402 total views
Nakahanda ang lokal na pamahalaan ng Alfonso, Cavite para sa mga magsisilikas na residente mula sa Laurel, Batangas na apektado ng pagliligalig ng Bulkang Taal.
Ayon kay Alfonso Local Disaster Risk Reduction and Management Office Assistant Margaret Credo, magmula nang itaas sa Alert level 3 ang Bulkang Taal ay agad nang naghanda ang LGU para sa mga magsisilikas na residente sakaling lumala ang sitwasyon ng bulkan.
Nakatakdang kupkupin ng Alfonso LGU ang mga residente mula sa Poblacion 3, 4, at 5 ng bayan ng Laurel.
“Sa ngayon, upon declaring Alert Level 3, ang Incident Management Team ay naka-alert na… Ang ica-cater lang ng Alfonso ay from Poblacion 3, 4, at 5 ng Laurel. As of now, wala pa tayong evacuees kase hindi pa din pinapa-evacuate ‘yung mga taga-Poblacion,” bahagi ng pahayag ni Credo sa panayam ng Radio Veritas.
Paliwanag ni Credo na sa oras na magsilikas na ang mga apektadong residente, kinakailangan muna ng mga ito na sumailalim sa swab testing at mag-negatibo ang resulta bago dalhin sa mga nakatalagang evacuation centers.
Sakaling may magpositibo sa mga evacuees, ang asymptomatic patient ay ililipat sa Oplan Kalinga sa Hacienda Isabella sa Indang, Cavite; habang ang symptomatic patient naman ay dadalhin sa Carmona, Cavite o sa Regional Isolation Facility sa Laguna.
“Meron [nang] mga nakaduty (rescuers) sa pick-up point natin which is ‘yung Montevideo de Tagaytay, tsaka sa swabbing Area natin sa Pansin Elementary School. Meron tayong walong (8) schools na evacuation centers (EC) na mag-cater ng 150 individuals, tapos ‘yung evacuation center sa [Barangay] Buck Estate ay 200 individuals. Bago sila dalhin sa designated ECs nila ay dapat negative ang swab nila,” ayon kay Credo.
Dagdag pa ni Credo na sa mga evacuation centers ay mayroon na ring mga nakahandang kagamitan para sa mga evacuees.
“Meron na ding naka-prepare na mga gamit nila, like hygiene kits, sleeping gears, at gamit sa kitchen. Kasi bawat EC, may designated kitchen na pwede nilang gamitin sa pagluluto,” saad ni Credo.
Samantala, sinimulan nang abisuhan ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC) ang mga kinatawan at miyembro ng Unified Schools in the Archdiocese of Lipa (USAL), gayundin ang Lipa Diocesan Catholic Schools Association (LIDICSA) at mga administrador ng katolikong mga paaralan.
Ito’y upang makapaglaan ng angkop at ligtas na silid-kanlungan para sa mga magsisilikas na residente, lalo’t kaakibat din ng panganib na dala ng aktibidad ng Bulkang Taal ay ang banta naman ng COVID-19.
Patuloy namang humihiling ng tulong at panalangin ang Arkidiyosesis ng Lipa para sa kaligtasan ng buong lalawigan ng Batangas, lalung-lalo na ang mga residenteng lubhang apektado ng pagliligalig ng bulkan.