pilipino ang paniniil mula mismo sa mga kapwa nilang Pilipino na naninilbihan sa pamahalaan.
“Ipagdiriwang na po natin ang 127th Independence natin dito sa Pilipinas, ito po ay isang magandang okasyon upang pagnilayan po natin ang ating kasarinlan, ang ating independence, noon po ang pinaglalaban natin ang ating independence laban sa mga dayuhan, laban po sa mga Espanyol, sa mga Amerikano, Sa mga Hapones,” ayon sa panayaman ng Radyo Veritas kay Bishop Pabillo.
Pinuna ni Bishop Pabillo na ang mga lider ng pamahalaan ang nagiging ugat ng paghihirap ng mga Pilipino dahil sa pagpapahintulot sa mga proyektong makakasira sa kalikasan at kabuhayan ng mga mangingisda, magsasaka at katutubo sa ibat-ibang bahagi ng Pilipinas.
Ayon sa Obispo, bukod pa rito ang patuloy na pananamantala ng mga opisyal ng gobyerno sa kahinaan ng mga Pilipino gayundin ang pagpapatupad ng mga polisiya na anti-poor.
Ipinagdarasal naman ng Obispo na sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay magising ang kamalayan ng mga Pilipino upang mag-alab ang pakikibaka at makamit ang tunay na kalayaan sa pamamagitan ng pagkakaisa.
“Ngayon po ang kalaban po ng ating independence ay ang sariling bayan po natin, ang mga namumuno po sa atin na na hindi nagbibigay ng kasarinlan sa karamihan ng mga tao, sila po yung nagpapahirap sa mga tao, yung mga pulitiko po natin na hindi nagbabahagi, sila po yung naninira ng kalikasan kaya nga ang mga mahihirap, mangingisda, mga magsasaka, mga katutubo ay hindi nagkakaroon ng maayos na kabuhayan,” ayon pa sa panayam ng Radyo Veritas kay Bishop Pabillo.
Ngayong taon, itinalaga ng pamahalaan ang pagdiriwang sa 127th Independence Day sa temang ‘Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan,’.