169 total views
Sumentro para sa kaligtasan ng mga residente sa Marawi City ang mensahe ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari sa paggunita ng Simbahang Katolika ng Pentecost Sunday.
Ayon sa Obispo, isang magandang pagkakataon upang ipagdasal ang mga apektado sa nangyayaring gulo sa Mindanao gayundin ang kapayapaan ng buong bansa bilang pag-alala sa kapistahan ng pagbaba ng Banal na Espirito upang manahan sa mga alagad ng Diyos.
“Ang Pentecost Sunday ay isang magandang pagkakataon upang sama-sama nating hingin ang katatagan na nanggagaling sa Espiritu sa mga sandali ng pagsubok lalo na sa ating mga kapatid na nasa Marawi. Nawa ang pagdiriwang na ito ay maging daan upang lubos nating madama ang napaka-alab na pagmamahal ng Diyos sa bawat isa atin,” pahayag ni Bishop Mallari.
Sinabi ni Bishop Mallari na hindi nag-iisa ang Marawi sa pagpasan sa krus dahil kaagapay nito ang buong simbahang Katolika na patuloy na mananalangin sa ikapapayapa ng lugar.
“Bigyan po Ninyo sila ng katatagan at tibay ng loob upang harapin ang mga sandaling ito ng buo ang kanilang pananampalataya sa Inyo. Sana po ang buong simabahan sa Pilipinas ay ipadama sa mga sandaling ito na hindi sila nag-iisa, na may kasama pa ring yumayakap sa napakatinding krus na binubuhat nila,” ang bahagi ng panalangin ng Obispo.
Sa ulat ng Armed Forces of the Philippines, umabot na sa 175 ang bilang ng mga nasawi sa bakbakan ng pwersa ng gobyerno at terrorist group na Maute sa Marawi City na nagsimula noong ika-23 ng Mayo.
Patuloy namang nananawagan ang Kanyang Kabanalan Francisco sa bawat isa na sa halip magaway-away ay pairalin ang pagkakaisa at pagmamahalan katulad ng itinuro ng ating Panginoong Hesukristo.
Samantala, buhay ang Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Ito ang iniwang mensahe ng 2017 Pentecost Sunday celebration na pinangunahan ng Archdiocesan Catholic Charismatic Renewal Ministries (ACCRM) ng Archdiocese of Metro Manila sa Cuneta Astrodome noong ika-3 ng Hunyo.
Ayon ka ACCRM Director Fr. Hans Magdurulang, magandang pagkakataon ang pagdiriwang ng Linggo ng Pentekostes o ang pagbaba ng Espiritu Santo sa sangkatauhan upang pairalin ang kapayapaan sa gitna ng digmaan at gulo na nararanasan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Kasama sa pagdiriwang natin kahit may sayawan, kantahan at hiyawan tayo ay hindi nawawala ang intensyon natin para sa kapayapaan lalo na Mindanao at dito sa Maynila. Ito ang nais ipaalala ng simbahan ngayon na kailangan natin ng Espiritu Santo, ang Espiritu Santo na magbibigay sa atin ng lakas at pag-asa na patuloy tayong maniwala sa kapangyarihan ng Panginoon,” pahayag ni Fr. Magdurulang.
Hinamon din ng pari ang bawat mananampalataya na maging daluyan ng kapayapaan at patuloy na hingin ang paggabay ng banal na espiritu upang matamo ang isang bansang namamayani ang pagmamahalan.
Dinaluhan ang pagtitipon ng libu-libong miyembro ng mga charismatic groups sa kalakhang Maynila kung saan nagbigay ng spiritual talks sina Fr. Magdurulang at Fr. Arlo Yap habang pinangunahan naman ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani.