112,468 total views
Mga Kapanalig, ngayon ay Rizal Day, ang araw kung kailan inialay ng ating pambansang bayani ang kanyang buhay para sa bayan. Sa araw na ito noong 1896, pinatay sa pamamagitan ng firing squad si Gat Jose Rizal sa Bagumbayan o mas kilala ngayon bilang Rizal Park. Pinatawan siya ng parusang kamatayan ng pamahalaang Kastila dahil sa mga kasong rebelyon, sedition o hayagang paghikayat sa mga taong mag-alsa, at conspiracy o pakikipagsabwatan para patalsikin ang mga nasa poder. Isa ang pagpatay sa kanya sa mga itinuturing na mitsa ng pagkalás ng mga Pilipino sa kontrol ng mga dayuhan.
Bilang pambansang bayani, maraming paraan ng pagkilala sa kanya. Ang kanyang larawan o portrait ay nasa baryang piso hanggang ngayon. Taóng 1949 nang unang ilagay ang mukha ni Jose Rizal sa ating pera; nasa dalawang pisong perang papel pa siya noon. Taóng 1969 naman nang ilagay siya sa pisong papel. Noong 1993, naging barya na ang piso, pero mukha pa rin ni Rizal ang nakalagay.
Pero sasapitin din kaya niya ang nangyari sa ibang bayani at dating presidente na ang mga mukha ay nakalagay sa mga perang papel hanggang sa inilabas kamakailan ang bagong disenyo ng mga ito?
Ang singkuwenta pesos, na dating may mukha ni Pangulong Sergio Osmeña, ang unang presidente mula sa Visayas, ay may imahe na ng Visayan leopard cat. Makikita naman sa bagong isandaang piso ang Palawan peacock-pheasant. Mukha ni dating Pangulong Manuel Roxas ang nasa lumang disenyo; siya naman ang unang presidente matapos lumaya ang Pilipinas sa pananakop ng mga Amerikano. Makikita naman sa bagong limandaang piso ang Visayan spotted deer. Wala na ang mga nakangiting mukha ng mag-asawang Benigno Aquino Jr at dating Pangulong Corzaon Aquino, mga itinuturing nating bayani ng demokrasyang tinatamasa natin ngayon.
Bago ang paglalabas ng mga disenyong ito, una nang pinalitan noong 2021 sa isanlibong piso ang mukha ng tatlong bayani noong panahon ng mga Hapon. Sila ay sina Jose Abad Santos, Vicente Lim, and Josefa Llanes Escoda. Ang inilagay ay ulo ng Philippine eagle. Hudyat iyon ng paggamit natin ng polymer bills na sinasabing mas matibay at mas malinis kumpara sa papel. Simula din iyon ng pagtatampok sa mga flora and fauna—o mga halaman at hayop—na sa Pilipinas lang matatagpuan.
Wala namang masamang itampok sa perang araw-araw nating ginagamit ang mga hayop at halaman, lalo na ang mga nanganganib nang mawala o threatened species. Ngunit huwag dapat itong magbunga sa unti-unti nating paglimot sa mahahalagang taong naging haligi ng ating bayan. Hindi dapat ito maging instrumento ng pagbubura sa kasaysayan na sa ngayon, sa totoo lang, ay wala na sa kamalayan ng marami sa atin, lalo na ng kabataan.
Kahit ang ating Santo Papa ay binibigyang-diin ang pagpapahalaga sa kasaysayan. Sa isang liham, sinabi ni Pope Francis na malaki ang papel ng mga historians o mananalaysay sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa mga pangyayari sa nakaraan. Ang kasaysayan—at idagdag natin ang katotohanan—ay pananggalang laban sa mga tao at grupong nagbabaluktot sa mga tunay na pangyayari para paboran ang kanilang interes at agenda. Ito naman ang nagiging ugat ng iba pang kasamaan sa lipunan.
Mga Kapanalig, maliit na bagay para sa iba ang pagbabago sa ating salapi, pero nakalulungkot isiping ang mga paalalang ito sa ating kasaysayan ay nawawala na sa paghakbang natin sa hinaharap. “Alalahanin ninyo ang mga taon na lumipas; isipin ninyo ang mga lumipas na henerasyon,” paalala sa atin sa Deuteronomio 32:7. Tandaan din natin ang mga sinabi ni Gat Jose Rizal: “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.”
Sumainyo ang katotohanan.