540 total views
Ito ang naging saloobin ni Rev. Fr. Pete Montallana, lead convenor ng Sikap – Laya Incorporated, sa palpak pa ring serbisyong pabahay ng pamahalaan sa mga urban poor.
Nakikita ni Fr. Montallana na malaking suliranin pa rin na kinakaharap ng mga maralitang taga –probinsiya ay ang mababang pasahod sa kanila kaya’t nagpapatuloy ang kanilang pakikipagsapalaran sa Kamaynilaan dahil dito lamang nila nakikita ang pag – unlad.
“Treat the urban poor as human beings, hindi sila basura na pwede mong kunin na lang at pagkatapos itapon. Ang isa sa napakahalagang isyu diyan ay yung depressed wages ng mga manggagawa sa napakababang sahod paaano sila mabubuhay. Automatic hahanap talaga sila ng matitirhan kahit na sa ilalim ng tulay. Mamatay naman sila kung hindi sila hahanap ng matitirhan na napakamura ng upa at sa eskwater area yan nangyayari,” bahagi ng pahayag ni Fr. Montallana sa Radyo Veritas.
Naniniwala rin si Fr. Montalana na kung bibigyan lamang ng sapat na pabahay at in – city relocation ang mga maralitang taga – lunsod ay uunlad ang kanilang buhay sa siyudad.
“Ang daming pera ng pamahalaan bakit hindi sila magbigay ng good housing tulad ng ginagawa sa ibang bansa na maayos na pabahay. And when the poor ay nasa magandang kalagayan then sila mismo ang nagde – develop ng kanilang sarili. Hindi hayop ang mga iskwater, ang mga urban poor. Sila ay mga tao and they have the capacity,” giit ni Fr. Montallana sa Veritas Patrol.
Sa datus na inilabas ng Presidential Commission on the Urban umaabot pa rin sa mahigit 500 libo ang bilang ng mga informal settler na nangangailangan ng mahigit 5 milyong pabahay.
Samantala, nagpapatuloy naman ang pagbibigay serbisyo at atenyon ng Radyo Veritas upang magkaroon ng boses ang mga maralitang taga – lunsod sa gaganapin nitong Urban Poor Recollection in the Jubilee Year of Mercy na pangungunahan ni Caloocan Bishop Pablo Virgilo David, sa ika – 9 ng Abril taong kasalukuyan sa Nativity of the Lord Parish, Cubao na dadaluhan ng nasa 500 maralitang taga – lunsod.