248 total views
Tiniyak ng Philippine National Police National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) ang seguridad para sa pagsisimula ng banal na buwan ng Ramadan lalo na sa Quiapo kung saan naganap ang dalawang magkahiwalay na pagsabog.
Ayon kay PNP-NCRPO Director Chief Superintendent Oscar Albayalde, mahigit 100-PNP augmentation force ang itinalaga sa Quiapo upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga Filipino-Muslim para sa buong buwan ng Ramadan.
Magsisimula sa ika-27 ng Mayo ang Banal na Buwan ng Ramandan at magtatapos sa ika-25 ng Hunyo kung saan sa loob ng 30-araw ay mag-aayuno ang mga Muslim mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority o PSA noong 2011, may limang pangunahing relihiyon sa bansa kung saan tinatayang 82.9 na porsiyento ng kabuuang populasyon ng Pilipinas ang mga Katoliko habang nasa 4.6 na porsiyento naman ang mga Muslim.
Kaugnay nito, una nang nagpahayag ng pakikiisa ang Simbahang Katolika sa mga Muslim para sa Banal na Buwan ng Ramadan na panahon ng pagsisisi, pagninilay at panahon ng panalangin ng mga Muslim.