203 total views
Pinag–iingat ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant Peoples (CBCP – ECMI) ang mga Pilipinong nagbabalak na mag-apply ng trabahho sa ibang bansa sa mga nag – aalok ng trabaho online.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, dapat maging mapanuri ang naghahanap ng trabaho sa abroad dahil naglipana ngayon ang mga nag-aalok ng trabaho sa mga five star hotels sa Canada gamit ang social media maging sa e-mail.
Paliwanag pa ng obispo, hindi dinadaan ng mga lehitimo at malalaking kumpanya sa internet ang recruitment at lagi itong nakaabiso sa Philippine Overseas Employment Administration o P-O-E-A.
“Una sa lahat dapat ang ating mga OFW ay maging maingat at mapanuri sa pag–aaply ng mga trabaho sa ibang bansa at lalo na yung mga offer na nakikita nila sa internet o yung mga offer na referral. Dapat nilang suriin na ito ba ay accredited ng POEA at sa POEA ay may listahan ng blacklisted,” panawagan ng Obispo.
Pinayuhan rin ni Bishop Santos ang mga nag-aapply sa recruitment agencies na naniningil ng mga fee at pini-perahan lamang ang mga aplikante.
“Ikalawa, kapag humihingi kaagad ng fee o babayaran ito ay isa na namang pagkakataon na dapat sila ay kabahan at mag – alinlangan na kung ito ay tunay. Sapagkat ang karamihan ng galing sa POEA ay wala ng mga fee, walang referral at recruitment fee. At lahat ay dumadaan sa legal na paraan na sa POEA na mismo na daraan,” giit pa ni Bishop Santos sa Veritas Patrol.
Nabatid na noong 2014 umabot sa 63 recruitment agencies ang kinansela ang permit ng POEA dahil sa maanolamayang lisensya ng mga ito.
Nauna rito, binanggit ng CBCP –ECMI na umaabot ng 5,000 hanggang 6,000 na hired OFWs ang umaalis ng airport kada araw.