190 total views
Nagsalita na ang isang madre ng Simbahang Katolika na naging viral sa social media partikular sa Facebook dahil sa kasama nito sa isang larawan ang convicted drug lord na si Herbert ‘Ampang’ Colangco sa loob ng NBP o New Bilibid Prison. Ayon kay Sr. Zeny Cabrera, Caritas Manila Restorative Justice Ministry coordinator ng Archdiocese of Manila, bilang isang taga Simbahan at taga-sunod ni Kristo na hindi namimili ng mga taong kanyang sasamahan at makakasalamuha, ganito ang naging papel niya sa buhay ni Colangco.
“Hindi ba tayo ang followers ni Jesus, dapat tanungin natin sa sarili natin are we truly following him on what he did here on earth nung kasama natin siya, hindi ba siya kasa-kasama na-identify sa kung sino-sinong tao kasama na ang mga sinners, sa palagay ko yung ginagawa natin hindi man tayo karapat-dapat pero yung efforts natin na maging katulad niya, ni Jesus hindi siya namili ng mga tao, at hindi niya sinabi na sa mayayaman o Professional o may alam ako makikisama, ang ginawa niya nakisalamuha siya sa lahat sa mga nangangailangan sa kanya,” pahayag ni Sr. Cabrera sa panayam ng programang Barangay Simbayanan sa Radyo Veritas.
Sinabi ng madre na ang larawan ay kuha nang magbigay ang Ministry ng ‘Certificate of Recognition’ sa mga bilanggong nagpakita ng pagbabagong buhay base na rin sa paghihikayat ng gobyerno upang mapaikli ang taon ng kanilang sentensiya.
“Itong issue ng Facebook, hindi kami gumagamit ng Facebook, but we do update ourselves, I was informed, na nasa FB daw ako at katabi ko si Colangco, that time if I may recall may hawak ako ng certificate of recognition not for me but for this people na nangangailangan ng certificate or their good conduct time allowance, because they were encourage even by administration kapag gusto ninyong makalaya at mabawasan ang inyong numero ng pagtigil sa loob, ipakita ninyong kaya ninyong tulungan ang sarili ninyo that you can do good for the community and for othe people, sila sumusunod sa programa ng reformation ng rehabilitation na ginagawa naming,” ayon pa sa madre.
Sinabi ng madre na hindi niya ipinagtatanggol si Colangco o sinumang nasa bilangguan kundi ang nais lamang nila ay ihatid sa lahat lalo na sa mga makasalanan na ang awa ng Diyos ay para sa lahat.
“Hindi ko pinagtatanggol si Colangco at ang mga makasalanan o mga bilanggo, ang sinusunduan namin ang pagkilos ni Kristo, ng Diyos ng awa na tinatanggap nila sa kanilang buhay. Walang exclusivity ang awa ng Diyos, ang awa ng Diyos ay para sa lahat, it is not exclusive, it is inclusive, sabi nga ni Cardinal Tagle sa kanyang talk sa PCNE3 ang ating Panginoon ay Diyos ng awa at para sa lahat hindi namimili, so walang basehan para husgahan sila, makita natin ang kasamaan nila pero lumulutang at nangingibabaw ang kilos ng Diyos sa kanila…If they come to us naturally they will like to be identify with us, kasi mga madre kami, nakabelo sugo kami ng Simbahan, we did what we did what we think is right and what we believe in, I’m affected by that, di kami basta pumapasok ng nagdadala ng programa, ang programa namin ay programa ng buhay para sa lahat para sa kanila,” ayon pa kay Sr. Cabrera.
Kaugnay nito, ayon kay Sr. Cabrera, kinakailangang bigyan ng pagkakataong magbagong buhay ang mga bilanggo gaano man kabigat ang kanilang kasalanan gaya ng pagsentensiya na lamang sa kanila ng ‘Reclusion Perpetua’ sa halip na isalang sa capital punishment na death penalty na nais ibalik ng bagong administrasyon.
Ayon sa madre, hindi man mabigyan ng pagkakataon ng tao at ng lipunan na magbagong buhay ang mga kriminal gaya ni Colangco, nariyan naman ang Diyos na handang tumugon na mabigyan ng kabutihang loob ang mga ito.
“Anong gagawin natin sa mga durugusta, sa mga durg lord, hindi ako naniniwala na dapat na lamang sila pagpapatayin, the death penalty is no for us at ano ang alternative, it may be Reclusion Perpetua pwede siya ikulong, pero yung pagkulong, dun kumikilos ang pagkilos ng Diyos sa kanilang buhay, di sila kinakailangan pakawalan, pero pwede kumilos ang Diyos sa kanilang buhay, pwedeng baguhin ang misyon ng kanilang pamumuhay, at doon kami tumutugon ang Simbahan na katulad ni Hesus binibigyan kami ng courage na makatulong sa kanila, so nang tinanggap ni Colangco, who is this person, sabi nila siya ay ganito ganyan, pero If they discover that in the heart of this person ay may ipinunlang kabutihan ang Diyos sa kanyang puso,” ayon pa sa madre.
Sinabi pa ni Sr. Cabrera kundi man makalaya ang mga makasalanan gaya ng mga bilanggo mula sa pagkakakulong, makakalaya naman sila sa kasalanan at ito ang pag-asang nakikita sa kanila.
“Kung nagbigay kami ng certificate of recognition, that will be an added point to their good conduct time allowance and this people kahit na wala ng pag-asa, but they hope against hope, at kung di sila makalaya mula sa loob ng kulungan at least makalaya sila sa kasalanan, yun ang nakikita naming pag-asa, may pag-asa sa kanila, well maaring sa tao sa society wala silang pag-asa, pero ang Diyos ay Diyos ng lahat ng mabubuti at ng makasalanan, ang araw sumisisikat hindi lamang nasa labas, may araw at langit din sa Muntinlupa,” pahayag ni Sr. Cabrera.
Si Colangco ay nasangkot sa mga bank robberies at sindikato ng droga sa Metro Manila at nasa maximum security compound ng NBP simula 2009.
Sinasabing habang nakakulong si Colangco, binibigyan ito ng VIP treatment dahil na rin sa kaniyang koneksyon sa loob at labas ng kulungan.