3,125 total views
Nagbabala ang isang eksperto hinggil sa panganib na maidudulot ng kontaminadong sea cucumbers mula sa karagatan ng Oriental Mindoro.
Ayon kay marine scientist Jerwin Baure, ang sea cucumbers ay kumakain ng buhangin, putik at iba pang uri ng “sediments”.
Makikita ngayon sa mga dalampasigan ng Oriental Mindoro ang mga langis sa buhangin mula sa oil spill na maaaring pagmulan ng kontaminasyon sa mga sea cucumber.
Nangangamba si Baure dahil maaari itong magdulot ng panganib sa kalusugan lalo’t may mga mangingisdang nangunguha nito upang kainin o kaya’y ibenta.
“Eating contaminated sea cucumbers could possibly pose health risks in fishing communities. This is why Bureau of Fisheries and Aquatic Resources and Department of Environment and Natural Resources must extensively sample water, sediment and animal tissues to determine whether oil has contaminated them or not,” pahayag ni Baure.
Iginiit ng marine scientist na patuloy pa ring ipinagbabawal ng DENR at BFAR ang pangingisda sa Oriental Mindoro at mga karatig na lalawigan dahil sa epekto ng oil spill.
Panawagan naman ni Baure na siya ring public information officer ng AGHAM-Advocates of Science and Technology for the People ang pagkakaroon ng pagsusuri upang matiyak ang kaligtasan ng mga apektadong pamayanan.
Gayundin ang paghikayat sa pamahalaan na gumawa ng konkretong aksyon na makapagpapabilis ng pagtugon sa suliranin ng oil spill sa Mindoro.
Batay sa ulat ng Department of Health, umabot na sa halos 200 ang bilang ng mga nagkasakit na residente dahil sa epekto ng pagtagas ng langis.
Pebrero 28 nang tumaob sa karagatan ng Oriental Mindoro ang MT Princess Empress dala ang 800-libong litrong industrial fuel, na naging dahilan ng patagas ng langis at pagsasailalim sa state of calamity sa mga karatig na lugar.