16,511 total views
Sa araw na ito ng Kapistahan ng Sagrada Pamilya, atin ding inilulunsad Hubileo ng Pagasa. Idineklara ng Santo Papa ang taon 2025 bilang Hubileo na may temang “PEREGRINO NG PAGASA”.
Español ang salitang peregrino, kaya hindi ako kuntento sa salin na “manlalakbay.” Maraming klase ng manlalakbay depende sa layunin ng paglalakbay. Merong ang pakay ay simpleng turismo, meron namang negosyo ang sadya, merong naghahanap ng trabaho o ng ibang matitirhan. Ang “peregrino” ay ibang klaseng manlalakbay. Pamamanata ang kanyang layunin; kaya ang mungkahi kong translation ko ay “Namamanatang Manlalakbay ng Pagasa.” Ano ang ating panata? Ang mulat na pagpapatotoo sa buhay-pamilya, hindi lang bilang kapamilyang tao kundi bilang kapamilya ng Diyos, sa pamamagitan ng ating Panginoong HesuKristo. Ito ang ating panata ng pag-asa.
Hayaan nyong ibahagi ang aking sariling Tagalog translation ng Pahayag na Pastoral ng CBCP bilang pagninilay sa temang “NAMAMANATANG MANLALAKBAY NG PAG-ASA” sa okasyon ng paglulunsad ng Taong 2025 bilang hubileo ng pagasa.
Mayroong isang research firm na regular na nagsasagawa ng survey tungkol sa pag-asa at optimismo tuwing pagtatapos ng taon. Ayon sa huling survey nila, hindi daw bumababa ang pag-asa ng mga Pilipino para sa hinaharap sa 90% mula noong 2010, at higit sa 80% mula nang magsimula ang kanilang mga survey noong 2000. Kahit noong panahon ng pandemya, mataas pa rin daw ang ating score pagdating sa usapin tungkol sa pagasa: (93%). Bago magsimula ang taong 2024, 96% daw ng mga Pilipinong nasa hustong gulang ang nagpahayag ng pag-asa para sa mas magandang kalidad ng buhay sa darating na taon. Para bang likas sa ating mga Pilipino ang umasa kaysa magpatalo sa takot, ang magpakatatag kaysa sumuko sa pagkadismaya at kawalan ng pag-asa.
Maraming mga factors daw ang nakatutulong para mapanatili ang ganitong positibong pananaw. Ayon sa mga eksperto, isa sa mga pangunahing dahilan para sa ganitong disposisyon ng mga Pilipino ay ang malaking papel na dulot ng ating malakas na pananampalataya sa Diyos. Ang mataas daw na antas ng ating pag-asa ay may kinalaman sa ating matinding tiwala na “Habang may buhay, may pag-asa.” Sa kabila ng mga pagsubok at kapalpakan na ating kinakaharap, laging bukambibig natin ang paniniwalang, “May awa ang Diyos” o “Diyos na ang bahala.”
Para sa iba, maaaring ituring itong fatalistic o simpleng pagsuko sa kapalaran. Pero para sa marami, pagpapahayag ito ng tiwala na ang Diyos ang “nakapangyayari sa lahat.” Tila may isang matatag na pag-asang nananatili sa atin na hindi kayang sirain ng anumang sakuna o kalamidad na pwedeng harapin sa buhay.
Sa kabilang banda, alam din natin na hindi naman ito totoo para sa lahat. Marami rin ang mga kababayan nating hirap makahanap ng pag-asa. Maraming mga Pilipino ang namumuhay sa matinding klase ng kahirapan, o humaharap sa mga di-makataong kalagayan at matitinding mga karanasan ng pagdurusa. Sa konteksto ng tila walang katapusang paligsahan para sa kapangyarihan ng mga pulitiko, minsan naitatanong natin sa sarili kung saan na nga ba patungo ang ating bansa. Pwede pa bang magbago ang direksyon natin? Pwede pa ba tayong umusad-usad nang kaunti?
Aminin natin, dumadami ang mga kaso ng mga suliraning may kinalaman sa mental health sa ating lipunan. Mga senyales ito na hindi maayos ang lahat sa ating bansa. Ang madalas mangyari at kung minsan sunod-sunod pa na matitinding bagyo dahil na grabe kung makaperwisyo, mga kalamidad na tumama sa ating bansa ngayong taon, at pagkalugmok ng marami sa mga nasalanta sa kahirapan at hirap na makabangon muli sa kanilang mga buhay at tahanan. Ang mga unpredictable patterns sa pagbabago ng klima at panahon ay nagdudulot ng malaking pagkawasak sa ating mga komunidad. Ang mismong kalikasan ay parang dumadaing at humihingi ng tulong.
