195 total views
Hindi makatutulong na makita ng publikong watak-watak at hindi nagkakaisa ang mga kinatawan ng Commission on Elections En Banc.
Dahil dito, nananawagan na si Parish Pastoral Council for Responsible Voting Chairperson Henrietta De Villa na nararapat nang mag-usap ang COMELEC En Banc upang hindi mabulabog at magdulot ng pagkakahati sa buong kumisyon ang kanilang hindi pagkakasundo-sundo.
Giit ni De Villa, dapat na magkaisa ang pitong kinatawan ng COMELEC En Banc sapagkat hindi rin makatutulong para sa imahe ng kumisyon ang tila pagkaka-watak-watak ng mga COMELEC Commissioners.
“Ang hangarin sana ng PPCRV at ang panalangin din, magkaisa sila kasi pangit eh na parang watak-watak ang En Banc it’s not fair for the management of elections at saka dun din sa mga ranked file yung mga Career People ng COMELEC dahil nahahati din sila, nabubulabog din sila kapag ganung hindi nagkakasundo yung En Banc kaya siguro kailangan mag-usap sila, pi-pito lang sila bakit ba naman hindi makapag-usap?” pahayag ni De Villa sa panayam sa Radio Veritas
Kaugnay nito, hati ang opinion ng COMELEC kaugnay sa nakatakdang Barangay Elections sa darating na Oktubre, kung saan iginiit ni COMELEC Commissioner Rowena Guanzon na hindi kumakatawan sa buong En Banc ang nauna ng mungkahi ni COMELEC Chairman Andres Bautista na ipagpaliban ang halalang pambarangay ngayong taon.
Binigyang diin ni Bautista na nararapat tupdin ng kumisyon ang nakasaad sa batas na pagsasagawa ng Barangay Elections sa darating na Oktubre.
Batay sa Republic Act No. 7-1-6-6, mandato ng Commission on Election ang pagkakaroon ng malinis, tapat at payapang eleksyon sa bansa malayo sa kaguluhan at karahasan.
Samantala batay sa tala ng NAMFREL umabot sa 81-porsyento ang vote turnout rate noong nakalipas na eleksyon mula sa 54.6 na milyong rehistradong botante na mayrooong ring pagkakataong bumoto para sa Barangay Elections.(Reyn Letran)