51,167 total views
Ibinunyag ni Fr. Rey Raluto, kura paroko ng Jesus Nazareno Parish sa Libona, Bukidnon at saklaw ng Diyosesis ng Malaybalay, ang malalim na pinsalang dulot ng malawakang agribusiness at pagmimina sa Mindanao, lalo na sa kalagayan ng kagubatan, suplay ng tubig, at buhay ng mga magsasaka at katutubong pamayanan.
Si Fr. Raluto ay nagsilbing tagapagsalita sa 3-day church-led conference ng Caritas Philippines na “Hayuma: Mending the Broken,” na ginanap sa University of Santo Tomas mula January 14 hanggang 16, 2026.
Ayon sa pari, bagama’t napapalibutan ng lupa ang mga lalawigan tulad ng Bukidnon, Lanao del Norte, at Lanao del Sur, dito naman nagmumula ang pinanggagalingan ng malalaking ilog sa bansa.
“Nasa amin ang sources ng mga major rivers, kaya napakahalaga ng forest cover. Dapat 54 porsiyento ito, pero ngayon, 23 na lang,” ayon kay Fr. Raluto.
Tinukoy niya ang unsustainable land use bunsod ng lawak ng mga plantasyon ng saging at pinya, kung saan ang agricultural expansion ay maituturing na parehong biyaya at sumpa—may hatid na pagkain at trabaho, ngunit may kaakibat na pagkasira ng kalikasan, lalo na ng tubig at ekosistema.
Binigyang-diin din ni Fr. Raluto na hindi umaangat ang buhay ng mga pamayanan sa kabila ng presensya ng malalaking agribusiness.
“Displaced ang mga Lumad kahit lupa nila ang tinatamnan. Sila pa rin ang pinakamahihirap sa aking parokya,” ayon sa pari.
Nagbabala rin ang pari sa panganib ng paggamit ng toxic agrochemicals at epekto ng pagmimina sa mga ilog at groundwater, kung saan mahigit 180 ilog sa bansa ang labis nang apektado ng polusyon.
Bilang tugon, nanawagan si Fr. Raluto ng mas malalim na pag-unawa at pagsasabuhay ng integral ecology ayon sa Laudato Si’, at iginiit na hindi maaaring ihiwalay ang pangangalaga sa kalikasan sa pagtatanggol sa mga katutubo.
“Hindi sapat ang tree-planting lang. Lahat ay magkakaugnay—kalikasan, tao, kultura, ekonomiya… Sa Mindanao, walang ecological advocacy kung walang paninindigan para sa Lumad at sa kanilang lupang ninuno,” saad ni Fr. Raluto.
Sa huli, hamon ni Fr. Raluto sa Simbahan at lipunan ang malinaw na paninindigan laban sa mga gawaing sumisira sa lupa, tubig, at buhay.
Aniya, kung patuloy na isasakripisyo ang kagubatan at mga katutubo sa ngalan ng kita at kaunlaran, hindi lamang kalikasan ang mawawala, kundi ang kinabukasan mismo ng mga susunod na henerasyon.






