25,615 total views
Mga Kapanalig, narinig na ba ninyo ang salitang “gaslighting”?
Ang gaslighting ay isang uri ng sikolohikal na manipulasyon kung saan ipinalalabas ng isang tao na mali ang iyong alaala, paniniwala, o nararamdaman. Ang layunin nito ay pasukuin ka at pilitin kang magduda sa sarili mong katotohanan o katinuan.
Madalas itong gamitin ng mga tao sa mga relasyon, trabaho, o maging sa pulitika. Paano? Halimbawa, hayagang itatanggi nila ang isang bagay na malinaw na sinabi o ginawa nila. Sasabihin nila, “Hindi ko sinabi ‘yan,” o “Gawa-gawa mo lang ‘yan.” Gaslighting din ang pagbaluktot ng katotohanan. Babaguhin nila ang kuwento para palabasin na ikaw ang may kasalanan. Porma rin ng gaslighting ang pagbabalewala sa iyong nararamdaman. Sasabihan ka na “masyadong madrama” o “nasisiraan ka na ng ulo.”
Natunghayan natin kamakailan ang gaslighting sa pagpapatuloy ng impeachment trial kay Vice President Sara Duterte. Nakatuon ang mga naunang araw ng pagdinig sa isa sa apat na articles of impeachment—ang pagbabanta niya sa buhay nina Pangulong Bongbong Marcos, Jr., first lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez. Napanood muli ng taumbayan ang video recording ng virtual press conference ni VP Sara kung saan sinambit niya ang mga salitang hindi natin inaasahan sa isang nasa mataas na katungkulan sa gobyerno. Umalingawngaw na naman ang malulutong na pagmumura ng bise presidente, sabay sabing may kinausap na siyang hitman na papatay sa tatlo kapag siya ay pinatay. “No joke,” pagdidiin pa niya.
Tumestigo ang mga taga-NBI para patunayang hindi peke at hindi binago ang video clip ni VP Sara. Nagpakita rin ang prosekusyon ng mga opisyal na dokumento mula sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at National Security Council para patunayang naging seryoso ang banta kaya nagdulot ito ng agarang pagbabago sa security protocols para sa kaligtasan ng pangulo at ng kanyang pamilya. Iginiit ng prosekusyon na sapat ang video para patunayan ang tatlong elemento ng grave threats: may intensyong pumatay (dahil may kinausap na siyang hitman bago ang presscon), may kapasidad siyang gawin ito, at may pagkakataon (kung siya ay mapapatay).
Pero sa halip na itanggi o ituwid ang kanyang sinabi sa presscon na iyon, iginiit ni VP Sara na ang impeachment complaint laban sa kanya ay walang matibay na ebidensya. Pinuna niya ang paulit-ulit daw na pagpapalabas na meron daw siyang binitawang banta gayong wala naman daw. Imbento lang daw ang assassin para bumuo ng isang false narrative o pekeng kuwento ang mga nagsusulong ng alegasyong ito. “The rule of law,” saad ng bise presidente, “depends on facts, not fiction.”
Hala, namamalikmata ba tayo sa napanood nating presscon? Hindi ba siya ang nagsasalita doon? Mali ba ang dinig nating may kinausap siyang papatay sa presidente kapag siya ay pinatay? Hindi ba siya mismo ang nagsabing hindi biro ang kanyang mga sinabi?
Obligasyon ng mga namumuno sa atin na magsabi lagi ng totoo. Ang kanilang mga ipinahahayag sa publiko ay hindi dapat nagdudulot ng panloloko at pagkalito. Hindi dapat nito binabaluktot ang realidad. Hindi dapat ito nagiging daan para makatakas sa pananagutan o accountability. Mahihirapan ang taumbayan na gampanan ang kanilang tungkulin kung ipinagkakait ng mga lider ang katotohanan o kapag binabago nila ang kasaysayan. Matinding kasalanan ito, mula sa pananaw ng ating Simbahan, dahil sinisira nito ang lipunan.
Mga Kapanalig, sabi nga sa 2 Corinto 13:8, “para sa katotohanan lamang ang maaari [nating] gawin at hindi laban sa katotohanan.” Ang gaslighting ay laban sa katotohanan, at hindi ito dapat ginagawa ng mga taong dapat nagsisilbing ehemplo sa mga mamamayan. Kaya ang tanong: pagkakatiwalaan ba nating maging lider ang mga mahilig sa gaslighting?
Sumainyo ang katotohanan.




