329 total views
June 11, 2020-10:57am
Inaanyayahan ng Caritas Manila ang mamamayan lalu na ang mga may kakayanan na patuloy na suportahan ang kampanya ng social arm ng simbahan ngayong panahon ng pandemya.
Ayon kay Fr. Anton CT Pascual-executive director ng Caritas Manila patuloy pa rin ang kanilang relief operation sa mga nangangailangan dulot ng lockdown na nagsimula pa noong Marso.
Giit ng pari, bukod sa relief operations mahalagang paghandaan na rin ngayon ang rehabilitation stage dahil na rin sa dami ng bilang ng mga manggagawang nawalan ng trabaho.
“Basically, kasi nasa relief pa tayo, but we are trying to move to rehabilitation also. Basically, ang kailangan dyan ay yung back to school ng mga bata, kailangan na ipagpatuloy ang pag-aaral kaya ang problema dito ang mga gadgets nila alam Naaman natin ano mukang 19 percent lang ng mga bata according to statistics ang may access sa internet mga estudyante,” ayon kay Fr. Pascual ng Caritas Manila.
Dagdag pa rito ayon kay Fr. Pascual ang inaasahang pagbubukas ng klase ng mga mag-aaral sa buwan ng Agosto base na rin sa pahayag ng Department of Education.
Sa tala, aabot sa 70-libong manggagawa ang nawalan ng trabaho dulot ng pagbagsak ng ekonomiya ng bansa kung saan may dalawang libong kompanya ang magsasara ng operasyon.
Paliwanag ni Fr. Pascual sa kasalukuyan ay pinapalakas na ng simbahan ang micro-finance at kooperatiba bilang pangmatagalang tugon sa kahirapan ng mamamayan.
“Mahalaga ang livelihood, mga micro-finance ng simbahan ang Caritas Labora-workers cooperative pinapalakas natin para makapaghanap tayo ng trabaho sa mga mawawalan ng trabaho at itong micro-finance natin na kooperatiba,” ayon kay Fr. Pascual.
P1.7 BILLION DONATIONS
Umaabot na sa P1.7 bilyon ang kabuuang donasyon na natatanggap ng Caritas Manila para sa mga labis na naapektuhan ng krisis na dulot ng pandemya.
Ayon kay Fr. Pascual, ito ay ginamit sa tuloy-tuloy na relief operation sa mga nangangailangan dulot na rin ng umiiral na lockdown policy simula pa noong marso.
“Nagpapasalamat tayo sa ating mga benefactors both in-cash and in-kind na nagtiwala sa atin almost mga 1.7 billion na tayo ang ating naipamagi since March,” ayon pa kay Fr. Pascual.
Paliwanag ng pari, kabilang sa mga naging benepisyaryo ng mga gift certificate, food packs at medical kits ang urban poor families sa Mega Manila, mga walang tahanan, manggawa at estudyante na inabutan ng lockdown gayundin ang mga frontliners tulad ng mga medical workers at service providers.
Dagdag pa rito ayon kay Fr. Pascual ang pag-alalay din sa may 25 diyosesis ng bansa upang makapagbigay ng tulong sa kanilang nasasakupan sanhi pa rin ng banta ng pandemya.