7,135 total views
Dalawang taon matapos ang oil spill sa Verde Island Passage (VIP), muling nanawagan ang mga apektadong mangingisda sa International Oil Pollution Compensation Funds (IOPC) para sa katarungan at sapat na kompensasyon.
Ayon kay Protect VIP lead convenor, Fr. Edu Gariguez, hindi pa rin nakakamit ng mga mangingisda ang katarungan matapos mawalan ng kabuhayan dahil sa oil spill.
“The several thousand received by some may indeed serve as reprieve, but is not enough to cover the full extent of damage – including lingering economic and ecological burdens – brought by the oil spill. Two years is already long overdue,” pahayag ni Fr. Gariguez.
Magugunita noong ika-28 ng Pebrero, 2023, nang lumubog ang Motor Tanker (MT) Princess Empress lulan ang 900-libong litro ng langis sa baybayin ng Naujan, Oriental Mindoro.
Ang nasabing oil tanker ay pagmamay-ari ng RDC Reield Marine Services, Inc, at inupahan ng isang subsidiary ng San Miguel Corporation.
Samantala, batay sa resulta ng naging pagsusuri ng Center for Energy, Ecology, and Development (CEED) noong 2024, hindi pumasa sa water quality guidelines ng Department of Environment and Natural Resources ang mga marine protected areas (MPAs) sa VIP dahil sa mataas na antas ng langis at grasa sa tubig.
Sinabi ni CEED Research and Policy Deputy Head Ivan Andres, nananatiling mataas ang posibilidad na kontaminado pa rin ang MPAs ng langis at grasa dahil sa kakulangan ng pangmatagalang rehabilitasyon at mahigpit na mga panuntunan laban sa marine pollution.
Aniya, ang MPAs ay tahanan ng pinakamalaking konsentrasyon ng marine species at nagsisilbing breeding grounds ng iba’t ibang yamang-dagat.
“Lingering effects of the oil spill may continue to put marine life and the ecosystem integrity of the VIP at risk,” ayon kay Andres.
Binabalak naman ng CEED, Protect VIP, at mga apektadong mangingisda na magsampa ng karagdagang kaso upang tiyaking makakamit ang katarungan para sa mga apektadong komunidad at sa VIP.
Tinatayang mahigit sa 41-bilyong piso ang halaga ng pinsalang iniwan ng oil spill sa sektor ng ekonomiya at kalikasan.
Panawagan ni Fr. Gariguez sa IOPC, at mga kumpanyang sangkot sa trahedya, na dinggin ang hinaing at ibigay ang nararapat na bayad sa iniwang pinsala para sa mga lubhang apektadong mangingisda.
Tinagurian ang VIP bilang “center of the center of marine shore fish biodiversity” dahil dito matatagpuan ang nasa halos 60-porsyento ng iba’t ibang marine species sa buong mundo.