495 total views
Naniniwala si Archdiocese of Manila Commission on Youth Director Father Jade Licuanan na ang kawalan ng koneksiyon sa pamilya ang ugat ng mga problemang kinakaharap ng kabataan sa kasalukuyang panahon.
Ayon sa pari, mahalaga ang pagkakaroon ng isang buong pamilya sapagkat dito nagsisimula ang paghubog ng relasyon ng isang bata sa kanyang mga magulang.
Ngunit, inihayag ni Father Licuanan na nagiging suliranin ang mga kabataan kapag hindi nila nararanasan ang pagmamahal na dapat unang ipinararamdam ng kanyang mahal sa buhay.
“Ang isa talaga sa mga ugat ng problema ng kabataan ay ‘yung pamilya, d’yan nagsisimula lahat. Kapag medyo broken families, separated ang mga parents, minsan hindi naman separated kundi nagkataon lang na naghanap- buhay sa ibang lugar, malayo- in terms of supervision ay nagiging vulnerable talaga yung bata at hahanap siya ng pagmumulan ng alaga at baka yun nga, yung kinakatakutan natin siyempre na sa iba kunin yung kalinga at pagmamahal na hinahanap nila,” pahayag ni Fr. Licuanan.
Aminado rin ang pari na malaki rin ang impluwensiya ng media sa buhay ng mga kabataan kaya kailangan ng tamang paggabay dahil hindi lahat ng nakikita o napapanood ay tama at dapat gayahin.
Sa isang pag-aaral na ginawa sa United Kingdom noong 2008, lumalabas na ang mga kabataan mula sa broken families ay ang pinakanakakaranas ng depresyon, nagtatagalay ng mga katangiang agresibo at anti-social na nadadala nila sa paaralan at pang-araw-araw na buhay.
Una nang ipinaalala ni Pope Francis sa kanyang mensahe sa 2017 World Youth Day na kahit gaano pa man kaliit ang isang tao, kung kikilanin naman nito ang kadikalaan ng Panginoon ay makakagawa siya ng malalaking bagay na maghahatid ng pagbabago sa lipunan.