Madaling magpatangay sa tukso ng kawalan ng pag-asa at pagsuko. Kaya siguro minabuti ni Pope Francis na imungkahi para sa pagdiriwang natin ng Jubilee Year ng 2025,ang temang “Mga Peregrino o Manlalakbay ng Pag-asa.” Ang hamon nito sa atin ay ang maging matatag sa ating pananampalataya. Pinili ni Pope Francis ang temang ito upang muling maibalik ang klima ng pananalig at tiwala, upang pag-alabin ang apoy ng pag-asa na nasa atin, at tulungan ang bawat isa na makakuha ng bagong lakas ng loob at katiyakan habang nakatingin sa hinaharap nang may bukas na diwa, kapanatagan sa puso, at malayong abot-tanaw.
Hindi tayo binibigo ng pag-asa sapagkat, sabi nga ni San Pablo, nakaugat ito sa pag-ibig ng Diyos na ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu (cf. Roma 5:3-5).Pagibig ang pinag-uugatan ng ating pag-asa; umaada tayo sapagkat tayo’y minahal at patuloy na minamahal ng Diyos. Siya ang unang nagmahal sa atin (cf. 1 Jn 4:10). Ang kanyang walang-hanggang pag-ibig ang pinagmumulan ng ating walang-hanggang pag-asa. “Kung naniniwala tayong ang Diyos ay pag-ibig, hindi tayo mawawalan ng pag-asa.” Sabi pa ni San Pablo, Walang makapaghihiwalay sa atin mula sa pag-ibig ng Diyos, maging kamatayan, ang kasalukuyan, o mga darating na bagay (cf. Roma 8:39). Ito ang nagpapanatiling buhay sa ating pag-asa. Ito ang ating langis na mananatili hanggang sa pagdating ng Kasintahang Lalaki (cf. Mt 25:1-13).
Ayon kay Pope Benedict XVI, “Ang taong may pag-asa ay kakaiba kung mamuhay; ang taong may pag-asa ay tumanggap ng regalo ng bagong buhay” (Spe Salvi, 2). Ang paanyaya para sa bawat alagad ni Kristo ngayon ay magbigay patotoo sa pag-asa, maging kasangkapan ng pag-asa. Ang taong may pag-asa ay may kakaibang pananaw sa buhay at daigdig. Hindi niya tinitingnan ang kulang sa basong may kalahating laman. Ang meron ang nakikita niya. Umiinom siya mula sa bukal ng tubig na nagbibigay-buhay na siyang makakapawi sa uhaw ng sangkatauhan.
Mga Namamanatang Manlalakbay ng Pag-asa
Tayo ay mga manlalakbay ng pag-asa. Tayo ay tinatawag na magpatuloy nang sama-sama, sa diwa ng synodality. Gamit ang Final Document ng Synod on Synodality bilang ating gabay, sinisimulan natin ang pagtawid nang sama-sama sa kabilang ibayo (cf. Mc 4:35). Ang logo ng Jubilee Year ay nagpapakita ng bayan ng Diyos sa isang bangka, naglalayag sa maalon na dagat, na may krus bilang kanilang angkla.
Tinatawag tayo sa pagbabagong-loob ng ating mga ugnayan upang lumago tayo sa pagkakaibigan at pakikisama. Upang matuto tayong magtiwala at makinig sa isa’t isa.
Kapag pinalawak natin ang ating lambat, dapat tayong maging handa para sa masaganang huli. Panahon na upang ipagdiwang ang mga biyaya ng Espiritu Santo sa Simbahan at sa mundo. Ang Banal na Taon ng 2025 ay isang paggunita sa biyaya at kabutihan ng Diyos sa kanyang bayan.
Pagsasara
Bilang mga manlalakbay ng pag-asa, tayo ay isinugo upang hubugin ang isang sambayanan ng mga alagad na misyonero. Ang Ordinary Jubilee Year ng 2025 ay ang pinakamainam na pagkakataon upang simulan ang ating paghubog sa synodality sa ating mga basic ecclesial communities, parokya, at diyosesis. Sama-sama tayong maglakbay sa pag-asa. Sama-sama tayong maglakad sa pag-ibig.
Tulad ni Jesus na inihayag ang kanyang Jubilee sa sinagoga, na dala ang mabuting balita para sa mahihirap at kalayaan para sa mga bihag, nawa’y ang parehong Espiritu Santo ang magtulak sa atin upang mamuhay bilang isang Simbahang synodal na nasa misyon.
Nawa’y maging sambayanan tayo na nasa paglalakbay patungo sa kaganapan ng Kaharian ng Diyos. Nawa’y samahan tayo ng Mahal na Birheng Maria, Ina ng Simbahan, at dalhin tayo palapit kay Jesus, ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay.
Para sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines:
+Pablo Virgilio Cardinal David
Obispo ng Kalookan
Presidente ng CBCP
29 Disyembre 2024