Hinimok ng opisyal ng Vatican sa Pilipinas ang mga magkakatipan o magsing-irog na ipagdiwang ang ‘Valentines Day’ sa pamamagitan ng pagdalo ng misa.
Kaya’t hinihikayat ni Papal nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown, sa mga kabataan lalo na ang magkakasintahan na ipagdiwang ang Araw ng mga Puso sa simbahan.
Ayon sa opisyal ng Vatican, tulad ng magandang kaugalian ng mga Filipino sa pagdalo ng Simbang gabi ng mga Kabataan, isa rin itong magandang gawi bilang tradisyon sa kapistahan ng Roman martyr na si St. Valentine o araw ng mga puso.
“So, I think, I can say the same thing for Valentine’s Day, I think if you’re a Catholic boy whose interested in a Catholic girl…maybe invite her to come, to go to Mass for this one,” ayon kay Archbishop Brown.
Apat na araw makaraan ang Valentines Day- gugunitain naman ng mananampalata ang Ash Wednesday sa Feb. 18.
Ang Ash Wednesday- ay ang hudyat nang pagsisimula ng Kuwaresma o ang 40 araw na itinalaga ng simbahan bilang panahon ng panalangin, pagsisi at pag-aayuno.
Una na ring kinondena ng simbahan ang ilang proyekto ng pamahalaan kaugnay sa pamamahagi ng condom tuwing Valentines Day na taliwas sa katuruan ng simbahan sa kabanalan ng buhay at pakikipagtalik na para lamang sa mga mag-asawa.






