3,008 total views
Ito ang ibinahagi ni Atty. Aaron Pedrosa – secretary general ng Sanlakas sa naganap na talakayan ng Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) kaugnay sa kasalukuyang umiiral na demokrasya sa bansa.
Ayon kay Atty. Pedrosa, maituturing na huwad ang demokrasyang tinatamasa ng bansa na nakasaad lamang sa Saligang Batas.
Ipinaliwanag ni Pedrosa na ang tunay na diwa ng demokrasya ay nasa kamay ng taumbayan ang kapangyarihan sa pamumuno at direksyong tatahakin ng bansa at hindi sa kamay ng iilan lamang.
“Kapag sinabi kasing demokrasya ay ito yung pamumuno na ang kapangyarihan ay nasa kamay ng nakararami kaya nga ‘demos’ saka ‘kratos’ nasa tao yung kapangyarihan, tao yung nagpapatakbo ng gobyerno. Ang demokrasyang umiiral dito sa Pilipinas bagamat ito ay binansagang demokrasya sa ating Saligang Batas ay isang huwad na demokrasya sapagkat ang may hawak ng kapangyarihan hindi yung nakararami bagkus sila na iilan lamang ang nagtatakda ng tadhana, ng landas na tatahakin ng milyun milyong mga Pilipino.” pahayag ni Pedrosa.
Partikular na tinukoy ni Aty. Pedrosa ang resulta ng hindi akmang pamumuno sa bayan ng mga kapitalista at mga kabilang sa mga pamilyang dinastiya.
Iginiit ni Pedrosa na dahil sa nasa kamay lamang ng iilan ang kapangyarihan at posisyon sa bansa ay hindi akma ang mga ipinatutupad na patakaran, programa, at proyekto para sa kapakanan at pangangailangan ng taumbayan lalo’t higit ang mga maralita sa lipunan.
Matatandaang binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco na ang pulitika ay isa sa pinakamataas na paraan ng pagmamalasakit sa kapwa sa pamamagitan ng pagtutuk sa common good o ang mas makabubuti para sa lahat.
Nasasaad sa Catholic social teaching na Mater et Magistra ni St John XXIII na ang common good o ang kabutihan ng mas nakararami ang dapat na nagbibigay-katwiran sa lahat ng mga hakbang ng pamahalaan na binubuo ng mga taong pinagkatiwalaan ng taumbayan na pangasiwaan ang pamahalaan upang isulong ang interes ng bawat mamamayan at hindi ang kanilang pansariling kapakinabangan.