463 total views
Inaanyayahan ng Radio Veritas ang bawat isa na makibahagi sa paksang tatalakay sa gampanin at misyon ng mga katutubo sa pangangalaga at pagpapanatili ng ating inang kalikasan.
Katuwang ng himpilan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – National Laudato Si’ Program at Laudato Si’ Movement Pilipinas sa talakayang ito na may temang “Ugnayan, Pakikipag-isa at Misyon Kasama ang mga Katutubo” na isasagawa sa programang Barangay Simbayanan, sa ika-6 ng Oktubre 2021, mula alas-8:30 hanggang alas-9 ng umaga.
Kabilang sa mga magbabahagi sa nasabing talakayan ay sina CBCP-Episcopal Commission on Indigenous People Program Coordinator, Mr. Tony Abuso; at National Anti-Poverty Commission – Indigenous People Sectoral Representative at katutubong Kankana-ey, Ms. Judith Maranes.
Ito ay bahagi rin ng pagdiriwang ng Season of Creation 2021 sa buong bansa na karaniwang ginugunita tuwing buong buwan ng Setyembre hanggang Oktubre 4, kasabay ng kapistahan ng patron ng kalikasan na si San Francisco ng Assisi.
Ngunit pinalawig pa ito hanggang sa Oktubre 10 upang ipagdiwang ang Indigenous Peoples’ Sunday bilang pagkilala sa mahalagang gampanin ng mga katutubo para sa wastong pangangalaga at pagpapanatili sa ating nag-iisang tahanan.
Batay sa tala ng National Commission on Indigenous Peoples, tinatayang aabot sa mahigit 11.3-milyon ang kabuuang populasyon ng mga katutubo sa Pilipinas.
Maaari namang matunghayan ang nasabing talakayan sa mga facebook page ng Veritas846.ph, CBCP National Laudato Si Program at Laudato Si’ Movement Pilipinas.