7,853 total views
Hinikayat ni Father Anton CT Pascual – Executive Director ng Caritas Manila ang mamamayan na lumabas sa mga ‘comfort zone’ o mga nakagawiang ginhawa sa buhay upang makita at matulungan ang mga nangangailangan.
Ito ang mensahe ng Pari na siya ring Pangulo ng Radio Veritas sa paggunita ng International Day of Charity tuwing September 05 upang mahimok ang mas marami na isabuhay ang diwa pagkakawanggawa.
“Sa ngalan ng Panginoon at ng ating Santa Iglesia, tayo ay nagpapasalamat sa araw na ito na idineklara ng United Nations na International Day of Charity, ang pagmamagandang loob po natin sa ating panahon, talento at yaman upang makatulong tayo sa mga nangangailangan, lalung-lalu na sa ating bansa sa mga biktima ng kalamidad, gawa ng kalikasan, gawa ng tao,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Pascual.
Ayon pa sa Pari, mabisang pagpapakita din ng kawangawa ang pagkakapatiran upang patuloy na mapabuti ang buhay ng mga mahihirap.
Panalangin ni Fr.Anton na patuloy pang isabuhay ng mamamayan ang pagtulong sa kapwa sa pamamagitan pakikipag-kawanggawa o pakikipag-ugnayan sa mga Charity Organizations katulad ng Caritas Manila.
“Naway ang araw na ito, ang International Day of Charity ay magbigay ng inspirasyon sa bawat isa na lumabas po tayo sa ating mga comfort zones magmalasakit, makilahok, makialam sa mga problema ng ating kapitbahayan bilang tanda ng pagiging kristiyano,” ayon pa sa panayam kay Fr.Pascual.
Patuloy ding pinapalakas ng Caritas Manila ang Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP para sa mga mahihirap na scholars, disaster at livelihood program gayundin ang feeding program para sa mga mahihirap na pamilya.