91,049 total views
Mga Kapanalig, inulan ng batikos ang mga Sanggunian Kabataan (o SK) leaders ng Lungsod ng Maynila matapos lumabas sa social media ang mga posts nila ng tila pamamasyal sa Thailand.
Paglilinaw ng SK Federation of Manila, ang pagpunta nila sa Thailand ay bahagi ng tatlong araw na “capacity development and international benchmarking program” katuwang ang isang unibersidad doon. Layunin ng pagbisita ng mga SK leaders na matuto ng mga pamamaraan upang mabawasan ang dumaraming kaso ng HIV cases sa Maynila. Naging matagumpay daw kasi ang Thailand sa bagay na ito, at ito ang nais ng SK Federation of Manila na mangyari din sa kanilang lungsod. At para naman daw sulit ang biyahe nila, isinabay na nila ang “cultural immersion.” Bawat isa ay nilaanan ng budget na ₱33,900 para sa kanilang pagkain, pamasahe, at matutulugan. Maliban dito, bibigyan ang bawat isa ng daily subsistence allowance na ₱6,000.
Sa 826 na SK leaders sa Maynila, 667 ang sumali sa biyahe. Pero dahil napakarami nila, hiwa-hiwalay na batch silang lilipad doon. Nakaisang batch na ang SK Federation, pero mukhang magiging mahirap nang sundan ito. Hindi kasi nagustuhan ng ilan, kabilang si DILG Secretary Jonvic Remulla, ang pagbalandra ng mga SK leaders ng kanilang biyahe. “It’s really all a matter of bad taste,” sabi ng kalihim. Pumunta sila sa Thailand sa panahon kung kailan mainit ang isyu tungkol sa pagwawaldas ng pera ng bayan sa mga palpak at ‘di matagpuang mga flood control projects. Ikinumpara pa nga ang mga SK leaders sa mga anak ng mga kontratista at kongresista na ipinangangalandakan ang marangya nilang pamumuhay sa social media.
Hindi natin masisisi ang mga may negatibong reaksyon sa posts ng mga SK leaders ng Maynila. Wrong timing nga naman. Pero ang sabihing dapat nang buwagin ang Sangguniang Kabataan dahil nagiging breeding ground lamang ito ng mga tiwaling lider ng bayan ay sobra naman na yata. Hindi perpekto ang sistemang nagpapatakbo sa SK, pero hindi ito dahilan para basta-basta na lamang buwagin ang isang paraan para sa kabataang maging sangkot sa pulitika. Isa itong larangan para makilala ang ambag ng kabataan sa lipunang kinabibilangan nila.
Layunin ng SK na bigyan ang sektor ng kabataan ng boses sa barangay para matiyak na nakakamit nila ang kanilang mga batayang pangangailangan gaya ng edukasyon, kalusugan, at trabaho. Hinuhubog din sana sa SK ang kakayahan ng kabataang mamuno at maglingkod sa pamamagitan ng mga proyektong pakikinabangan ng kapwa nila kabataan. Sa SK, nabibigyan din ng pagkakataon ang kabataang maiparating ang kanilang mga saloobin tungkol sa mga patakaran at programa ng kanilang barangay, bayan, o lungsod.
Nakalulungkot nga lamang na may mga pagkakataong nalilihis ng landas ang ilang SK leaders. Nagiging kasabwat sila ng mga nakatatandang lider na ang gusto lamang ay manatili sa kapangyarihan. Natututo sila ng mga baluktot na gawain na nadadala nila sa mas mataas na posisyon o sa ibang larangan. Pero sa halip na buwagin, linisin natin ang SK nang makamit nito ang magagandang layunin ng pagbibigay sa kabataan ng pagkakataong mamuno at manglingkod.
Sabi nga ni Pope Francis sa Catholic social teaching na Christus Vivit, may espesyal na pangangailangang gabayan ang mga kabataang nagpapakita ng potensyal na mamuno. Kailangan nila ng mga mentors, at tayong mga nakatatanda ang inaasahan nilang maging gabay nila. Magandang plataporma ang Sangguniang Kabataan para sa humubog ng mga mahuhusay na lider.
Mga Kapanalig, paalala sa Mga Kawikaan 22:6, “ituro sa [kabataan] ang daang dapat [nilang] lakaran.” Sa larangan ng pulitika, isa ang Sangguniang Kabataan sa mga makapagpapakita sa kanilang ng daan na ito. Huwag nating hayaang magamit ito para iligaw ang kabataan.
Sumainyo ang katotohanan.




