2,341 total views
Hinamon ni Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang mga pari ng suriin at pagnilayan ang sarili sa patuloy na pagganap ng tungkulin bilang pastol.
Ito ang mensahe ng arsobispo sa pagtapos ng limang araw na Northern Luzon Clergy Retreat na ginanap sa Our Lady of the Atonement Cathedral sa Baguio City.
Batid ni Archbishop Villegas na maraming hamon ang kinakaharap ng bawat pari sa paglilingkod sa pamayanan kaya’t mahalagang hilingin ang habag ng Panginoon.
“Please examine your souls, sins can wound us and they need God’s mercy but love can also wound us and we should say thanks be to God,” ayon kay Archbishop Villegas.
Tampok sa closing mass na pinangunahan ni Archbishop Villegas ang pagsariwa sa kanilang ordinasyon tulad ng laying of hands, prostration gayundin ang pagsisindi ng kandila bilang tanda ng liwanag ni Kristo.
Paalala ng arsobispo sa mga pari na dalhin ang liwanag ni Kristo sa pamayanan na magiging gabay sa mananampalataya.
“We are being sent to pierce the darkness, to spread the light, to dispel the darkness and the darkness that we dispel can only be cured by the light of Christ,” ani ng arsobispo.
Ayon naman kay Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao makahulugan ang pagbubuklod ng mga pari ng Northern Luzon sa pagpapaigting ng gawain sa pamayanang kristiyano.
“Gusto namin na mas makahulugan ang buhay paglilingkod at maging mas malalim kasama ang isa’t isa sapagkat naniniwala kami na hindi ka pwedeng lumago at lumawak bilang pari kung nag iisa you need your brother priests the community of God pray for you and supporting you,” saad ni Bishop Mangalinao.
Ito na ang ikalawang pagtitipon ng regional clergy na pinasimulan noong 2018 kung saan pinangunahan ni missionary priest Fr. Chris Alar, MIC ang pagbibigay ng panayam sa limang araw na pagtitipon.
Si Fr. Alar ang kasalukuyang Provincial Superior, Blessed Virgin Mary, Mother of Mercy Province sa Amerika at tanyag na may akda ng “Divine Mercy 101″ at”Explaining the Faith” DVD series gayudin sa mga aklat na After Suicide: There’s Hope for Them and for You, at Understanding Divine Mercy.