2,087 total views
Mga Kapanalig, upgraded na daw ang Pilipinas!
Ayon sa World Bank, ang Pilipinas ay isa nang upper-middle income country. Ibig sabihin, lumampas na ang ating gross national income per capita sa batayan ng World Bank na US$4,636 para matawag na upper-middle income country. Ang gross national income per capita ay tumutukoy sa kabuuang kita ng ating bansa—kasama ang kita ng mga Pilipino sa labas ng bansa—kapag hinati sa ating populasyon. Noong 2025, tinatayang nasa US$4,850 ang gross national income per capita natin. Batay sa klasipikasyong ito ng World Bank, kahilera na natin ang China, Malaysia, Thailand, Indonesia, at Vietnam.
Ramdam n’yo ba ito, mga Kapanalig?
Para kay Pangulong Bongbong Marcos, Jr. maituturing itong “milestone” o yugto na bunga ng paglago ng ating ekonomiya. Kinukumpirma raw nito na epektibo ang mga pang-ekonomiyang patakarang isinusulong at ipinatutupad ng kanyang administrasyon nitong nakalipas na apat na taon. Maghihikayat daw ang pagiging upper-middle income country natin sa mas maraming investors na lilikha naman ng mga trabaho at magpapasok ng pera sa bulsa ng mga Pilipino.
Gayunpaman, maraming Pilipino ang kibit-balikat lang sa balitang ito. Kung hindi man sakto lang, kulang pa rin ang kinikita ng karamihan ng mga Pilipino para tustusan ang kanilang mga pangangailangan. Ayon sa IBON Foundation, maraming Pilipino ang patuloy na nagdurusa sa ekonomiyang iilan lang ang mayaman samantalang napakarami ang naghihirap. Ang pagiging upper-middle income country daw natin ay pinakabagong tanda na malayo ang pamahalaan sa tunay na karanasan at realidad ng mga ordinaryong Pilipino. Kung may kinukumpirma man ang ating pagiging upper-middle income country, ito raw ay ang lumalalang hindi pagkakapantay-pantay sa bansa.
Paliwanag naman ng Philippine Institute for Development Studies, ang pagiging upper-middle income country ay hindi sukatan ng yaman ng bawat Pilipino. Palatandaan daw ito na lumalakas ang ekonomiya ng bansa, pero hindi ibig sabihing umaangat na ang buhay ng lahat ng Pilipino. Ang pagiging upper-middle income country ay klasipikasyon lamang ng bansa, hindi sukatan ng pagyaman ng mga mamamayan. Kailangan daw ng matatag na pamamahala, mahusay na edukasyon, at maraming trabahong nakabubuhay ng pamilya para tunay na madama ng maraming Pilipino ang pag-unlad.
Itinuturing ng mga turo ng Simbahan ang kahirapan bilang usapin ng katarungan. Anuman ang anyo at epekto ng kahirapan, ito ay bunga ng hindi pantay na paglago ng mga tao at ng pagsasantabi sa pantay na dignidad ng mga tao. ‘Ika nga ni St. John Chrysostom, ang hindi pagbabahagi ng yaman ay pagnanakaw sa mga dukha. Sa madaling salita, ang paglago ng iilan sa gitna ng kahirapan ng maraming tao ay salamin ng kawalang-katarungan sa lipunan. Ginagawang imposible ng kahirapan ang ganap na pag-unlad ng mga tao at komunidad, kaya huwad ang kaunlaran kung marami ang naghihirap at nabubuhay nang walang dignidad.
Sa pag-akyat natin bilang upper-middle income country, dapat kilalanin, lalo na ng gobyerno, na malayo pa lalakbayin natin tungo sa tunay na kaunlaran. Kung tumataas ang kabuuang kita ng ating bansa, saan o kanino ito napupunta? Anong mga patakaran ang dapat ipatupad ng pamahalaan para iangat ang buhay ng bawat Pilipino? Sinu-sino ba kumokontrol at nakikinabang sa ating ekonomiya? Ang tunay na paglago ay walang iniiwan. Ang tunay na paglago ay nakikita sa maayos na pabahay, sapat na pagkain, dekalidad na edukasyon, maayos na imprastraktura, abot-kayang pagpapaospital, matatag na kabuhayan, at sapat na proteksyon mula sa epekto ng mga kalamidad.
Mga Kapanalig, katulad ng ipinaalala sa Mga Awit 140:12, papanigan ng Diyos ang mahihirap upang isanggalang at papanatilihin ang katarungan. Nawa’y maging daan ang upgrade natin bilang isang upper-middle income country tungo sa isang bansang tunay na maunlad at makatarungan.
Sumainyo ang katotohanan.




