5,207 total views
Walang anumang batas na nagbabawal sa senado na magsagawa ng parallel investigation sa iniimbestigahan ng Mababang Kapulungan kaugnay sa extrajudicial killings na iniuugnay sa kampanya kontra droga ng nakalipas na administrasyong Duterte.
Ito ang sinabi ni House Committee on Dangerous Drugs chairman Rep. Robert Ace Barbers-na siya ring lead chair ng Quad Committee- o ang pinagsamang apat na komite ng Kamara na nagsasagawa ang imbestigasyon kaugnay sa illegal na POGO, kalakalan ng droga at EJK, sa panayam ng programang Veritas Pilipinas ng Radyo Veritas.
Ang reaksyon ng mambabatas ay kaugnay na rin sa pahayag ni Sen. Ronald Dela Rosa na magsasagawa rin ng motu-propio investigation sa senado sa parehong usapin.
“I guess naman pong reason to stop them from doing that, but ang punto kasi dito Monsi (Msgr. Pepe) parang gagawa ka ng isang investigation na ang inyong iimbestigahan ay sarili mo. Parang hindi yata akma, no.”
Paglilinaw pa ng mambabatas na bagama’t walang batas na humahadlang sa pagkakaroon ng parehong pagdinig, duda naman si Barbers na tila hindi naakma ang imbestigasyon, lalo’t kasama ang magkaalyadong sina Dela Rosa at Senator Christopher Go, gayundin ang dating Pangulong Duterte sa mga pangunahing isinasangkot sa EJK.
Sinabi rin ng mambabatas na makailang ulit na rin inimbitahan ng Quad Comm sina Dela Rosa, Go at Duterte-bagama’t tumanggi ang mga ito sa paanyaya ng joint panel.
Ayon kay Barbers, bagama’t iginagalang nila ang desisyon ng mga nabanggit ay hindi mabibigyan ng panig ang mga inaakusahan sa kanilang hindi pagdalo.
Binigyan diin pa ni mambabatas, na masusing pinakinggan at sinusuri ng joint panel ang mga testimonya at sinumpaang salaysay ng mga resource person o testigo, at hindi basta naniniwala sa mga sinasabi ng mga ito ng walang pinagbabasehan.
“Hindi naman po 100 percent na ating pinaniniwalaan ‘yan. Pinakikinggan po natin, but of course, kailangan pong mag-corroborate sa sinabi ng isang witness. Either to another testimony na mangggagaling sa isang witness na magbibigay din ng sinumpaang salaysay o di kaya ay documentary evidence para magpatunay na may katotohanan, yung mga nabanggit dito sa mga affidavit o sa mga sinumpaang salaysay na ito,” dagdag pa ng mambabatas.