253 total views
Hindi dapat ipinagsasawalang bahala ng mga Filipino ang mga pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga kababaihan.
Ito ang pahayag ni Fr. Atilano Fajardo, head ng Public Affairs Ministry ng Archdiocese of Manila makaraan sampahan ng kaso si Senator Vicente Sotto III sa Senate Committee on Ethics dahil sa hindi magandang sinabi sa ‘single parents’ sa isang pagdinig sa Commission on Appointments.
Ayon kay Fajardo, mas maraming hindi tamang pahayag ang Pangulong Rodrigo Duterte laban sa kababaihan kaysa sa Senador subalit walang nanindigan sa pagkakamaling ito.
“Parang di ka rin nagsalita doon, parang ipinakita mo lang na magkaiba ang pagtingin mo, tulad ng hustisya na sinasabi natin. Hindi nila kakalabanin yung mas malakas. Kakalabanin ‘yung mas mahina,” ayon kay Fr. Fajardo sa panayam ng Radio Veritas.
Kilala ang pangulong Duterte sa pagmumura maging sa mga pampublikong pagtitipon at mga di kanais-nais na pahayag laban sa kababaihan.
Iginiit ng pari na ang mali ay mali sinuman ang gumawa nito. “Tawag natin diyan, double standard, selective kitang-kita ito. Naging, yung kawalng panggalang. Kasi the mere fact na tinotolerate natin kasama tayo sa problema na, pag di ka gumalaw hindi ka nagsalita ibig sabihin payag ka,” ayon kay Fr. Fajardo.
Sa isang pahayag ni Pope Francis, binigyan diin nito ang kahalagahan ng kababaihan na katangi-tanging biyaya ng Panginoon na itinugma sa lalaki.
Ipinaliwanag ng Santo Papa wala ni isa sa dalawa ang mas may kapangyarihan dahil ang babae at lalaki ay nilikha na magkatugma sa bawat isa.
Mula sa 100 milyong populasyon ng bansa, may 50 porsiyento dito ang bilang ng mga kababaihan, at 50 porsiyento rin sa labor force ay mula sa hanay ng mga babae.