176 total views
Mga Kapanalig, habang nakatutok ang marami sa atin sa nakababahalang mga pangyayari sa Marawi, isang napakahalagang panukalang batas ang naipasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso noong matapos ang regulár na sesyon nito noong Mayo 31. Ito ay ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Bill o TRAIN Bill. Layon ng batas na ito na itaas ang koleksyon ng pamahalaan ng mga buwis upang tustusan ang mga proyektong pang-imprastruktura at mga programang pang-edukasyon at pangkalusugan, habang babawasan naman ang buwis sa kita, o income tax, na binabayaran ng mga empleyado at mga manggagawa.
May iba’t ibang pagsusuri ukol sa panukalang batas na ito. May nagsasabing mabuti ang panukala sapagkat bababaan nito ang kinakaltas na buwis mula sa karamihan ng mga manggagawa at nagtatrabaho. Itataas pati ang halaga ng mga bonus at 13th month pay na magiging exempted sa pagbabayad ng buwis. Ang epekto ng mga ito ay tataas ang take-home pay ng maraming empleyado. Samantala, tataasan naman ang buwis sa mga produktong petrolyo at mga sasakyan sapagkat ang mga mas nakaririwasa ang gumagamit ng mga ito. Papatawan din ng mas mataas na buwis ang mga inuming may asukal tulad ng 3-in-1 na kape, softdrinks at iba pang matatamis na inumin dahil masama ang mga ito sa kalusugan at upang iwasan silang bilhin ng mga tao.
May nagsasabi namang ang panukalang batas ay laban sa mga mahihirap, o anti-poor, sapagkat ang ipapapataw na mataas na buwis sa gasolina at diesel ay tiyak na magpapataas ng pamasahe at ng halos lahat ng bilihin, kasama na ang pagkain. Ang mga mahihirap naman daw, lalo na ang mga magsasaka at mga mangingisda sa kanayunan, ay dati nang hindi nagbabayad ng income tax dahil mababa ang kanilang kita kaya hindi sila makakapakinabang sa mas mababang buwis, subalit sila ay tatamaan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Paliwanag naman ng pamahalaan, mayroon itong ibibigay na mga subsidiya para sa mga pinakamahihirap na mamamayan. Higit na makikinabang rin daw ang mga mahihirap dahil ang karagdagang buwis na makokolekta ay gugugulin sa edukasyon at kalusugan.
Mga Kapanalig, hindi madaling husgahan ang TRAIN Bill. Ngunit ang ating Simbahan ay nagbibigay ng ilang malinaw na pamantayan patungkol sa usapin ng pagbubuwis. Nakatuon sa kagalingang pangkalahatan, o common good, ang pagpapataw ng buwis at pampublikong paggastos kung natutupad ang tatlong pamantayan. Una, ang pagbabayad ng buwis ay isang tungkulin ng mga mamamayang inuudyukan ng pakikipagkaisa o solidarity. Ikalawa, dapat ay makatwiran at patas ang pagpapataw ng buwis. Ikatlo, may kawastuhan (o precision) at katapatan (o integrity) ang pangangasiwa at pamamahagi ng yaman ng bayan.
Mga Kapanalig, batay sa mga pamantayang ito, maaari nating itanong: Ang lahat bang may kakayahang mag-ambag sa ikauunlad ng sambayanan ay pinagbabayad ng buwis? Tila pasado sa tanong na ito ang panukalang batas. Gayunman, bagamat ang mga kumikita ng mas mababa sa ₱250,000 sa isang taon ay hindi pinagbabayad ng income tax, magbabayad pa rin naman sila ng mga value added tax o VAT sa kanilang mga binibili.
Ikalawang tanong: Pinagbabayad ba ng mas malaking buwis ang mga may higit na kakayahan? Sa tanong na ito, sinasabi ng mga ekspertong pabor ang bagong panukalang batas para sa mga mahihirap at middle class dahil mas magiging magaan ang buwis nila samantalang pareho lang o madadagdagan ang buwis ng mga mayayaman. Ang hindi pa matiyak sa ngayon ay kung ano ang magiging epekto ng mga bagong buwis sa presyo ng mga binibili ng mga mahihirap. Depende sa gaano kalaki ang pag-akyat ng presyo ng mga bilihin, maaring hindi ito magiging pabor sa kanila.
Panghuli, saan at paano gagastusin ang mga buwis na nakolekta? Kung totoong sa mga programang edukasyon at kalusugan ito mapupunta, totoong makikinabang nga ang mga kapatid nating mahihirap, kaya’t kailangan nating bantayan kung paano gagamitin ang mga nakolektang buwis.
Sumainyo ang katotohanan.