321 total views
Hindi lamang sa illegal na droga nakaugat ang mga krimen at iba pang suliraning panlipunan sa bansa.
Ito ang panawagan sa susunod na Administrasyon ng Promotion of Church People’s Response kung saan binigyang diin ni Nardy Sabino, Secretary General ng P-C-PR na bukod pa sa pagsupil sa illegal na droga sa bansa ay nararapat ring tutukan ng susunod na Administrasyon ang mga pangunahing problema sa lipunan partikular na ng kahirapan, kawalan ng permanenteng hanapbuhay, kawalang katarungan at inequality o hindi pagkakapantay pantay.
“Ang ating problema ang suliranin natin ay hindi lang naka-ugat sa droga kundi naka-ugat ito sa mga batayang pangangailangan, sa mga pundamental na problema ng ating lipunan yung kahirapan, kawalang hanapbuhay, kawalang katarungan, kawalan ng ekwalidad sa ating bayan, ito yung problema na dapat i-address ng susunod na administrasyon..” pahayag ni Sabino sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nga nito, ayon sa United Nations World Drug Report ang Pilipinas ang may pinakamataas na paggamit ng Shabu sa East Asia kung saan batay sa tala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) aabot sa 92-porsyento ng mga barangay sa Metro Manila at 1/5 naman ng mga barangay sa buong bansa ay apektado ng bawal na gamot.
Samantalang, batay sa resulta ng SWS Survey sa huling bahagi ng 2015, naitala na nasa 50-porsyento ng pamilyang Filipino ang nagsabing sila ay mahirap o katumbas ng may 11.2-milyong pamilyang Filipino.
Habang sa kalagayan naman ng paggawa sa bansa, tinatayang umaabot sa 11.8 milyong Pilipino ang unemployed o nananatiling walang trabaho sa bansa.
Matatandaang binigyang diin ni Saint John Paul II na sa pagpapalakad ng estado ay kailangang siguraduhin na lahat ng miyembro ng komunidad ay protektado at pantay-pantay dahil nasa kamay ng mga nagpapatakbo ng estado ang pangangalaga ng kapakanan ng publiko.