94,420 total views
Happy new year, mga Kapanalig!
May mga new year’s resolutions ba kayo? Anumang pagbabago ang nais ninyong simulan, sana ay matupad ninyo ang mga ito.
Ano naman ang new year’s resolution mo para sa ating bayan ngayong 2025?
Nakakapagod ang nagdaang taon, hindi ba? Naging maingay ang mga namumuno sa ating gobyerno. Nagbatuhan sila ng putik. Nagpalitan sila ng masasakit na salita. May mga nagbanta pa nga sa buhay ng akala nating kakampi nila. Nabunyag ang mga kasalanan ng ilan, at nabuko naman ang kabulastugan ng iba. May mga natiklong gumagawa ng mali, at may mga pinaninindigan pa rin ang pang-aabuso nila sa kapangyarihan.
Asahan nating iingay pa lalo ang ingay sa ating pulitika dahil sa paparating na midterm elections. Ilan buwan na lang, opisyal nang magsisimula ang kampanyahan. Marami na nga sa kanila ang nagpaparamdam na sa mga patalastas sa TV at radyo, mga nagkalat na billboards, at nagsusulputang video sa social media. Marami silang ipinapangakong gagawin. Marami silang pagbabagong gustong gawin. Patalbugan na sila ng mga ginawang batas o tulong na ibinigay sa mga tao, kahit na sa totoo lang, trabaho naman nila ang mga ito.
Sa mga probinsya, bayan, at lungsod naman, kanya-kanya na ang mga pulitiko sa pagkuha ng suporta ng mga botante. May mga nagbibigay ng pansamantalang trabaho bilang tagapangampanya sa mga komunidad. May mga binibigyan ng pera para pusuan ang mga posts ng pulitiko sa social media. Noong Pasko nga, ang mga kandidato pa ang nag-sponsor ng mga Christmas party at pa-raffle. Bumuhos ang mga grocery baskets, bigas, at iba pang materyal na bagay para makuha ang loob ng mga tao.
Pero kung may isang katangian ng mga lider na mainam na hanapin sa mga tatakbo ngayong eleksyon, ito ay ang kakayahan nilang magbigay ng inspirasyon, lalo na sa kabataan. Sa kanyang pahayag para ngayong World Day of Peace, unang araw ng Enero, binanggit ni Pope Francis na kailangan nating kumilos para mawala ang mga nagtutulak sa kabataang tanawin ang kanilang kinabukasan nang walang pag-asa o na pinangingibabawan ng karahasan. “The future is a gift meant to enable us to go beyond past failures and to pave new paths of peace,” paalala pa ng Santo Papa.
Anong uri ng kinabukasan—o future—ang iniaalok ng mga tatakbo ngayong eleksyon?
Hindi sapat ang mga salita para sagutin ng mga gustong maging lingkod-bayan ang tanong na ito. Dapat nakikita natin ito sa kanilang mga gawa. Sa panahon ng kanilang pamumuno o sa propesyong mayroon sila, ano ang track record nila? Sa kanilang personal na buhay, anu-anong halimbawa ang kanilang ipinakikita, lalo na sa kabataan?
Dapat sinasalamin ito ng kanilang mga paninindigan sa mahahalagang isyu sa ating bayan. Ano ang posisyon nila sa usaping pang-ekonomiya, panlipunan, o pampulitika? Anong solusyon ang naiisip nila para sa mga mabibigat na pagsubok ng ating mga kababayan, lalo na ng mahihirap?
Dapat malinaw ito sa mga interes na isinusulong nila. Sinu-sino ang mga nakapalibot sa kanila? Naiimpluwensyahan ba sila? Kaninong kaunlaran ang inuuna nila? Sa anu-anong negosyo sila nauugnay—may kinalaman ba sa mga sumisira sa kalikasan o nagpapalayas sa mga katutubong komunidad?
Mga Kapanalig, sa simula ng bagong taon, isama natin sa ating new year’s resolutions ang pagpili ng mga lider na magbibigay sa atin ng pag-asa, lakas ng loob, at inspirasyon. Ang eleksyon ay isang pagkakataon sa mga pulitiko para patunayang kaya nila tayong dalhin sa isang buhay na panatag, maginhawa, at mapayapa. Piliin natin ang mga lider na, gaya ng inilalarawan sa Mga Kawikaan 27:23-24, tunay na binabantayan ang kanilang kawan, lalo na ang mga mahihina, nawawala, at naliligaw.
Sumainyo ang katotohanan.