17,008 total views
Inaanyayahan ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang bawat mananampalataya na samantalahin ang panahon ng Kuwaresma sa pagbabalik-loob sa Panginoon.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action Justice and Peace, ang panahon ng Kuwaresma ay isang pagkakataon upang magsisi, magbago at magbalik loob sa Panginoon.
Paliwanag ni Bishop Bagaforo na siya pangulo ng Caritas Philippines, mahalagang maunawaan ng bawat isa ang kahalagahan ng contrition, conversion, at configuration ngayong panahon ng Kwaresma na pagsisisi sa mga nagawang kasalanan, pagsusumikap na magbago at iwasan ang paggawa ng mga kasalanan, at ang muling pagsunod sa mga turo at gawi ni Hesus.
“As we begin the season of lent let us be reminded of the triple C – contrition, conversion, and at the end configuration. To regain, to reclaim and to be what God originally wanted us to be in the image and in the likeness of Him who created all of us.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo.
Pagbabahagi ng Obispo, nawa ay samantalahin ng bawat isa ang panahon ng Kwaresma upang suriin ang sarili at pagnilayan ang mga nagawang desisyon at hakbang sa buhay na dahilan upang mapalayo sa landas ng Panginoon.
Giit ni Bishop Bagaforo, mahalagang gamiting pagkakataon ng bawat isa ang panahon ng Kuwaresma upang makapagbagong buhay at muling mapalapit sa Panginoon na hindi kailanman inabandona ang sinuman sa kabila ng mga nagawang kasalanan sa buhay.
Ayon kay Bishop Bagaforo, “Lent is a call for us for a change of heart, to return to God, to live in His grace, it is a call for us to reclaim what we have lost life in Christ, life with God and God living in us, that is what we have lost because of our sins. To reclaim it, to regain it, let us once again resolve to ourselves that we will receive Christ Jesus the Son of God in the Holy Mass, every day that we receive holy communion it is making ourselves once again configured into the original image and purpose why God created us from the very beginning to know Him, to love Him, and to be with Him.”
Ang panahon ng Kuwaresma na nagsisimula tuwing Ash Wednesday o Miercoles De Ceniza ay ang apatnapung araw na paghahanda ng Simbahan sa pagggunita ng pagpapakasakit, kamatayan at muling pagkabuhay ng Panginoon o nalalapit na Mahal na Araw at Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus matapos ang kanyang pagpapakasakit sa Krus para sa kaligtasan ng sangkatauhan.