13,774 total views
Umaapela sa simbahan si Independent Health Reform Advocate Dr. Tony Leachon na hikayatin ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na higit pang bigyang-pansin ang kapakanan ng taumbayan.
Sa liham, nananawagan si Leachon kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na gamitin ang tinig upang maipabatid sa pamahalaan ang tunay na kalagayan at pangangailangang pangkalusugan ng mga bulnerableng mamamayan.
Ang apela ni Leachon ay kaugnay sa pagpapabalik ng higit-P89 billion labis na pondo ng Philippine Health Insurance (PhilHealth) sa Bureau of Treasury.
Sinabi ni Leachon na ang boses ng simbahan ay makapangyarihan at may kakayahang ipagtanggol ang mga nasa laylayan ng lipunan.
“The Church has always been a powerful voice for the voiceless, a defender of the marginalized, and a protector of the weak… We must urge our leaders, especially President Ferdinand Marcos, Jr., to reconsider this decision and return the funds to PhilHealth, where they rightfully belong,” apela ni Leachon.
Bagamat may dahilan ang pamahalaan sa pagpapabalik ng labis na pondo para magamit sa iba pang programa, nangangamba si Leachon na maaari itong magdulot ng alalahanin lalo na sa kalusugan ng mamamayan.
Magugunita noong 2019 nang ipatupad ang Universal Health Care (UHC) Law na layong matulungang mapagaan ang pasanin ng taumbayan, lalo na ang mga mahihirap, sa pagkuha at pagtanggap ng serbisyong pangkalusugan.
Ipinaliwanag ni Leachon, na dating independent director ng PhilHealth, na nakapaloob sa UHC Law ang pagpapabuti at paglalaan ng sapat at wastong pondo sa state health insurer upang tiyak na matulungan ang mga miyembro nito.
“Diverting these resources away from their intended purpose undermines the very essence of the UHC Law and place an unbearable burden on those who are already struggling,” giit ni Leachon.
Umaasa ang health advocate na sa pamamagitan ng CBCP ay maliwanagan ang mga nasa katungkulan sa mga dapat higit na pagtuunan para sa ikabubuti ng pamumuhay ng mamamayang Pilipino.
“It is my hope that with your support, we can remind our leaders of the moral obligation we have to protect and uplift the lives of our fellow Filipinos,” panawagan ni Leachon kay Bishop David.