Nagtipon din ang ang Kabataan ng Diyosesis (KADA) sa Diocese ng Antipolo o bilang pakikiisa sa ginanap na pandaigdigang pagtitipon ng kabataan sa Lisbon, Portugal.
Nakibahagi rin si Antipolo Bishop Ruperto Santos sa pagtitipon ng mga kabataan sa diyosesis kung saan binigyang diin ng Obispo ang mahalagang tungkulin ng mga kabataan sa pagpapatuloy ng misyon ng Simbahan.
Ayon kay Bishop Santos, kinakailangan ng Simbahan ang mga kabataan bilang katuwang sa pagpapatuloy ng misyon ni Hesus at pagpapalaganap ng Salita ng Diyos sa daigdig.
Pagbabahagi ng Obispo, ang bawat kabataan ay may natatanging kagalingan at kabutihan na malaki ang maitutulong para sa mas epektibong pagpapalaganap ng ebanghelisasyon.
“Kailangan namin kayo. You are special, hindi ka hamak, hindi ka ordinaryo. Mayroon kayong natatanging kagandahan, kagalingan at kabutihan. You are important, you can always contribute to us. Your contribution will always be significant. I am needed. I am special. I am somebody.” Ang bahagi ng mensahe ni Bishop Santos.
Ginanap ang Local World Youth Day 2023 ng mga kabataan ng Diyosesis ng Antipolo sa Saint John Paul II Minor Seminary, Antipolo City noong August 5 kung saan 471-ang bilang ng mga kabataan na dumalo sa pagtitipon mula sa iba’t ibang parokya sa diyosesis.






