1,052 total views
Ang panahon ng Kuwaresma ang isang magandang pagkakataon at opurtunidad upang muling mapalapit sa Diyos.
Ito ang panawagan ni Diocese of Sorsogon Bishop Arturo Bastes – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Mission sa bawat mananampalataya bilang paghahanda sa Semana Santa.
Ayon sa Obispo, isang magandang opurtunidad ang Kuwaresma upang mas mapalalim pa ang pananampalataya at personal na relasyon sa Panginoon sa pamamagitan ng pananalangin sa harap ng Banal na Sakramento at taimtim na pagrorosaryo.
Bukod dito, binigyang diin rin ni Bishop Bastes na isa rin itong pagkakataon upang muling maibalik ang magandang tradisyon ng pamilyang Pilipino na sama-samang pananalangin tuwing alas-sais ng gabi.
“First prayer, be close to God, take some time to adore the Blessed Sacrament, take some time to pray the rosary silently and especially a family prayer, let us go back to the beautiful tradition of the Filipinos that every 6 o’clock in the evening the whole family is gathered in prayer, it is very important…” pahayag ni Bishop Bastes sa panayam sa Radio Veritas.
Samantala, bukod sa pagpapalalim ng pananampalataya sa Panginoon ay una na ring ipinaalala ni Nueva Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona, National Director ng CBCP NASSA / Caritas Philippines na ang kuwaresma ay panahon ng pag-aayuno at pagtulong sa mga nangangailangan lalo na ang mga dukha at mga biktima ng iba’t ibang trahedya.
Read: http://www.veritas846.ph/pagtulong-sa-mga-nangangailangan-diwa-ng-kuwaresma/
Kabilang na sa mga pangunahing programa ng Simbahan tuwing Kwaresma ang Alay Kapwa na nagsisilbing pondo para sa pagtulong sa mga biktima ng ibat-ibang sakuna at kalamidad.
At ang Fast to Feed Program ng Hapag-Asa Feeding Program ng Pondo ng Pinoy na kumakalinga at tumutugon sa malnourished at nagugutom na mga kabataan na tinatayang aabot na sa higit 1.5-milyong kabataan ang natulungan mula ng ilunsad noong 2005.