56,173 total views
Mga Kapanalig, naaalala pa ba ninyo ang isang public school teacher noon na inaresto ng National Bureau of Investigation (o NBI) dahil sa isang social media post tungkol kay dating Pangulong Duterte?
Pabiro kasi siyang nag-alok ng 50 milyong piso para sa sinumang makapapatay sa dating pangulo. Walong araw lamang matapos ang post na iyon, iniharap siya ng NBI sa media. Nakaluhod na umiiyak siyang humingi ng paumanhin sa dating presidente. Gusto lang daw niyang mapansin. Hinuli siya ng kinauukulan dahil seryosong banta raw iyon sa buhay ng pangulo. Ayaw ng ating gobyernong madagdagan ang problema nito dahil kasagsagan iyon ng pandemya at nagkukumahog tayong maghanap ng bakuna laban sa COVID-19. Sinampahan ng kaso ang guro ng kaso dahil nilabag niya ang Cybercrime Prevention Act at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials.
Hindi roon natapos ang mga nag-post ng kanilang pabirong pag-aalok ng pabuya sa mga makapapatay kay Pangulong Duterte. Isang araw pagkatapos ng post ng public school teacher, isang construction worker naman ang nag-post sa Facebook. Nag-alok naman siya ng 100 milyong piso. Kinabukasan, isang taga-Cebu naman ang may ganito ring post; 75 milyong piso naman daw ang ibibigay niyang pabuya. Katulad ng public school teacher, sinampahan din sila ng kasong inciting to sedition o pagbibitiw ng mga salitang sumisira o nagbabanta laban sa pamahalaan o mga opisyal nito.
Pero mukhang pilî lamang ang mga sinasampulan, ‘ika nga, ng ating awtoridad.
Ang pangalawang pinakamataas na opisyal sa ating gobyerno ngayon, si Vice President Sara Duterte, ay hindi man lang nakatikim ng paninita ng ating awtoridad matapos pagbantaan ang buhay ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. Sa isang virtual press conference, sinabi ni VP Sara na may kinontrata na siyang papatay sa pangulo—pati na rin kina First Lady Liza Araneta at House Speaker Martin Romualdez—kung siya ay papatayin. “No joke,” sabi mismo ni VP Sara. Sineryoso naman ito—at dapat lamang—ng administrasyon at tinawag na “active threat” ang mga sinabi ng bise-presidente.
Sinubukang bawiin ni VP Sara ang mga binitawan niyang salita. Aniya, hindi raw iyon pagbabanta sa buhay ni PBBM at ng kanyang asawa at pinsan. “Expression of concern” lamang daw ang kanyang sinabi dahil nakatatanggap din daw siya ng banta sa kanyang buhay. Wala raw siyang dahilan para ipapatay ang kanyang ka-tandem noong eleksyon. Wala raw siyang mapapala.
Ipinaaalala sa Mateo 12:37 ang kahalagahan ng pagiging maingat sa ating pananalita. “[P]ananagutan ng tao ang bawat walang kabuluhang salitang sinabi niya,” wika sa Ebanghelyo. May posisyon man tayo sa gobyerno o wala, dapat nating bantayan ang mga salitang lumalabas sa ating bibig, sa ating isip. May bigat ang mga ito. May epekto sa iba ang ating mga sasabihin. Kahit biro lamang, kailangan nating maging maingat dahil baka malagay sa alanganin ang kaligtasan at buhay ng ating kapwa.
Pero mas mahalagang naaalala at naisasabuhay ito ng ating mga lider. Bakit? Dahil dapat silang magsilbing mabuting halimbawa sa kanilang mga pinamumunuan; leadership by example, ‘ika nga sa Ingles. Nagsisimula ito sa mga salitang binibitawan nila sa harap ng publiko, lalo na ng mga bata. Dapat din silang papanagutin kapag lantaran nilang nilalabag ang batas. No one is above the law, sabi nga.
Mga Kapanalig, sa kanyang mensahe para sa pagdiriwang ng World Communications Day noong 2016, sinabi ni Pope Francis na may kapangyarihan ang mga salitang bumuo ng tulay na nag-uugnay sa mga tao. Dahil dito, dapat piliin nating mabuti ang mga salitang mamumutawi sa ating mga labi. Dapat tayong maging responsable sa ating mga sasabihin at panagutan ang epekto ng mga ito—karaniwang mamamayan man tayo o pinuno ng ating bansa.
Sumainyo ang katotohanan.