2,230 total views
Nanawagan ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na higit na pagtuunan at ipadama ang pagmamahal sa mga may karamdaman tulad ng Tuberculosis o TB.
Ito’y ayon kay Camillian Father Dan Cancino, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Health Care, sa ginanap na Misa para sa paggunita sa World TB Day sa St. Therese of Lisieux Chapel sa Lung Center of the Philippines, Quezon City.
Sinabi ni Fr. Cancino na madalas na dahilan ng diskriminasyon ang TB sapagkat ito’y maaaring mapasa sa pamamagitan ng mga gamit o pagkain ng pasyenteng mayroon nito.
“Let’s fight TB to end TB. Hanapin natin ‘yung mga kaso para matapos na ang problema ng TB… ‘Yung mga nagwagi laban sa TB, ‘yung mga pamilya na hanggang ngayon nadidiscriminate, pinag-iisipan na marumi, natatakot lumabas, walang access sa treatment, ang totoo nyan ito ‘yung mga kinakaharap natin,” bahagi ng pagninilay ni Fr. Cancino.
Hamon naman ng opisyal sa pamahalaan na lumikha ng mga programa na makakatulong upang higit na maunawaan ng publiko ang impormasyon hinggil sa sakit na TB gayundin ang pagpapagaan sa mga gastusin sa pagpapagamot ng karamdaman.
Hinimok din ni Fr. Cancino ang bawat isa na ipanalangin at mahalin ang mga may ganitong uri ng karamdaman sapagkat makakatulong ito para sa kanilang agarang paggaling.
“Ipagdasal natin ang mga may TB at mga nangangalaga sa kanila. Ipagdasal natin ang ating gobyerno at sama-samang effort ng iba’t ibang sektor ng lipunan para hanapin ang may TB, wakasan ang TB,” ayon kay Fr. Cancino.
Ginugunita ang World TB Day tuwing ika-24 ng Marso ng bawat taon upang bigyang-kamalayan ang publiko sa epekto ng sakit hindi lamang sa kalusugan kundi maging sa lipunan at ekonomiya.
Ika-24 ng Marso, 1882 nang madiskubre ni Dr. Robert Koch ang bacteria na sanhi ng TB, na naging daan din upang masuri at makalikha ng lunas sa karamdaman.
Si St. Therese of the Child Jesus naman ang itinuturing na patron ng mga may Tuberculosis, na naging dahilan ng kanyang kamatayan noong 1897 sa edad na 24.