649 total views
Nanindigan si Overseas Filipino Workers (OFW) Movement Incorporated Vice President for External Affairs Rashid Fabricante na hindi ang paglaki ng OFW remittances ang dapat bantayan bagkus kung saan ito napupunta at sino ang nakikinabang dito.
Sa ulat na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas, naitala noong buwan ng Marso 2017 ang pinakamataas na OFW remittance na umabot sa $2.91 bilyong dolyar, mas malaki ng 11.8-porsiyento kumpara sa $2.60 bilyong dolyar noong March 2016.
Iginiit ni Fabricante na nararapat na pamilya ng mga OFW ang pangunahing benepisaryo ng pera at hindi dapat gamitin na pambayad sa utang ng pamahalaan.
“Yung pagtaas hindi naman nakakagulat eh, dapat expected ‘yan. Ang masama, sa impact ng pagtaas ng remittances na ‘yan, in the long run anong pakinabang namin. Dapat it [remittances] should redound to the benefit of the OFW family and their communities. Kung mapupunta lang naman yan sa pambayad ng utang, iikut-ikutin lang sa mga bangko rito, anong mangyayari ?” pahayag ni Fabricante.
Sinabi ni Fabricante na dapat maging prayoridad ng gobyerno ang pagtitiyak sa kaligtasan ng mga itinuturing na bagong bayani ng bayan gayundin ang kanilang pamilya.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority, umabot sa 2.4 milyon ang bilang ng mga OFW sa buong mundo noong Abril hanggang Setyembre 2015 kung saan 24.7-porsiyento ay nasa Saudi Arabia.
Una nang pinuri ng Kanyang Kabanalan Francisco ang pagsusumikap at kontribusyon ng mga OFW sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa bagamat may pagkakataon na naisasantabi sila ng lipunan