7,187 total views
Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos
Num 6:22-27 Gal 4:4-7 Lk 2:16-21
Happy New Year sa inyong lahat! Ngayon ay ang ika-walong araw pagkatapos ng Pasko. Ayon sa kaugalian ng mga Hudyo, sa ika-walong araw pagkasilang ng isang anak na lalaki, siya ay tutuliin. Ito ay isang tanda na siya ay Hudyo na at siya ay bibigyan ng kanyang pangalan. Sa araw na ito ang bata na isinilang sa sabsaban doon sa Bethlehem noong December 25 ay tinuli at binigyan ng pangalan na Jesus, ang pangalan na ibinigay ng anghel. Ang pangalang Jesus ay nangangahulugang manliligtas, kasi ito ang magiging misyon niya sa buhay, na iligtas ang mga tao sa kanilang kasalanan.
Ang focus ng ating pansin ngayong araw ay si Maria. Kinikilala natin siya na Ina ng Diyos kasi kinikilala natin na ang kanyang anak na si Jesus ay Diyos. Sa ating pagpaparangal kay Maria na Ina ng Diyos pinaparangalan natin si Jesus na siya ay Diyos. Maliligtas tayo ni Jesus sa ating mga kasalanan dahil sa siya ay tunay na Diyos at tunay na tao. Si Jesus ang tumutulay sa atin sa Diyos. Nakaugat siya sa ating kalagayan kasi siya ay tao. Kinuha niya ang lahat ng katangian at karanasan ng ating pagkatao maliban sa kasalanan. Ang kasalanan ay hindi naman bahagi ng ating pagkatao. Kinuha niya ang ating pagkatao at ibinigay niya sa atin ang kanyang pagka-Diyos. Dahil sa kanyang pag-aalay, ang kanyang Espiritu ay ibinigay niya sa atin kaya tayo ay nagiging anak ng Diyos. Napakaganda ng exchange na ito. Kinuha niya ang ating pagkatao upang maibigay niya sa atin ang kanyang pagka-Diyos. Dahil sa Espiritu Santo, matatawag na natin ang Diyos na “Ama, Ama ko!” Salamat kay Maria, sa kanyang pagsang-ayon sa plano ng Diyos, ang Diyos ay naging tao.
Mahalaga ang January 1 para sa maraming tao kasi ngayon ay ang unang araw ng kalendaryo. Nagsisimula ngayon ang bagong taon, ang taong 2025. Happy New Year uli sa inyong lahat! Marami sa atin ay nagsisimba sa araw na ito kasi ibig nating ipaubaya sa Diyos ang bagong taon. Anuman ang nangyari sa atin noong nakaraang taon, ibig natin magsimula nang maayos ngayong taon at humihingi tayo ng bendisyon sa Diyos. Hindi natin alam ang mangyayari ngayong taon pero kung tayo ay may bendisyon ng Diyos, makakayanan natin ang lahat.
Sa ating unang pagbasa, narinig natin ang bendisyon na binibigay ni Aaron at ng kanyang mga anak; sila ang mga pari ng bayan ng Israel. Kapag tayo ay humihingi ng bendisyon ang ating naiisip ay kalusugan, trabaho, maraming pera, masaganang ani. Sa maikling salita, ang bendisyon para sa marami ay mga material na bagay. Kakaiba ang bendisyon na binibigay sa atin sa Salita ng Diyos. Ito ang bendisyon na hinihingi sa Diyos: “Pagpalain ka nawa at ingatan ng Panginoon; nawa’y kahabagan ka niya at subaybayan; lingapin ka nawa niya at bigyan ng kayapaan.” Ang ating hinihingi ay ang pagsubaybay, paglinganap at pag-ingat ng Diyos. Sana matanggap natin ang mga ito sa bagong taon.
Sa panahon natin ngayon, isang bendisyon na kailangang kailangan natin ay ang kapayapaan. Mula noong 1967, ang January 1 ay itinakda ni Papa San Pablo ika-anim na World Day of Prayer for Peace. Hangarin natin ang kapayapaan at ipagdasal natin ito. Kailangang kailangan natin ito ngayon na nandiyan ang patuloy na digmaan sa Uktraine, sa Gaza sa Israel, sa Lebanon, sa Myanmar, sa Syria, sa Somalia, sa Sudan at sa marami pang mga lugar. Nakikita natin na mailap ang kapayapaan at hindi natin ito matatamo sa pagsisikap lang ng tao. Kailangan natin ang tulong ng Diyos kaya ipagdasal natin ito. Hindi magkakaroon ng kapayapaan sa mundo kung walang kapayapaan sa puso ng mga tao. Ang panlabas na kaguluhan ay nangyayari dahil sa hangarin ng puso ng tao na gusto manlamang sa iba, na walang tiwala sa kapwa tao, na walang awa sa paghihirap ng kapwa tao.
Pakinggan natin ang panawagan ni Papa Francisco na kailangan tayong matuto na magpatawad upang magkaroon ng kapayapaan. Pagpapatawad ang sagot natin sa kasamaan at hindi paghihiganti. Iyan ang ginawa ng Diyos sa atin sa pagpapadala ng kanyang anak – hindi upang parusahan tayo kundi upang patawarin tayo. Ito ang dahilan ng Jubilee Year ngayong taong 2025. Ang Jubilee Year ay ginagawa tuwing ika-dalawampu’t limang taon upang mas lalo nating matanggap ang pagpapatawad ng Diyos at upang matuto din tayong magpatawad.
Isang panawagan ng Santo Papa ngayong Jubilee Year ay tanggalin na ang death penalty sa buong mundo. Hindi naitutuwid ang kasamaan sa pagpatay ng gumawa ng masama, kundi sa pagsikap na baguhin ang masasama. Hindi solusyon ang pagpatay. Isa pang panawagan ng Santo Papa ay maglaan ng higit na maraming pera para sa kaunlaran ng mga tao kaysa sa pagbili ng mga sandata at mga armas na ang layunin ay pumatay ng tao. Sa mga digmaan na nangyayari sa buong mundo ngayon, napakalaking pera at technology ang ginagamit para sa mga bomba at mga sandata. Kung bahagyang halaga lamang ng mga iyan ay gagamitin para sa kaunlaran tulad ng pagpapagawa ng mga paaralan at mga ospital, sa mga sahod ng mga doctor at mga guro, sa pagpapakain sa mga nagugutom at pagtulong sa mga magsasaka, maraming mga tao ang matutulungan at mas magiging mapayapa ang mundo natin.
Dito sa ating bansa ang usapan ngayon ay ang corruption. Sa halip na tulungan ang mga nangangailangan ay binibigyan ng mas mataas na budget ng ating mambabatas ang kanilang sarili at ang mga projects na panggagalingan ng pork barrel o corruption. Hindi ito magdadala ng kapayapaan. Manawagan tayo at manalangin para sa pagbabagong puso ng mga leaders natin sa pamahalaan.
Huwag po tayo mawalan ng pag-asa. Kahit na parang malakas ang kasamaan at matitigas ang puso ng mga tumatayong leaders, maaaring mabago ang kalagayan ng mundo. Nandito ang Diyos na kasama natin sa mundo. Kumikilos siya at hindi siya nagpapabaya. Malakas ang awa niya at nakikinig siya sa ating mga taimtim na dasal. Sa tulong ng panalangin ng Mahal na Ina ng Diyos matatanggap natin ang biyaya ng kapayapaan.