549 total views
Hindi dapat pinaglalaruan ang kalagayan ng mga dukha.
Ito ang binigyang diin ni incoming Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President Kalookan Bishop Pablo Virgilio David kaugnay sa kumalat na fake news na ‘no vaccine, no ayuda’ na nagdulot ng pagdagsa ng mamamayan sa mga vaccination centers sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Sa Pastoral Visit On-Air ni Bishop David sa Radio Veritas ay iginiit nito na isang kasalanan na dapat pagsisihan ang pagkalat ng maling impormasyon na ‘no vaccine, no ayuda’ na dahilan ng pagsugod sa mga vaccination sites ng mamamayan isang araw bago ang muling implementasyon ng Enhanced Community Quarantine sa National Capital Region.
“May nangyari na finake yung mga tao sinabihan sila na ‘no vaccine, no ayuda’ nabalitaan niyo ba yun? Ang lupit naman nung mga pranksters na ganyan, gusto kong ipaalam sa sinuman na gumawa nun na napakalaki ng kasalanan na ginawa ninyo, pagsisihan naman ninyo, hindi pinaglalaruan ang kalagayan ng mga dukha,” ang bahagi ng pahayag ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa Radio Veritas.
Iginiit ng Obispo na hindi katanggap-tanggap at maituturing na napakalupit ng epekto ng naturang fake news na nagdulot sa libo-libong mamamayan na magsiksikan sa mga vaccination centers upang makapagpabakuna.
“Can you imagine parang libo-libong mga tao na nagpunta doon sa mga vaccination centers na dahil sa sinabihan sila na ‘no vaccine, no ayuda’. Ngayon naglabas ng statement ang DOH na nagsasabing ‘peke yun, wala kaming nilabas na ganyang balita’ at ganun din daw ang sinasabi ng IATF, ang lupit naman ng magbibiro ng ganyan,” dagdag pa ni Bishop David.
Ipinaliwanag ni Bishop David na mahalagang unawain ang sitwasyon ng mga dukha na nakasalalay sa araw-araw na paghahanapbuhay ang pagkakaroon ng pagkain sa hapag na higit na maaapektuhan sa muling paghihigpit ng quarantine restriction bilang pag-iingat sa pagkalat ng Delta variant ng COVID-19 virus.
“Lagi ko ngang sinasabi, unawain naman po ninyo ang mga dukha, yung mga daily wage earners, yung mga tipong hand to mouth existence o isang kahig, isang tuka ibig sabihin kapag hindi kumahig hindi tutuka anong gusto niyo gutumin ang mga tao,” apela ni Bishop David.
Kasunod ng naging pagdagsa sa mga vaccination centers sa iba’t ibang syudad sa Metro Manila bago ang implementasyon ng ECQ sa National Capital Region ay muling nagpaalala ang Department of Health sa publiko na huwag maniwala sa mga fake news.
Samantala batay naman sa Department of Labor and Employment Advisory No.03 Series of 2021, maaring hikayatain ng mga employer ang kanilang mga empleyado na magpabakuna, ngunit ang isang empleyado na ayaw pang magpabakuna o kaya ay hindi pa nababakunahan ay hindi dapat makaranas ng diskriminasyon.