276 total views
June 11, 2020, 6:01AM
Pinangunahan ni Diocese of Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud ang paggunita sa ikalawang anibersaryo ng maharas na pagkamatay ni Rev. Fr. Richmond Nilo.
Si Fr. Nilo ay pinaslang sa mismong tabi ng altar ng kapilya ng Nuestra Señora de la Nieve sa Zaragoza, Nueva Ecija noong ika-10 ng Hunyo taong 2018.
Ayon kay Bishop Bancud, bagamat patuloy na naghahatid ng lungkot at takot ang sinapit na karahasan ni Fr. Nilo ay isang magandang halimbawa naman ang buhay pananampalataya ng Pari sa lahat ng Katoliko na nanindigan sa kanyang paniniwala at pananampalataya sa Diyos.
“Aming ginunita yung talagang kamatayan niya pero I put emphasis to the fact that he was slain at yun yung medyo nagdala ng lungkot sa iba, mga takot, mga tanong pero ang aking binigyang diin ay isang magandang pagkakataon na sariwain natin yung nangyari kay Fr. Richmond at maging halimbawa yung kanyang paninindigan sa pananampalataya na kahit noong bago pa siya namatay ay napagsabihan na siya sa mga banta o mga death threats ay pinanindigan pa rin niya…” pahayag ni Bishop Bancud sa panayam sa Radio Veritas.
Dahil dito umaasa ang Obispo na ang buhay at kamatayan ni Fr. Nilo ay magbukas ng kamalayan ng bawat mananamapalataya sa mahigpit na paghawak at paninindigan sa pagiging isang binyagang Katoliko.
Inaasahan ni Bishop Bancud na magsilbing inspirasyon ang matapat na pananampalataya ni Fr. Nilo hindi lamang sa mga mananampalataya sa Diyosesis ng Cabanatuan kundi maging sa lahat ng mga Filipino.
“Sana ito’y magbukas ng kaisipan sa lahat ng mananampalataya hindi lamang sa Diocese ng Cabanatuan kundi para sa lahat ng mga binyagan na dapat nating balikan at mapanghawakan yung biyaya ng ating pagiging binyagan sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo at diyan nagmumula yung ating paninindigan para sa Mabuting Balita ng ating Panginoon…” Dagdag pahayag ni Bishop Bancud.
Binigyang diin naman ng Obispo na bukod sa pandemyang kinahaharap ng sangkatauhan mula sa Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 ay may isa pang pandemya na patuloy na kumakalat sa lipunan at hindi pa rin mawakasan.
Tinukoy ng Obispo ang pandemya ng katiwalian, kurapsyon at karahasan na patuloy na lumalaganap at hindi pa rin mawakasan sa lipunan.
“Sa misa binigyang diin ko na kahit ngayon sa panahon na pandemic, meron pang pandemic that is much worse than COVID-19 at ito yung pandemic ng graft and corruption and the violence that is continuously spread…”Pagbabahagi pa ni Bishop Bancud.
Si Rev. Fr. Richmond Nilo ay binaril habang naghahanda sa pagsasagawa ng banal na misa sa mismong araw ng Linggo noong ika-10 ng Hunyo taong 2018.