14,306 total views
Nilinaw ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide o PISTON na sang-ayon ito sa jeepney modernization ngunit dapat hindi ito mag-aangkat sa mga dayuhang bansa.
Ayon kay PISTON National President Mody Floranda sa halip na mag-angkat ng mga bagong jeep dapat suportahan ng pamahalaan ang mga gumagawa sa Pilipinas para makatulong sa ekonomiya.
“Kami po sa PISTON ay hindi tutol sa balangkas ng modernization, ang nilalaban po namin bakit hindi yung sariling local industry na gumagawa ng mga jeep ang tulungan ng pamahalaan. Kung tayo po ay aangkat ng aangkat ng modernized mini bus hindi po ang ating ekonomiya ang pinapaunlad kundi yung ekonomiya ng mga dayuhan at malalaking bansa,” pahayag ni Floranda sa Radio Veritas
Giit ni Florando mas makatutulong sa hanapbuhay ng mga Pilipino ang pagsuporta sa lokal na gumagawa ng jeep gayundin mapanatili ang kasalukuyang porma ng traditional jeepney na bahagi ng kultura sa bansa.
Panawagan ng PISTON sa pamahalaan lalo na sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na linawin ang franchising guidelines sa pagpatupad ng modernization program.
Hindi naman lumahok sa tigil pasada ang Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) sa katwirang makadadagdag lamang ito sa pasanin ng mga pasahero gayong pagpapabuti sa sektor ng transportasyon ang pinag-uusapan.
Ayon kay LTOP President Lando Marquez dapat magtulungan ang mga tsuper at pasahero na ipanawagan sa pamahalaan ang pagpapabuti sa pampublikong transportasyon sa kapakinabangan ng mamamayan.
Batay sa datos nasa 200-libong traditional jeep ang apektado ng modernization program o katumbas sa 40 porsyento sa kabuuang bilang ng mga sasakyang pangunahing ginagamit ng mga Pilipino.