403 total views
Naninindigan ang mga Obispo ng Simbahang Katolika na mali ang pamamaraan at hindi makatarungan ang kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga at krimen.
Aminado si CBCP-Episcopal Commission on Mission Sorsogon Bishop Arturo Bastes na napapanahon ang kampanya ng gobyerno ngunit mali ang pamamaraan at prosesong ipinapatupad ng mga otoridad.
Ayon kay Bishop Bastes, sa halip na masugpo ay lalo pang lumaganap ang krimen, karahasan at paglabag sa karapatang pantao sa bansa.
“Only God can take away the life of a human being and now almost everyday people are being killed, like life is just cheap and that is not in accordance to the law of God’s mercy so it’s very very important for us really to think about that it’s really a wrong policy to simply kill and kill to rid people of crime, no more crimes are being done because of this killings,” pahayag ni Bishop Bastes sa panayam sa Radyo Veritas.
Inihayag ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity na sa kabila ng magandang layunin ng pamahalaan na tuluyang sugpuin ang illegal na droga sa bansa ay hindi naman nito matutumbasan ang buhay ng nasa 4 na libong biktima ng Extra Judicial Killings.
Nilinaw ng Obispo na hindi magiging tunay na makatarungan ang War on Drugs ng pamahalaan hangga’t patuloy ang paggamit ng dahas at pagpaslang sa mga hinihinalang sangkot sa kalakan ng ipinagbabawal na gamot.
“Tungkol naman sa War on Drugs, ang masama dito yung pagpapatay ng mga tao ng walang proper judiciary process, dapat sugpuin natin ang droga ngunit pati yung pamamaraan dapat ay makatarungan hindi yung sa pamamagitan ng dahas, hindi sa pamamagitan ng mga suspicion, hindi sa pamamagitan ng pagpatay sapagkat alam natin hindi makatarungan yan. Isipin nalang natin yung pamilya ng mahigit 4,000 na mga pinatay, yung mga trauma na dinadala sa mga tao, kasi wala naman talagang justice na nangyari, hindi justice yan, yan ay extra judicial killings,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radio Veritas.
Batay sa pinakuhuling tala ng Philippine National Police nitong ika-15 ng Nobyembre 2016, umaabot na sa 4,882 ang bilang ng mga napapatay sa War on Drugs ng pamahalaan mula noong buwan ng Hulyo. Sa nasabing bilang, 1,881 ang namatay sa operasyon ng mga pulis habang nasa 3,001 naman ang maituturing na bahagi ng Extra Judicial Killings. Nasasaad sa Article III Bill of Rights, Section 1 ng Saligang Batas na hindi dapat alisan ng buhay, kalayaan, o ari-arian ang sinumang tao nang hindi kaparaanan ng batas, ni pagkaitan ang sinuman ng pantay na pangangalaga nito.