5,108 total views
Hinimok ni Cebu Archbishop Alberto Uy ang mga mananampalataya na isabuhay ang halimbawa ni San Pedro Calungsod, isang kabataang nanindigan sa pananampalataya at nag-alay ng buhay para sa Diyos.
Sa pagdiriwang ng kapistahan ni San Pedro Calungsod, ipinaalala ng arsobispo ang kabayanihan at katatagang ipinamalas ng batang santo na naglingkod bilang misyonerong katekista sa Marianas Islands.
“St. Pedro Calungsod reminds us that faith is not proven by words, but by courage. He was young, but brave. He was ordinary, but his love for God made him extraordinary,” ani Archbishop Uy.
Binigyang-diin ni Archbishop Uy na ang pagsunod kay Hesus ay hindi madali, sapagkat kaakibat nito ang mga sakripisyong dinanas mismo ni Kristo.
“Following Jesus today doesn’t always mean dying as a martyr. But it always means loving as He loved even when it hurts. Let us carry our crosses not with fear, but with love,” dagdag pa ng arsobispo.
Ayon sa kanya, ang pagiging Kristiyano ay nangangahulugang araw-araw na pagdadala ng sariling krus nang may pananampalataya at pag-ibig.
Partikular ding hinikayat ni Archbishop Uy ang mga kabataan na huwag ipagpaliban ang pagsunod kay Hesus sapagkat hindi nakabase sa edad ang kabanalan kundi sa katapatan ng puso sa paggawa ng mabuti.
“Even in your youth, you can already make a difference. Like Pedro, offer your life, your time, your talents to God,” paalala ng arsobispo.
Dagdag ng arsobispo, maaaring tularan si San Pedro Calungsod sa mga simpleng paraan tulad ng pagiging mabuti, magalang, mapagkawanggawa, at madasalin sa araw-araw na buhay.
Si San Pedro Calungsod ay ipinanganak sa Visayas at piniling iwan ang maginhawang buhay upang magmisyon kasama ni Fr. Diego Luis de San Vitores, isang paring Heswita. Sa kanilang misyon sa Guam, naglingkod siya sa mga katutubong Chamorro sa pamamagitan ng pagtuturo ng pananampalataya at pagtulong sa mga mahihirap at maysakit.
Noong Abril 2, 1672, habang nagbibinyag ng isang sanggol, pinaslang siya ng mga katutubong tumutol sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo.
Taong 2000 nang siya ay beatipikahan ni St. John Paul II, at noong Oktubre 21, 2012, ay ganap na naidagdag sa hanay ng mga banal sa pamamagitan ng canonization ni Pope Benedict XVI.
Itinuturing si San Pedro Calungsod bilang Patron ng Kabataan, ng mga Katulong sa Misyon, at ng mga Pilipinong Migrante.