296 total views
June 10,2020, 11:48AM
Umaapela si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa pamahalaan at sa iba pang sektor na magtulungan upang mapanatili at mapalakas ang karapatan ng Pilipinas sa mga pagmamay-aring isla.
Sa panayam ng Radio Veritas, inihayag ni Bishop Bacani na isa sa mga miyembro ng 1987 Constitutional Commission na dapat magkaisa ang mga Filipino sa paninindigan sa mga teritoryong napapaloob sa exclusive economic zone ng bansa.
Ito ang paninindigan ng Obispo sa ulat na nakatanggap ng mensahe na ‘Welcome China at Welcome Vietnam’ sina Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana at ilang kasamahan na nagtungo sa Kalayaan Island.
Inirekomenda ni Bishop Bacani na magtulungan ang lahat ng sektor para mapalakas ang signal ng telekomunikasyon sa lugar bilang isa sa mga pamamaraan at palatandaan na pag-aari ito ng mga Filipino.
“Hari nawa naman gumawa ng paraan ang gobyerno at ang mga businessmen din natin upang ang signal natin doon ay lumakas; yung mga cellphone natin ay magagamit doon sa lugar [Kalayaan Island],” pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas.
Inihayag naman ng Smart Communications na may cell site ang telco sa lugar subalit kailangan itong kumpunihin kaya mas nangingibabaw ang signal ng ibang mga bansa.
Ipinaliwanag ni Ramon Isberto, tagapagsalita ng kompanya na nahihirapan silang i-maintain ang cell site sa Kalayaan Island dahil na rin sa kawalan ng sapat na transportasyon patungo sa isla.
Bago makarating sa Kalayaan ay kailangan munang kumuha ng clearance mula sa mga sundalo at kung may mga suliraning pangseguridad ay tuluyang ipinagbabawal ang pagtungo sa isla.
Nitong Martes ika – 9 ng Hunyo nagtungo si Lorenzana at ilang opisyal ng sandatahang lakas kasabay ng paglunsad ng beaching ramp na bahagi ng mahigit sa 200 milyong pisong proyekto na makatutulong mapaunlad ang kabuhayan ng ilang residente sa Municipality of Kalayaan.
Tiniyak naman ni Bishop Bacani na nakahanda ang simbahang katolika na maglingkod sa Kalayaan Island lalo’t higit kung may komunidad ng mga Katoliko sa lugar na dapat pangalagaan.
“Kahit saan na may mga tao lalo’t katoliko mag-outreach talaga ang simbahan,” saad ni Bishop Bacani.