3,191 total views
Nagpapasalamat si Lung Center of the Philippines Chaplain Fr. Almar Roman, MI sa lahat ng nakiisa sa paggunita kay St. Therese of Lisieux na siyang patrona ng institusyon.
Ayon kay Fr. Roman, kapansin-pansin ang kagalakan ng mga kawani at opisyal ng LCP dahil makalipas ang ilang taon ay muling nakapagsagawa ng banal na Misa at pagtitipon ang ospital para kay Sta. Teresita.
Magugunitang pansamantalang ipinagpaliban ang mga pagtitipon sa nagdaang tatlong taon dahil sa pag-iral ng coronavirus pandemic.
“Nakita ko ‘yung saya, ‘yung excitement ng mga empleyado na magdiwang ng piyesta… Nakita ko ‘yung excitement, pananabik ng tao sa Eukaristiya—sa presensya ng Panginoon sa banal na Misa. Dahil po dito, mas nakita ko rin ‘yung pananalig nila sa Diyos, ‘yung pamimintuho nila kay St. Therese. ‘Yung nine days nilang pagno-novena naging active, participative,” pahayag ni Fr. Roman sa panayam ng Radio Veritas.
Tagubilin naman ni Fr. Roman sa mga mananampalataya na katulad ni Sta. Teresita, ang bawat isa nawa’y mamuhay nang payak, at isinasabuhay ang pag-ibig at kabanalan bilang pagtalima sa kalooban ng Panginoon.
“Matuto tayong magmahal, umibig sa lahat ng ating ginagawa; at patuloy tayong magpakabuti at maging banal sa lahat ng ating kilos at ginagawa upang mas mapapurihan at maparangalan natin ang Panginoon,” ayon kay Fr. Roman.
Namayapa si St. Therese of the Child Jesus sa edad na 24 na taong gulang noong ika-30 ng Setyembre, 1897 sanhi ng tuberculosis.
Taong 1925 naman nang ideklara siya ni Pope Pius XI bilang banal dahil sa kanyang payak na buhay-pananampalataya, at itinuring na patron ng mga may sakit sa baga.