434 total views
Mga Kapanalig, bago matapos ang buwan ng Agosto, kumalat sa social media ang video ng isang lalaking binatukan at kinasahan ng baril ang isang walang kalaban-labang siklista. Hindi malinaw kung ano ang tunay na kuwento sa likod ng naturang video, ngunit sinasabing nagkainitan sila habang ang armadong lalaki ay nakaparada sa mismong bike lane na dapat dinadaanan ng mga nakabisikleta.
Ang nakapagtataka, mismong Quezon City Police District pa ang nagpatawag ng press conference upang ibigay ng lalaking may baril ang kanyang panig sa nangyari. Lumabas na retiradong pulis si Wilfredo Gonzales, ibig sabihin, tumatanggap na siya ng pensyong pinag-ambagan ng mga mamamayang nagbabayad ng buwis, kabilang na ang lalaking minura, sinaktan, at tinakot niya. Sa naturang presscon, nagmakaawa ang dating pulis sa mga nagpapakalat ng video na isipin ang kanyang mga anak at kapamilya. Hindi rin siya humingi ng tawad sa siklista; aniya, nagkasundo na silang dalawa matapos ang insidente.1
Parang ganito rin ang nangyari noong nasagasaan at ginulungan pa ng isang lalaking nagngangalang Jose Antonio Sanvicente ang isang security guard na nagmamando ng trapiko malapit sa isang mall sa Mandaluyong. Nangyari ang hit-and-run noong Hunyo ng nakaraang taon pa. Ngunit matapos ang sampung araw na paghahanap sa suspek, nagpakita siya sa mga pulis kasama ang kanyang mga magulang at abugado, indikasyong may sinasabi sila sa buhay, ‘ika nga. Hindi siya ikinulong dahil lumipas na raw ang panahong maaari itong gawin ng mga pulis; sa halip, binigyan siya ng PNP ng kalahating oras na presscon upang magpaliwanag din.2 Nitong nakaraang buwan lang din, na-dismiss ang kasong frustrated homicide laban kay Sanvicente matapos makipagkasundo sa biktimang guwardya at magbigay sa kanya ng financial assistance habang hindi siya nakapagtatrabaho.3
Hindi ba sumasagi sa inyong isip, mga Kapanalig, kung bakit tila nagiging instrumento pa ang institusyong nagpapatupad ng ating mga batas ng paglilinis sa pangalan ng mga nagkakasala. Para silang nag-aabugado para sa mga sadyang nanagasa at mga malalakas ang loob na manakot. Binibigyan nila sila pagkakataong ipaliwanag ang kanilang sarili sa harap ng media.
Pero kapag mahihirap na suspek ang nahuhuli, ganito rin ba ang kanilang ginagawa? Ang mga nahuhuling suspek sa paggamit o pagtutulak ng droga o ang mga hinuhuling sumasali sa mga protesta, halimbawa, ay ibinabalandra pa sa harap ng media na para bang mga target ng pambabato ng publiko. Mistula silang mga Pariseo sa Juan 8 kung saan dinala nila sa harap ni Hesus ang isang babaeng nahuli sa pangangalunya at hinamon ang Panginoong parusahan ang nagkasala.
Walang perpektong institusyon. Kahit tayo sa Simbahan, hindi laging naisasabuhay ang tawag na maging patas, na walang dapat pinapaboran o pinagtatakpan. At dahil ang mga institusyon ay binubuo at pinatatakbo ng mga tao, laging lantad ang mga ito sa mga bagay na maglilihis sa kanilang layunin at sasalungat sa pagganap nila ng kanilang tungkulin. Sa Pilipinas, ang impluwensya ng mga itinuturing na nakatataas sa lipunan ang tila ba nagtatakda ng magiging kilos ng maraming institusyon. Ang mga may koneksyon ay nalilinis ang kanilang pangalan at, kung minsan, tuluyang nakatatakas sa kanilang pananagutan.
Hindi nawawala ang hamon sa mga nagpapatakbo ng ating mga institusyon, lalo na sa pamahalaan, na maging tapat at patas. Kung sasangguni pa tayo sa mga panlipunang turo ng Santa Iglesia, mauunawaan nating nasusukat ang bawat institusyon kung ito ba ay nagbabanta o nagpapataas sa buhay at dignidad ng tao, kung itinataguyod ba nito ang katarungan at kabutihang panlahat sa pamamagitan ng hindi pagpabor sa mga may kapangyarihan at impluwensya.4
Mga Kapanalig, darating pa kaya ang panahong hindi impluwensya at koneksyon ang nagsasalita sa tuwing may mga nang-aagrabyado at naaagrabyado?
Sumainyo ang katotohanan.