195 total views
Sinang-ayunan ni Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iñiguez ang planong pagpapatupad ng Liquor ban at smoking ban sa buong bansa.
Ayon sa Obispo, isa sa mga dapat mahalagang tutukan ng pamahalaan ang kalusugan ng kabataan upang matiyak ang pagkakaroon ng produktibong mamamayan.
“Yan yung isa sa pangangalaga ng ating pamahalaan sa kalusugan ng ating mga mamamayan, lalong lalo ng ating mga kabataan, alam naman natin na ang liquor at ang smoking ay nakapagdudulot ng pinsala sa kalusugan ng tao at nakakaadik ito. Kaya meron tayong mga regulasyon at sa aking palagay, ito ay isang magandang pamamaraan ng ating pamahalaan para mapangalagaan ang ating kalusugan.” Pahayag ng Obispo.
Kaugnay nito, sinang-ayunan rin ng CBCP Episcopal Commission on Youth ang Liquor ban at Smoking Ban na dapat sana’y noon pa mahigpit na ipinatupad.
Ayon kay ECY Executive Secretary Fr. Cunegundo Garganta, sa pamamagitan nito ay malalayo rin ang isip ng mga kabataan sa masasamang gawain at pagkakaroon ng bisyo.
Kaugnay dito, hinikayat ng pari ang mga kabataan na sa halip na magbisyo ay gugulin ang kanilang panahon sa makabuluhang mga bagay, tulad ng aktibong paglilingkod sa Simbahan.
“Dioceses under Episcopal Commission on Youth in terms of sharing program for young people, isa na rito yung karaniwang ginagawa ng mga Dioceses kapag bakasyon yung summer youth camp, and then tuloy-tuloy na mga activities sa mga Parokya, Leadership training, engaging young people to be involve in the life of the community. This way, maging positive at magamit yung creativity ng mga kabataan.” Pahayag ni Fr. Garganta sa Radyo Veritas.
Dahil dito, simula taong 2008 mahigpit nang nagpapatupad ng Smoking ban ang University of Santo Tomas, kung saan sa pagpasok pa lamang ng mga estudyante ay pinalalagda ito sa kasunduan na hindi ito maninigarilyo at gagamit ng mga bawal na droga.
Upang matiyak na nasusunod ang patakaran ay nagsasagawa ng surprise check up sa mga estudyante ang paaralan at sinumang magpositibo sa paninigarilyo at paggamit ng droga ay isasailalim sa counseling at masususpindi sa klase.
Samantala, sa tala ng Philippines Statistics Authority tinatayang 17.3 milyon sa populasyon ng mga Filipino ang naninigarilyo habang ayon sa World Health Organization nasa 3.3 milyon ang namatay noong 2012 sa buong mundo dahil sa pag-inom ng alak.