6,290 total views
Nananawagan sa pamahalaan ang Alyansa Tigil Mina na ihinto na ang mga mining project sa Pilipinas dahil pinapalala lamang nito ang pinsalang dala ng mga sakunang dumadaan sa bansa.
Ayon kay ATM national coordinator Jaybee Garganera, patuloy na lumalakas at dumadalas ang epekto ng mga bagyo sa bansa dahil sa climate change.
Iginiit ni Garganera na mas pinapalala ng pagmimina ang panganib, dahil ang pagkaubos ng kagubatan ay nagiging sanhi ng pagguho ng lupa at malawakang pagbaha, lalo na tuwing may malalakas na pag-ulan.
Ginawa ng grupo ang panawagan kasabay ng paggunita sa ika-11 anibersaryo ng pananalasa ng Bagyong Yolanda o Typhoon Haiyan, na nag-iwan ng matinding pinsala sa buhay ng milyon-milyong Pilipino.
“Government should rethink its policy of revitalizing the mining industry given the vulnerability of the Philippines to typhoons and heavy rainfall,” ayon kay Garganera.
Hinikayat din ni Garganera ang pamahalaan na higit na tutukan ang pagpapatupad sa climate change adaptation and mitigation.
Dagdag pa ng opisyal na bukod sa kahandaan sa mga sakuna, mahalaga ring ihinto ang mga gawaing nagpapalala sa epekto ng bagyo, tulad ng pagmimina.
“In particular, we should not only become better at disaster preparedness, we should also stop activities that make the impacts of typhoons even more disastrous,” saad ni Garganera.
November 8, 2013 nang nanalasa ang Super Typhoon Yolanda sa Eastern Visayas at mga karatig na lalawigan, na kumitil sa buhay ng mahigit 6,000 katao.
Una nang hiniling ni Caritas Philippines vice president, San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, sa mga mambabatas na unahin ang kapakanan ng kalikasan at mga pamayanang madalas na biktima ng mga sakuna, sa halip na pahintulutan at suportahan ang mga mapaminsalang industriya.