238 total views
Nanawagan si Diocese of Cubao Bishop Honesto Ongtioco kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag lamang mga pulis at sundalo ang taasahan ng sahod kundi lahat ng mga manggagawa.
Ayon kay Bishop Ongtioco, nararapat na bigyan rin ng umento ang mga ordinaryong manggagawa na halos nabibigatan sa taas na ipinatong na buwis sa kanilang buwanang sahod na kararampot na lamang ang kanilang naiiuuwi sa kanilang pamilya.
“Hindi lang sa akin sa pulis ang sinasabi kong itaas ang sweldo lahat ng manggagawa kung maaari bigyan ng umento karagdagan. Because what people earned today is not enough. So ako I beyond the police I think also of the poor, the other employees na malaking tax tapos yung take home pay nila maliit na lang,” bahagi ng pahayag ni Bishop Ongtioco sa panayam ng Veritas Patrol.
Naniniwala rin ang obispo na kung magiging sapat lamang ang sweldo ng bawat manggagawa ay hindi na magigipit ang bawat pamilya sa kanilang mga pang – araw – araw na pangangailangan.
“Yung mga manggagawa hindi lang teachers kundi lahat. Kung tutuusin mo what they earn because of high taxes is not enough, so para akin yung pagtaas yung pagkukunan wala para makatulong. Dahil kapag sapat ang sahod ng tao he can work better, he can be more efficient,” giit pa ni Bishop Ongtioco sa Radyo Veritas.
Nakapagtala naman ang Trade Union Congress of the Philippines o TUCP ngayong 2016 na mahigit 67.1 milyon na ang bilang ng mga manggagawang Pilipino sa buong bansa na umaasa sa pagpapababa ng buwis at pagtataas ng kanilang buwang sahod.
Nauna na ring binanggit ng kanyang Kabanalan Francisco sa United Nations na mahalagang kilalanin ng estado ang pangangailangan ng mga manggagawa na siyang katuwang nito tungo sa kaunlaran.