3,732 total views
Ipinaalala ni Apostolic Vicariate of Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo na sa 2025 Midterm elections boboto ang mga Pilipino sa harap ng Diyos.
Ayon kay Bishop Pabillo, bukod sa paghalal sa mga susunod na lider, ibinoboto din ng mga Pilipino ang kaloob ng Panginoon na mamumuno sa bayan na magsusulong ng kapakanan ng mamamayan at pag-unlad ng Pilipinas.
“Dapat ang lahat ay maging mapagnilay, ito rin ang panahon na maraming pinapakinggan, marami nang mga kampanya na ginawa ng mga kandidato dapat piliin natin ang maayos na nasa harap ng Diyos, hindi lang na ito yung palagay natin na ito yung ating paniniwala na ang makakatulong sa bayan,” ayon sa panayam ng Radyo Veritas kay Bishop Pabillo.
Pinayuhan ng Obispo ang mga botante na magkaroon ng pagninilay at iboto ayon sa konsensiya ang nararapat na pinuno na ipinagkaloob ng diyos.
Bukod sa pagninilay at pananalangin, umaasa si Bishop Pabillo na napag-aralan at nakilala na ng mga botante ang ihahalal na kandidato na may maayos na programa para sa ikakabuti ng mamamayan.
“Kaya ang boto po natin ay boto sa harap ng Diyos, ayun po ang ating paninindigan sa amin dito kinakampanya natin na iboto mo ang konsensya na sana ang manalo sinuman siya ay nanaig ang ating konsensya, yan po yung sinasabi ng aking konsensya, ng aking pinangalagaan at aking inalam ang aking paninindigan tungkol po sa bayan,” bahagi pa ng panayam ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.